"Anak..."
"Po?"
"Bakit ang bobo mo?"
Nasa loob nang kotse si Erwin at ang kanyang Ama ang nagmamaneho. Kinuwento ni Erwin ang lahat ng nangyari ngunit ang Ama niya ay nagbigay ng sermon pagkatapos ng kwento.
"Bukod sa mali ka pa ng binabaan, nagtatatalon ka pa sa ginawa mo? Tingin mo naman pogi ka sa ginawa mo?" Sabi ng kanyang ama
"Eh kasi naman tay, bilib lang ako sa sarili ko at nagkaroon ako ng lakas ng loob na gawin lahat ng iyon." Tugon naman ni Erwin.
"Hmm... sige. Sabihin na nga natin na para sayo nakakamangha na ang ginawa mo. Pero hindi mo ba naisip na sa ginawa mong yon ay lalo mo lang pinahirapan ang sarili mo? Ayaw na ayaw ng babae na nagkakamali sila, kahit totoong nagkakamali sila. Emosyonal ang babae anak. Hindi naman kita kokontrahin sa gagawin mo, binibigyan lang kita nang babala...."
Napatingin saglit ang Ama sa rear view mirror para makita si Erwin. Nakita niya itong tulog na at masaya ang mukha at nakanganga, tumutulo ang laway. Binubulong rin nito ang pangalan ni Julie
"Pambihira! Mananaginip na nga lang puno pa ng malisya..."
Sa sumunod na mga araw ay laging hinahanap ni Erwin si Julie. Kadalasan ay nauuwi sa wala ang kanyang paghahanap. Hindi na mahagilap ni Erwin ang kanyang crush. Sa ilalim ng puno ng mangga madalas tumambay si Erwin. Umaasang masulapyan uli ang babaeng nagpatibok ng puso niya at pinangakuan niya na liligawan.
"Tol anong ginagawa mo dyan?"
Lumigon si Erwin sa gilid at nakita nya ang kanyang matalik na kaibigan.
"Oy Marky! Nakita mo ba si Julie?"
"Sabi na nga ba siya ang hinahanap mo eh..."
"Hehe bakit ba? Nagbitaw na ako ng salita, hindi ko na pwedeng bawiin yun!"
"Ikaw at ang mga salita mo, balang araw talaga mapapahamak ka...."
"Tol, What's with the hate? Show some love for your homie. Come on, I need support badly!"
"Woooah pare, wag kang maging baduy! Oo nga pala, muntik ko nang malimutan. Nakita ko si Julie doon sa canteen, may kasamang lalake. Mukhang close sila kanina pa sila naghaharutan doon eh"
Nagmadali si Erwin na pumunta sa canteen ng kanilang school. Mga ilang minutong nakalipas, hingal na hingal siyang dumating sa kanyang destinasyon, sabik na sabik makita si Julie. Agad naman niyang nilibot ang canteen kahit malapit na siyang kapusin ng hininga. Sa wakas nakita niya ang babae ng kanyang panaginip sa kasuluk-sulokan ng canteen. Mukhang lumipat sila dito dahil napansin nila na pinagtitinginan na sila.
"JULIE!" Sigaw ni Erwin
"Oh S***!" bulong ni Julie, at agad tinakpan ang mukha niya.
Pinuntahan ni Erwin ang mesa nila Julie
"Hello!" Simpleng bati ni Erwin sa kanila "Naalala mo pa ba ako?"
"Sino 'tong mokong na to?" Tanong ng lalakeng kasama ni Julie.
Bago pa man makapagsalita si Julie ay agad ng tumugon si Erwin
"Eh ikaw pre sino ka ba? Ayos kang maka mokong ah? Gusto mo ba ng Away?"
Tumayo ang lalake at tinulak si Erwin "Siguro nga gusto ko ng away.."
Natumba si Erwin sa sahig, at dito na umeksena si Julie.
"Don! Huwag mo siyang patulan. Hindi siya masamang tao."
Dahil sa salita ni Julie ay kumalma rin ang kasama niyang si Don. Mahinahong umupo si Don at si Julie naman ay pinuntahan si Erwin at tinulungan itong makatayo.
