II

23 1 0
                                    

Nilagay ko sa pandayang nagsisiklab, ang asero at batong-punongkahoy ng Argis, minartilyo nang paulit-ulit habang ito ay nag-iinit at pinagkaingatang ihugis, hanggang sa mapanipis. Ininit, ininsula at pinainit muli, hinintay ang paglisan ng batubalani sa bunong. Mabusising ikiniskis at pinatulis ang gilid, inukitan ng tanda "ᜃᜈ᜔ᜎᜓᜍᜈᜒᜈ᜔", sa gitna at malapit sa tabakan. Pinainit muli sa tamang temperatura, pinalamig, pinawi, kinikiskis ang papel de liha, pinakintab nang husto at saka inilagay ang tabakan, puluhan, at pomel. Napakahirap talagang tunawin ng batong-punongkahoy ng Argis na halos maubos ang uling sa napakaliit na bunong, paano pa ang balarao?

Nakarinig ako ng sabay-sabay na pagyabag ng mga sapatos na bakal ng mga kawal at halinghingan ng mga kabayo sa lansangan at bulungang pagkalakas-lakas ng madla sa labas.

Bumungad sa pagbukas ng bakal na pinto, ang mukhang ninanais kong limutin ng lubusan. Hindi ko akalain ang pagdating ng aking mahal na kapatid sa aking pandayan, pumasok siyang nakatakip ang kamay sa kaniyang ilong na umaastang parang pinanganak na Dakilang Maharlika. Suot-suot ang namumuti at mamahaling bulak na tunika at kayumangging balat na pantalon. Matagal-tagal ding hindi pinagtagpo ang aming tadhana, siya na nasa kaitaasan ng palasyo at ako na nasa laylayan.

"Kumusta, mahal kong kapatid?" bati niya, hindi ako kumibo at nagpatuloy lang sa paglagay ng uling sa pandayan saka ko sinilaban.

"Ganito mo batiin ang iyong nakatatandang kapatid?" tumawa siya. Tawang nakakapang-init ng dugo at kalamnan.

Tahimik siyang umupo malapit sa pintuan, iniingatang hindi mabahiran ng dumi ang puting tunika. Hinanginan niya ang kaniyang sarili gamit ang kamay sa tagaktak niyang pawis, bakas ang hindi pagkahirating mapawisan. Hindi ko mawari ang kaniyang pakay sa pagkakataong ito.

"Hindi ko inaasahang ang iyong pagbisita sa pandayang ito," panimula ko, "at alam kong hinding-hindi ka pupunta rito nang walang dahilan," sabi ko habang naglalagay ng asero at batong-punongkahoy sa pandayang nagsisilakbo.

"Siyang tunay," aniya, tumayo siya sa kaniyang kinauupuan, "nais ng ating ama na magsilbi ka sa palasyo bilang punong-kawal ng sandatahang lakas, at ako, bilang kanang kamay ng hari, ay makapangyarihang maikasatuparan ito," ani Elroy.

"At lubos ko itong tinatanggihan,"

"Gayunpaman, alam kong hindi mo hahayaang mamatay ang prinsipe sa Kanluranan," nabigla ako sa kaniyang sinabi, ito ba ang dahilan kung bakit hinirang si Eren na pamunuan ang pagsalakay sa Kanluranan? Alam kong sinanay siya simula pagkabata, subalit kinakailangan niya ng magpapatnubay sa laban.

"Bigyan mo ko ng dahilan para makibaka," pabalik na tanong ko.

"Para magbigay ng kaluwalhatian sa hari at sa kahariang ito," banggit niyang namumuwati ang lamig sa tinig.

"Kaluwalhatian?" halos wala nang makain ang mga tao sa kahariang ito, at kailanman ay hindi natin makakain ang kaluwalhatian! Nais kong ikatwiran ngunit nakakagalit dahil walang ibang maisip na paraan ang mga namumuno kundi ang gumamit ng dahas.

"Iyon ang punto ng pagsakop sa Kanluranan, para sa kaluwahatian ng bawat isa," hindi ko mapigilan ang isipin na ang layunin ng digmaang ito ay para sa kaluwalhatian lamang ng Dakilang Maharlika at sa pagpapaigting ng kapangyarihan sa mga nasasakupan at pananamantala sa mga dukha.

"Inuubos ng digmaang ito ang ginto at iba pang mapagkukunan ng yaman, pinagtatrabaho ninyo ang lahat ng mga manggagawa ng bakal, bato at kahoy, at mga magsasaka ng buong araw at walang pahinga!" hindi ko na natiis ang galit.

"Hindi dahil sa digmaan ang pagkaubos ng yaman ng Kanluran kundi sa pagtuyo ng kalupaan at yamang tubig, Huron," na siyang patuloy niyong sinasamantala magpasahanggang ngayon.

"Subalit hindi ito sapat na dahilan para sakupin sila para sa kayamanaan," katwriran ko, "unti-unti ninyong pinapatay ang malayang kalakalang tinayo ng ating mga ninuno! Kanluran, Kanluranan, paano tayo nakarating sa punto ng pagpatayan ng mga kamag-anakan?"

"Mahal kong kapatid, hindi mo alam ang mga kabuluanan ng mga Kauston, mas hihilingin nilang makitang mahalikan ng hari ang lupang ito kaysa sa malayang kalakalan sa atin!"

"At patuloy ninyo silang binibigyan ng dahilan, patuloy ang pagsalakay at pagsakop sa kabisera. Hindi makakalimutan ng buong sambayanan at ng dakilang angkan ng Kauston, na ikaw ay kasabwat sa pagpaslang sa dating hari!"

"Maghunos-dili ka at pagpiliang maigi ang mga susunod na sasabihin mo, Huron!"

"Anong sanhi sakaling bigyang-wakas mo rin ang buhay ko? Tulad ng pagpaslang mo sa ating ina?" nagngingitngit na si Elroy na para bagang nagsisiklab na balarao sa pandayan at pinipilit ang pagpapahinahon sa sarili.

"Nandirito tayo ngayon sa kahariang ito kundi dahil sa akin! Pinakain at binihisan ko kayo at ng ama nating walang magawa! Hindi mo alam kung gaano tayo naghirap sa mga kamay ng Kayakaya!" halos makalimutan ko na ang dakilang angkan ng Kayakaya, isa sa napakaraming mga kalaban ng Biridyan sa kapangyarihan sa Kanluran.

"At ito ang siyang dahilan sa patuloy na pagsalakay mo sa Kanluranan?" tanong ko, "dahil sa poot sa puso mo sa mga Kayakaya at Kauston, tama ba, mahal kong kapatid?"

"Mahal kong kapatid, ikaw na laging tutol sa digmaan bagamat ikaw ay ang panday na siyang nagbibigay dahas sa mga ahas ng daigdig. Siyang kabalintunaan?" napatahimik at napahinto ako sa sinabi niya matapos kong mailagay ang pomel sa balarao.

Tagos sa puso ang linyang binitawan ng aking mahal na kapatid. Bakit nga ba ako nagpanday? Sa bawat asero, tanso, bakal at Argis na tinunaw sa silakbo. Walang katumbas na kiligayahan para sa akin ang pinagkaingatang maihugis ang mga ito sa espada at pinaglaanan ng oras, dugo at pawis.

Kasingsama ko lang ang mga gumagamit ng dahas sa bawat pagpaspas ng mga ahas. Nililikha ko ang mga armas ng dahas ng digmaan na siyang lilipol sa kinabukasang hinahangad ko para sa susunod na salinlahi.

"Paalam, mahal kong kapatid," nagsalubong ang aming mga mata. Walang bahid ng pagguhit ng ngiti sa bibig niya, tumalikod siya at lumabas ng pandayan kahalintulad ng pagpasok niya kanina.

Hindi ko alam kung anong kasalanan ng daigdig sa kaniya. Hindi kami madalas mag-usap noong kami ay musmos pa lamang, mas malapit ang loob niya sa aming ama. At ako na madalas ay tahimik lamang, walang kibo, at para walang masitang maling gawain. At tiniis ang mga kalungkutang nadarama ng mag-isa. Mag-isang iiyak dahil nagugutom, naghihintay ng makakain. Pinaghalong pasasalamat at poot sa puso ang nadarama ko para kay Elroy. Walang kapatawaran ang pagpaslang sa sariling ina para sa kapangyarihan. Kinamumuhian ko siya dahil hindi niya magawang sabihin ang totoong dahilan. Marahil hindi ko maalala ang mga pangyayari at hindi ko matatanggap ang kung anumang dahilan ng kahapong pilit kong ibinabaong kalimutan. Samayari, bigyang katuparan mo nawa ang kahilingang ito.

*

Ang Daigdig sa Kahulihulihang HanggananTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon