Chapter 3

29 8 1
                                    

Dreams are series of thoughts or visions during sleep, something notable. But my dreams are all nightmares, very frightening. Forgotten memories revisit me twice this night, consecutively. I've tried my best to bury them in my past, but they're starting to haunt me again. Long ago when my nightmares started to leave me alone. Giving me a peaceful and a dreamless sleep, ever since.

Nakahain sa hapag ang payak na pagkain na aming pagsasaluhan ngayong gabi. Mainit na kanin, adobong baboy, kalderetang manok at leche flan na aming panghimagas. Katapat ko si ate Lorra na katabi naman ang naglalaway nang si kuya Miki. Sa sentro ng mesa ay naka-puwesto si nanay, tanda ng pagiging bread-winner niya sa pamilya.

"Manalangin tayo", wika ni nanay. "Panginoon, nagpapasalamat po kami sa pagkaing nakahain sa aming hapag", pagsisimula niya. "Basbasan mo ang pagkaing ito upang magbigay ng lakas sa aming ispiritwal, mental, emosyonal at pisikal na pangangatawan. Ito ang aming samut dalangin sa matamis na pangalan ni Hesus".

"Amen", sabay sabay naming usal bago magsimulang kumain. Hindi na napigilan pa ni kuya ang kaniyang sarili at mabilis na nilantakan ang paborito niyang ulam. Kalansing lamang ng kutsara at tinidor ang maririnig dahil walang nangahas na magsalita.

"'Nay, bakit po umalis si tatay?", pagbasag ko sa katahimikan. Magkahalong galit at lungkot ang rumehistro sa mukha ng aking ina. Samantala, sumesenyas ang aking mga kapatid na ako ay manahimik at kumain na lamang.

Hindi ako natinag, naglakas-loob akong muli na magsalita. "Bakit po tayo iniwan ni tatay?", sambit ko. Isang malakas na sampal ang lumapat sa aking kanang pisngi, nanuot sa aking laman ang sakit na dulot nito.

Bigla na lamang umalis si nanay at lumabas ng bahay nang walang pasabi. Sinundan namin ang mga galaw niya hanggang sa makalakad siya palabas ng bahay. Nagkatitigan muna kaming tatlo bago nila ako bulyawan.

"Kung 'di ka na sana nagpasikat pa", putol na panunuya ng aking kuya. "Bakit kailangan mo pang itanong ang mga 'yun? Alam mo namang kaaalis lang ni tatay at hindi na babalik pa diba?", gatong ni ate Lorra.

"Pero hindi ko maintindihan kung bakit siya umalis", naluluhang sagot ko. "Hindi mo pa pwedeng malaman dahil bata ka pa", balik ng ate. "Kung tumahimik ka na lang sana at kumain, hindi na sana nangyari to. Malamang maglalasing na naman 'yung si nanay dahil sa'yo", sabat ni kuya habang ngumunguya ng karne.

"Teka, bakit parang kasalanan ko?", tanong ko. "Kasalanan mo talaga", nagulat ako sa sinabing iyon ng aking kuya. Paano ko naging kasalanan? Ako nga itong naiiwan, ako nga itong hindi makasabay, ako nga itong walang alam sa mga nangyayari pero ako pa pala itong may kasalanan.

Saglit na katahimikan ang bumalot sa paligid. "Ikaw ang may kagagawan sa lahat ng mga ito. Dahil simula nung ipinanganak ka, nagkandaleche-leche na ang buhay namin. Kung 'di dahil sa'yo, nandito pa sana si tatay. Kundi hindi dahil sa'yo, masaya sana kami ngayon at hindi palaging naglalasing si nanay", bulyaw sakin ni kuya Miki.

Napakasakit marinig iyon sa sarili mong kadugo. Napakasakit na habang sinisisi ako ni kuya ay parang walang pakialam si ate sakin. Hindi nila naisip na nasasaktan din ako. Hindi nila inisip na kapatid nila ako.

Dahil sa masasakit na salitang aking narinig at sa pambabaliwala nila sa aking nararamdaman ay nagdesisyon akong umalis na muna upang mag-isip. Tumayo ako sa aking kinauupuan at hindi ako nag-atubiling umalis. Tutal, wala rin naman silang pakialam sa akin. Wala silang pakialam sa nararamdaman ko.

Pagkalabas ko pa lang sa pinto ay naramdaman ko na agad ang lamig ng simoy ng hangin na wariy nakikisimpatya sakin. Naglakad ako nang naglakad kahit saan ako dalhin ng aking mga paa.

Nadaanan ko ang basketball court na may mga naglalarong mga batang mas matanda lang sa aking ng ilang taon. Mga nanonood sa halo ang mga emosyon. May masaya, may kinakabahan, may tensyon at may kagalakan.

"Buti pa sila, masaya", bulong ko sa aking sarili. Ito na naman 'yung mga oras na pakiramdam ko ay wala akong kakampi. Pakiramdam ko kakaiba ako sa lahat. Wala namang mali sa akin. Hindi lang nila ako maintindihan dahil sa una pa lang ay ayaw na nila akong intindihin.

Nagpatuloy ako sa aking paglalakad na puro pasulong at walang paatras. Nakarating ako sa tindahan ni Aling Epang at dun ko nadatnan ang aking nanay.

Namumugto ang kaniyang mga mata, ilong na may uhog na dulot ng pag-iyak at namumulang mukha. Lasing na siya, lasing na naman. Tama si kuya, kasalanan ko nga ito.

Biglang naduwal si nanay sa sobrang kalasingan. Hindi ko alam ang gagawin kung kaya hinaplos ko na lang ang kaniyang likod upang makaramdam siya ng kaunting ginhawa.

"Oh anak, anong ginagawa mo dito?", tanong niya sa gitna ng kaniyang pagduwal. Hindi ko sinagot ang tanong niyang iyon dahil ayoko nang lumala pa ang siywasyon. Hindi na ako kumibo, tumingala na lamang ako sa langit na puno ng bituin.

Milyon-milyong mga butuin na may milya-milyang pagitan ang sabay-sabay na kumikislap sa kalangitan. Napakaganda, sa tuwing nakikita ko ang ganito ay temporaryong nakakalimutan ko ang mga problema ko.

Nabalik ako sa huwisyo nang isinandal ng nanay ko ang ulo niya sa balikat ko. "Alam mo ba anak? Paborito rin namin ng tatay mo ang panoorin ang mga bituin sa gabi?", agaw niya sa atenisiyon ko.

"Hindi mo ata naitatanong na nung nanliligaw pa lang ang tatay mo ay palagi niya akong dinadala sa bukid tuwing gabi at sabay naming pinagmamasdan ang mga bituin", dagdag niya, nakapatong pa rin ang ulo sa balikat ko. Hindi pa rin ako umiimik kaya itinuloy ni nanay ang pagsasalita.

"Pero simula nung umalis ang tatay mo, ayaw ko nang nakakakita ng mga bituin", saad niya na may kasamang malungkot na pagtawa. Hindi ko na napigilan ang sarili ko, inilabas ko na ang matagal ko nang kinikimkim.

"'Nay, mahal po ba tayo ni tatay?, Mahal niyo po ba ako?, May puwang po ba ako sa pamilya natin?, Kung mahal po tayo ni tatay, bakit niya po ,tayo iniwan?", sunod-sunod na tanong ko.

Inangat ni nanay ang ulo niya sa pagkakasandal sa balikat ko. Tinitigan niya ang aking mga mata na parang binabasa kung ano ang nararamdaman ko. Isang mapait na ngiti ang isinukli niya sa.kin.

"Mahal na mahal kayo ng tatay niyo, tatandaan mo yan. Mahal na mahal ko rin siya. At wag na wag mong iisiping hindi ka parte ng pamilya natin, kasi mahal na mahal ka namin ng ate at kuya mo. Hindi lang nila ipinapakita, pero totoo 'yun", tugon niya sa mga tanong ko. Hindi ko namalayang isa-isa na pa lang tumulo ang luha sa aking mga mata.

"Kahit na mahal tayo ng tatay niyo, parang may maliit pa rin na puwang sa puso niya na hindi natin kayang punan", malungkot niyang wika. Pinunasan ni nanay ang mga takas na luha na dulot ng huli niyang winika.

Magmula nung gabing iyon ay may malalim nang kahulugan ang mga bituin sa akin. Hindi lamang pala ito sumisimbolo sa pag-asa na mahahanap natin sa gitna ng kadiliman. Ang mga bituin ay sumisimbilo rin pala ng pag-ibig. Pag-ibig na pwedeng maglaho pagsapit ng umaga.

Matagal na rin nung huli akong dalawin ng mga bangungot na ito. Bangungot ng pang-aabuso. Bangungot ng paglisan. Bangungot ng pagdadalamhati. Lahat ng mga ito ay nag-iwan ng malaking lamat sa aking pagkatao.

Sa tuwing bumabalik ang isa sa mga ito ay may masamang nangyayari sa akin. Ngunit bakit sa pagkakataong ito ay sabay-sabay nila akong dinalaw sa pagtulog ko. Ano ang kahulugan nito? Mukhang masama ito. Hindi, mas masama pa sa inaakala ko.

Blood BaptizedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon