Nakaupo ako sa ginintuang silya, ninanamnam ang alapaap na sumasalo sa aking puwit, kamay na nakasukbit sa sandalan, at manaka-nakang kinakain ang sariwa, hinog, at walang butong ubas sa mesa. Natutukso rin akong kainin ang iba pang prutas sa keramik na mangkok sa gitna ng mesa, lalong-lalo na ang luntiang dayap. Katapat ko ang higaan ng prinsipe. Sa gawing kaliwa ko, nakatungtong ang prinsipe sa bangkito, suot-suot lamang ang panloob na puting tunika at nakaharap sa salaming mas malinaw pa sa kahapon.
Siya ay sinusukatan ng mananahi at ng dalawa pang katulong niya, para sa bagong baluti na siyang gagamitin sa pakikidigma. Nakalatag ang mga tela, sa marmol na sahig na siyang ginagapang ng lamig ng panahon. Itinaas ko ang aking dalawang paa at ipinatong sa paanan ng katabi kong silya. Siyang kabalintunaan, na tayo ay naghahanda para sa sarili nating kamatayan, naghihintay sa tamang panahon at naghuhukay sa lupang hinirang ng pagkakataon.
"Ibig kong malaman ang iyong tugon ngayon," banggit ng prinsipe at saglitang humarap sa akin, "sa aking kahilingan, Huron," muli siyang tumalikod at tumingin sa akin sa pamamagitan ng katapat niyang salamin.
"Pagsisilbihan kita ng buong katapatan at ng buong puso nang walang pag-aalinlangan, ngunit," pinahinto niya ang mananahi at mga katulong, inutusang lumabas ng silid at lumapit siya sa akin.
"Hindi ito ang pinakahuling hihilingin kong maging kabalikat ka sa larangan ng digmaan," aniya na siyang tunay at para sa mga susunod pang digmaan hanggang kamatayan.
"Ngunit," bumuntong hininga ako, "hindi ko mapagbibigyang ang iyong kahilingan sa pagkakataong ito. At ninanais ko ang pigilan ka sa digmaang ito dahil hindi mo ito laban, hindi mo kinakailangang lumaban, mahal na prinsipe," sabi ko habang nakaiwas ng tingin sa kaniya. Ngunit sino ako para pigilan ang prinsipe?
"Siyang tunay," aniya, "hindi ko kinakailangang lumaban. Hindi ko ito laban subalit ito ay laban ng buong kaharian. Ito ang dikta ng reponsibilidad ko bilang prinsipe. Hindi na bumabata ang hari, at darating ang panahon ang pagsuno ko sa kaniyang yapak bilang hari," umupo siya sa silyang katapat ko.
"Sabihin mo ang dahilan ng iyong pagtanggi, at iyong marapating ipaintindi sa akin," banggit niya. Hindi ko alam kung paano ko maipaiintindi sa kaniya dahil ako mismo ay hindi makapagpasiya.
"Paulit-ulit mo itong ginagawa, ang tumamik sa mga pagkakataong hindi ka makapagpasiya. Natatakot ka bang mamatay sa digmaan?" mariing tanong niya.
Ako nga ba ay natatakot mamatay? Siyang karangalan ang mamatay para sa kahariang ito subalit hindi sa maling taong namumuno rito. Napakalaki ng pagkakaiba ng mag-amang ito. Masyadong nakadepende ang Haring Wilyam sa kaniyang kanang kamay na si Elroy, at marunong makinig at mapagpasiyensiya ang prinsipe Eren sa mga tao.
Natatakot ako—lubos akong natatakot. Natatakot akong mawala ang lahat, bamagat alam kong darating ang oras na iyon, kundi hindi ngayon ay bukas, kaya kailangan nating pahalagahan ang ating buhay, sa kaligayahan man o kalungkutang nadarama sa bawat araw na lumilipas, sa kalugurang malugod na hinahangad at pagdurusa sa mga maling gawi ng kahapon, kasalukuyan at kinabukasan, at sa kapahamakang hindi inaasahan at sa tagumpay ng bawat isa at nating lahat. Natatakot ako sa bawat segundong lumilipas sa bawat sandali ng buhay, ngunit natatakot din akong lumisan. Ang iwanan ang lahat para sa ninanais na kaligayahan. Kailanman ay mahirap ang magpaalam kaninuman sapagkat hindi ganoon kadali ang magpaalam.
Minsang hiniling kong hindi ko na sana nakita ang Samayari, hindi na sana pinainit ng Piyo ang katawang lupa ko, hindi na sana tumapak sa sangkalupaang napapaligiran ng Apa. Hindi na sana naramdaman ang pagkabig ng puso sa dibdib, hinanginan ng Ani sa ilong at bibig, at binigyang liwanag at kadiliman ni Alona. Ngunit hindi ako natatakot mamatay, wala akong dahilan para matakot. Walang iiyak sa paglisan ko sa daigdig na ito, at hindi kailanman iiyak ang ama at nakatatanda kong kapatid para sa akin.
*
BINABASA MO ANG
Ang Daigdig sa Kahulihulihang Hangganan
FantasiPatuloy ang pag-igting nang pag-aagawan ng lupa sa hilagang nasasakupan ng Kaharian ng Kanluranin at Kaharian ng Kanluranan sa nagdaang tatlong taon ng digmaan. Kasabay nito ang lumalalang kagutuman sa buong kaharian dahil sa kapabayaan ng mga namum...