"ANGELIQUE, ano ang nangyari at namamaga ang mga mata mo ha?" kunot noong tanong ni Millet sa kaniya. Kasalukuyang nasa classroom sila at hinihintay ang propesor nila.
Awtomatiko siyang napahawak sa parte ng mga mata niya. Tinanong din iyon sa kaniya ng tita niya pag-uwi niya kagabi. Mabuti na lang pala at nagpababa siya kay Aio sa entrance ng village nila kaysa pagbigyan ito sa gusto nitong ihatid siya hanggang sa tapat ng bahay nila. Pagdating kasi niya ay nakaabang na sa gate ang tita niya. Napansin din nito ang namamaga niyang mga mata.
"Sumakit kasi ng husto ang ulo ko kahapon. Alam niyo naman ako kapag may sumasakit sa akin naiiyak ako ng husto," dahilan niya. Iyon din ang sinabi niya sa tita niya at naniwala naman ito.
"Naku bakit naman kaya sumakit bigla ang ulo mo? Baka kinukulang ka sa vitamins," sabi naman ni Toni.
Nginitian niya ang mga ito. Parang tita niya ang mga ito sa kaniya, over protective. "Malabo iyan no. Tita always makes sure na hindi ako pumapalya sa mga vitamins ko," sabi niya sa mga ito.
Kaibigan niya si Millet at Toni mula pa noong high school. Mababait ang mga ito sa kaniya noon pa man at magkakasundo sila. Hindi nga lang niya kaklase ang mga ito sa algebra.
"At in fairness hindi ka naka skirt ngayon. Paano ka nakalabas ng bahay ng naka jeans na hindi ka pinagpapalit ng damit ni tita Emma?" tanong na naman ni Millet.
Bahagya siyang natawa. "Sinabi kong marumi na lahat ng palda ko." Dapat ay magpapalda talaga siya pero naalala niya ang sinabi sa kaniya ni Aio ay nagbago ang isip niya.
"Teka kamusta pala si papa James mo? May development na ba?" biglang tanong ni Millet.
Bigla siyang napayuko sa tanong nito. She felt a tiny pain on her chest when she slightly remembered what happened yesterday. Madalas niyang ikuwento sa mga ito si James. Alam din ng mga ito kung ano ang nararamdaman niya para sa binata. Pero ngayon ay ayaw niya munang pag-usapan ang lalaking iyon at ang ginawa nito sa kaniya sa mga kaibigan niya. Wala pa siyang ganang magkuwento. Weird, samantalang kay Aio ay malaya niyang sinabi ang lahat. Ah, siguro ay dahil ayaw na rin muna niyang alalahanin iyon. Nagkibit balikat na lang siya. "Ganoon pa rin," sabi na lamang niya at nagkunwang nagbabasa ng notes.
Kahit kasi iniyak na niya ang lahat ay hindi pa rin niya maitatangging nakakaramdam pa rin siya ng sakit tuwing naiisip ang nangyari. Paano namang hindi, kahit naman kasi nalaman niyang hindi totoo ang mga pinakita ni James sa kaniya ay ito pa rin ang unang lalaking nagustuhan niya ng husto at minahal. Ipinilig niya ang ulo. Ayaw na muna niyang isipin iyon at baka maiyak pa siya ng wala sa oras.
Hindi naman na nagtanong ang mga ito at iniba ang usapan. Nakinig na lang siya sa mga ito dahil mukhang chismis ang pinag-uusapan ng mga ito. Magaling sumagap ng chika ang mga ito. May pagkapilya rin ang mga ito. Hindi nga lang alam iyon ng tita niya dahil mukhang pinong dalaga ang mga ito sa harap ng tita niya. Naging teacher din kasi nila ang tiyahin niya at alam ng mga ito kung gaano iyon kahigpit lalo na sa kaniya.
Minsan nagtataka siya kung paano siya napagtatiyagaan ng mga ito. Aminado naman kasi siya na hindi siya kasing fun kasama ng mga ito. Kapag naguusap silang tatlo ay observer at listener lang siya at bihira magkwento. Yet they don't seem to mind it at all. Sabi nila ay ganoon naman daw kasi ang magkaibigan, kayang tanggapin kung ano ka.
"Naku sino nga kaya talaga ang babaeng iyon ano? Sa apat na taon natin sa school na ito ay never pa akong may nakitang babaeng kasama ng kahit na sino sa kanila. Pero kanina raw ay may kasabay silang kumain sa canteen. Lahat sila! Imagine!" narinig niyang sabi ni Millet.
"Oo nga eh. For sure super ganda 'non. O baka model na pala. Feeling ko naman kasi mga ganoong babae ang mga tipo nila," sabi naman ni Toni.
"Pero sino kaya sa Biker's Club ang boyfriend ng babaeng iyon? Naku sana naman hindi si Yuuji," komento ni Millet sa tonong tila nagmamakaawa pa.
BINABASA MO ANG
TIBC BOOK 2 - THE LOVE COACH
RomanceKahit matalino, tampulan pa rin ng panunukso ng kanyang mga kaklase si Angelique dahil sa ayos niya at paraan ng kanyang pananamit. Manang daw siya. Mabuti na lang, hindi ganoon ang pakikitungo sa kanya ng crush niya kaya bilang kapalit ay tinutulun...