Pag-uwi

17 4 2
                                    

Hindi ko na namalayan ang oras dahil sa trabaho ko. Mag-uumaga na kaya't kailangan kong magmadali na makauwi.

Wala nang lamang tao ang kalsada. Payapa at tanging pagkahol ng mga aso sa paligid ang bumabasag sa katahimikan ng mga oras na iyon. Marahan ang paglagatak ng takong ng aking sapatos sa malamig na semento ng daan habang naglalakad.

Nasa may madilim na eskinita na ako nang biglang umihip ang malakas na hangin. Nanlamig ang buong katawan ko dahil na rin sa maikli ang damit na aking suot. Nanginginig man ay ipinagpatuloy ko pa rin ang paglalakad.

"Panigurado ay gutom na sila," nag-aalala kong sambit sa aking isipan. Hawak ko sa kanang kamay ang isang plastic bag na may lamang isang supot ng pancit, isang mansanas, at kahon ng gamot.

Sa aking mga paghakbang ay naalala kong muli ang kalagayan ko ngayon. Nakakasuka man ang trabaho, wala akong magagawa dahil kailangang mabuhay. Kailangan naming mabuhay kahit patapon.

Pokpok, kaladkaring babae, makati, malandi. Sanay na akong marinig ito mula sa mga taong nakakasalamuha ko. Sa pagtagal ng panahon ay namanhid na rin ako sa mga pangungutya, sa mga tinging mapanghusga. Totoo rin naman eh, na kaladkarin ako. Pero kailangan naming mabuhay, lalo na ng dalawa kong anak.

Mula sa sulok ng dalawa kong mata ay nagsiunahang magbagsakan ang nga butil ng luha. Umagos pababa sa mga pisngi kong puno ng kolorete. Marahan ko itong pinahid ng aking kaliwang palad, bumuntong-hininga at mas binilisan pa ang paglalakad.

Ilang kanto na lamang ang layo ko sa aking bahay, nang sa karimlan ay may mga kamay na biglang humablot sa aking braso. Tinakpan ang aking bibig at may itinutok na bagay sa aking sentido. Kumabog ang dibdib ko nang malaman ko kung ano ito.

Isang baril.

"Holdap to," turan ng isang lalaki. "Akin na wallet mo kung ayaw mong pasabugin ko tong ulo mo!" Walang pangingimi sa kanyang mga banta.

Mas lalo pa niyang idiniin ang baril sa aking sentido. Inalis nito ang kamay sa aking bibig at saka hinigpitan ang hawak sa aking braso upang di ako makatakas.

"S-sandali, wag mo kong saktan. May mga anak ako" nanginginig kong pagmamaka-awa sa kanya. Hindi ko maaninag ang itsura nito dahil natatakpan ng panyo ang kalahati ng kanyang mukha.

"Wala akong pake! Bilisan mo, kung ayaw mong malintikan sakin!" muli nitong pagbabanta.

Nanginginig man ay dahan-dahan kong dinukot ang maliit kong wallet sa may aking tagiliran. Iniabot ko ito sa kanya na agad naman niyang kinuha.

"Ano yang nasa plastic?" pag-uusisa nito habang nakatingin sa dala ko. "Ibigay mo rin sakin yan."

"S-ser parang awa mo na yung wallet na lang ang kunin mo. Sa mga anak ko ito," pakiki-usap ko. Hindi pa rin nito iniaalis ang baril sa aking ulo.

Sinusubukan kong kumalma dahil isang maling galaw ko lang ay baka kalabitin ng lalaking iyon ang gatilyo at barilin ako bigla.

"Akin na yan!" Marahas nitong hinablot ang plastic bag sa aking kamay. Sumambulat ang laman nito sa kalsada. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin kaya agad akong kumawala at tumakbo ng mabilis. Kailangan kong makauwi, hinihintay ako ng mga anak ko.

Mabilis ang aking mga hakbang. Agad kong hinubad ang suot kong sapatos upang makatakbo ng maayos. Kailangan kong makalayo sa lalaking iyon. Natutusok na ang aking mga paa ng mga maliliit na bato sa daan at halos madapa na rin sa sobrang pagmamadali ngunit di ko iyon alintana. Ang mahalaga ay makauwi ako.

Liliko na sana ako sa huling kanto papunta sa aming bahay nang bigla umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril. Napatigil ako at agad na sinapo ang aking likod. Mula sa aking mga daliri ay may nakita akong bakas ng dugo.

Maraming dugo.

Bumulagta ako sa kalsada, habol ang aking hininga. Nanghihina ang buong katawan ko at nagsisimula nang mawalan ng malay. Kailangan kong umuwi. Ang mga anak ko.

"T-tulong," pabulong kong sambit habang nahihirapang huminga. Ngunit wari'y walang nakakarinig at wala ring tutulong. Kahit pag-iyak ay hindi ko na rin magawa. Sobra na akong nanghihina at naliligo sa sariling dugo.

Mula sa isang bahay ay may naaninag akong nagbukas ng bintana. Kahit papaano ay may pag-asang bumalo sa aking puso.

Gamit ang natitira kong lakas ay sumigaw ako. "T-tulong!"

Iniunat ko ang aking duguang kamay sa direksyon ng bahay na may bukas na bintana. Ngunit nakita ko na agad niyang isinarado iyon.

Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.

Unti-unting lumabo ang aking paningin. Mas lalong tumahimik ang paligid. Sinubukan kong tumayo ngunit hindi ko maigalaw ang aking katawan.

Tuluyan kong ipinikit ang aking mata hanggang sa balutin ako ng kadiliman. Mula sa kadilimang iyon ay nakita ko ang aking sarili na kausap ang isang batang babae.

"Mama uwi ka agad ha?" malumanay niyang sambit. Malungkot ang mga mata nito na nakatingin sa akin.

"Oo anak, hintayin nyo si Mama. Babalik agad ako. Pangako."




One Shot Stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon