Maraming Bitterano na nageexist sa mundong to at napakarami nila, isa na ko dun at Proud ako. Sa bawat sampung tao ang nakikita at nakakasalubong ko kada araw, siyam sa kanila ang magkarelasyon, magkaMU, nagliligawan at naglalandian.
Ang taong nabibilang sa ganitong "In a relationship" status ay ang mga taong kinaiinisan ko pero hindi naman gaanong sobra. Buwan ng Pebrero ang kinokonsidera kong Araw ng mga Patay....na patay sakin pero biro lang. Eto ang buwan kung saan lahat ng makita o makasalubong kong sweet sa isa't isa na kulang langgamin sila at amagin, nagsisindi ako ng kandila sa tabi nila at nagdarasal ng taimtim. Kung minsan pagmay magka-holding hands naman lumalapit ako hinawakan din ang kamay ng babae at pagnapipikon ang siyota nila lumalapit ang mga kapwa Bitterano ko parang maghawak-hawak kamay kami at sabay-sabay sa pagkanta ng Nothing lasts Forever para walang pikunan. Kung single ka at galit sa mga sweet at nakakainlab na bagay, pwedeng-pwede ka sumama sa amin at magtatayo ng hukbo na susugpo laban sa kalandian at kakerihan ng mga tao. Lima kaming magkakaibigan na natuturingang parang kamote at hindi ko alam kung bakit.
Lorenz, yan ang naisip na ipangalan sakin mga magulang ko at nagpapasalamat naman ako kesa junard o jhonsun ang ilagay sa birth certificate ko. Kung magkakaroon ng Rango ang mga Bitter dito sa Pilipinas baka Heneral na ko o di kaya Emperador at syempre may alagad akong mga kaagapay ko sa pakikibaka. Nanguguna si Arnie, siya ang aking kanang kamay. Payat, maliit at pandak, lakas manglait diba? mas malala siya, pagdating sa kalokohan sa mga gagawin na prank, napakabilis niya magiisip ng joke na ibabanat pero napakaCORNY talaga dahil dun minsan muntikan na siyang magulpi ng jeepney drayber sa kacornyhan ng biro at masayahin siyang tao na sa sobrang saya kahit ngumiti ka lang tatawa na siya parang baliw diba? pero sa kabila ng tawa at ngiting nakikita mo sa kanya ay isang madilim at malungkot na blankong espasyo sa puso niya. Ang lalim nun pero saka na muna siya.
May kanang kamay na ako syempre hindi mawawala ang kaliwang kamay at nakaupo sa pwestong yun ay si Raffy. siya ang halos eksaktong kabaliktaran ni Arnie, kung gaano kapayat yung isa ay ganoong din siya kataba, kung gaano kaCorny ang joke nung isa ay ganun naman na nakakatawa ang mga birong pinagsasabi niya pero miminsan lang siya magsalita at bugnutin. pag magkakasama kami para bang ang lalim ng iniisip niya na sing lalim ng bilbil niya. Gaya nga ng sabi ko halos eksaktong magkabaliktad ang ugali nilang dalawa pero kahit ganun madalas silang magkasama at isang bagay lang ang di nila pinagkakasunduan. Ang Kung sino ang Sasagot ng Pamasahe Pauwi, tropa talaga.
hindi syempre mawawala tanga sa tropa, si Alfonso ang Hari nila. siya ang pinakaPogi samin at halos talo niya kami sa lahat ng bagay na may katangahan gaya ng Pagligaw sa babaeng bagong kakakilala pa lang mga 3.442 secs ganun, pagbili ng mga bagay gaya ng libro tas ididisplay at di papagalaw sa iba pagkatinanong mo kung bakit di niya binabasa sasabihin niya English daw eh, nakabasag ng ilaw, nageffort ng todo at nabusted ng crush, ang pinaka na the best pa na katangahan ay yung Nauntog siya sa sahig habang may play sila sa theatre ng school namin pero dahil sa pagkauntog niya na-awardan siya ng "Best Supporting actor". siya ang nagpapatunay na Di bale nang tanga atleast masaya. Kung san masaya ang mga tao sa paligid niya dun din siya nagpapasaya ng iba.
Vincent ang pangalan at ang taong kinakikiligan na dapat tandaan at kilalanin, sa mga tingin niya'y mararamdam mo ang banayad na simoy ng hangin at mararamdaman mo ang kapayapaan kahit saglit. Siya ang pinaka-Misteryoso sa aming lima, malalalim magsalita at magiisip. Sa bawat salitang binibitawan niya sa kanyang mga bibig makikita mo ang isang taong parang nabubuhay na noon pang sinauna ang panahon. Kapag dalawa lang kami na magkasama, nahahawa ako sa mga kanyang gawi at pananaw sa bagay bagay. kung di niyo napapansin parang lumalalim na ng lumalalim ang aking panananilita dahil siguro nararamdam ko siya ngayon sa paligid ko. Sa unang tingin, aakalain mo na masungit at masyado niyang sineseryoso ang buhay, may talento siyang naitatago. Ang talento ng PagPick up lines at panalo ang PangBabara lines niya.
May Corny
May Bugnutin
May Tanga
May Misteryoso
at syempre ako na
May Bitter
kaming lima ang makikilala niyo, bakit nga ba walang FOREVER?
