Pagtatatuwa:
Ang kuwentong ito ay isang gawa ng kathang-isip na batay sa ilang mga makasaysayang pangyayari. Lahat ng mga pangalan, tauhan, lugar, kaganapan, at insidente sa kuwentong ito ay produkto ng imahinasyon ng may-akda o ginamit sa isang kathang isip na pamamaraan.
---
Ngayong gabi ay puno ng kagalakan at pagdidiwang ang malaking mansyon ng mga Montiya. Samo't sari ang hinandang pagkain at mga inumin ng pamilya para sa mga imbitadong mayayaman na nakakataas ang antas sa lipunan. Ang hangin ay nababalot ng musikang tugtog ng banda sa pangalwang palapag na sinasabayan ng mga nagsasayawang magkakapareha. Sa isang gilid ng malaking bulwagang ito ay matatagpuan ang mga inip na inip na mga chaperone at mga dalagang nag-aantay aluking maisayaw. Sa kabilang bahagi naman ay umpukan ng mga kalalakihan na nasasabik na magbahagi ng kanilang mga kuwento sa isa't isa.
Ang aking kinagawiang gawain sa mga pagtitipon na gaya nito ay ang umupo sa lugar na hindi pansinin, at magmasid sa mga miyembro ng principalia na naimbita. Karaniwan, ako ay masaya na sa ganitong libangan habang pasulyap-sulyap sa kabilang bahagi ng bulwagan kung saan naroroon ang aking matalik na kaibigang si Julio. Ngunit ngayong gabi ay naburyo na ako sa pormal na mga seremonyas at pinili kong maging mapangahas. Kinumbinsi ko si Julio na maghanap ng kakaaliwalan na misteryo sa malaking bahay na bato.
Kung sana lang ay tuluyan na lamang akong nasiyahan sa pagiging pamutas-silya . Hindi sana mangyayari ang napakahabang gabing ito.
Napahawak ako nang mahigpit sa kamay ng aking matalik na kaibigan noong sigurado akong nasusukloban na ang aming mga imahe ng kadiliman ng mga kakahuyan. Kung may makakakita man sa amin nang mga oras na ito ay tiyak na isang malaking eskandalo ang magaganap. Ang isang lalaki at isang babae na hindi kasal sa isa't isa na matatagpuang walang kasamang chaperone ay talagang magdudulot ng mapanindik-balahibong mga usap-usapan. Ngunit ngayon ay wala sa isip ko ang kung ano mang iisipin at sasabihin ng mga mapangutyang mga mamamayan ng pueblo tungkol sa aming reputasyon. Ang tanging mahalaga sa oras na ito ay ang makalayo kami mula sa aming nakakakilabot na nasaksihan.
"Wala akong narinig." Narinig kong nanginginig na bulong ko sa aking sarili.
Gusto kong matawa nang mapakla sa aking sinabi. Ganito na ba talaga ako kamakasarili? Subalit anong magagawa ko? Uunahin ko pa ba ang kapakanan ng iba kung sarili ko ang nakataya? Ang kaligtasan ko at ng aking kaibigan ay higit na mahalaga kaysa sa pagsusumamo ng isang indiong laban sa isang kastila na aming nadinig kanina. Marahas akong tumango at madiin na kinuyom ang aking mga kamay hanggang sa dama kong malapit na dumugo ang mga ito.
"Wala tayong narinig." Tiim ang bagang kong giit kay Julio habang seryosong nakatitig sa kanyang mga mata.
Umiwas sya ng tingin at nangangatog na huminga nang malalim. Kita ko na namumuo na ang mga luha sa kanyang mga mata at ramdam kong sinasabi ng kanyang isipan na panaginip lang ang lahat. Desperado kong inabot ang kanyang mga balikat at marahas siyang inalog.
"Wala tayong narinig." Naiiyak ko uling bulong sa kanya. Pilit kong binubura sa aking isipan ang patuloy na alingawngaw sa aking tenga ng mga hiyaw na kami lang ang nakadinig kanina.
Siya ay hindi umimik at nanatiling wala sa pokus ang kanyang mga mata. Agad kong kinuha ang kanyang mukha gamit ang dalawa kong mga kamay at pilit na itinuon ang kanyang atensyon sa akin.
"Wala tayong narinig." Halos nagmamakaawa na ang aking boses at tuluyan nang dumaloy mula sa aking mga mata ang mga luha na kanina ko pa tinitimpi magmula noong kami ay nagmamadaling tumakas sa mansyon.
Mahina akong napasinghap nang marahas siyang lumingon sa akin. Ang mga mata niya ay puno ng poot at pagkadismaya. "Ba-bakit?" Kinakabahan kong tanong sa maliit na boses na hindi ko halos makilala bilang akin.
Tumingin siya sa taas at huminga nang malalim bago ibalik ang kanyang tingin sa akin. Hinawakan ng kanyang mga kamay ang aking dalwang braso at malumanay na umimik. "Patawarin mo ako, Isabella, ngunit hindi ko alam kung namali lang ba ako ng narinig o talagang sinabi mo na tayo ay walang narinig?"
Malumanay ang tono ng kanyang pananalita tulad ng nakagisnan ko sa kanya subalit hindi maipagkakaila na puno ng galit ang kanyang mga mata. Napaiwas ako ng tingin at napakagat nang madiin sa aking ibabang labi. Naramdaman kong humigpit ang kapit niya sa aking mga braso. Ang malalalim at mabibilis naming paghinga ay parang mga piyesa ng musika na nagsasalpukang duweto. Kahit nanginginig ang aking buong katawan ay pinilit kong magkaroon ng lakas ng loob na harapin ang kanyang mga mata na nagsasabi na ako ay kanyang kinasusuklaman sa oras na ito.
"Isa lamang siyang indio, at tayo ay-." Ako ay sobrang nabigla nang nanghihina siyang napaatras mula sa akin. Ang kanyang mga mata ay puno ng hindi pagkapaniwala at lungkot.
"Isa lamang? Isabella, kahit magdamit ka pa ng magagandang mga damit at maglagay sa iyong mukha ng kung ano-anong kolorete, hindi mo maitatago kung ano ka talaga -kung ano tayo." Puno ng tapang at pagmamalaki niyang giit sa akin. "Tayo ay mga indio."

BINABASA MO ANG
Sa Ilalim ng Baro't Saya
Historical FictionBilang isang Pilipinang may lahing Kastila na nabubuhay sa 1800s, si Isabella ay nasa taas ng lipunan. Sa loob ng halos dalawang dekada ay buo ang kanyang paniniwala na hindi niya kapantay ang mga Filipinong naglilingkod sa paligid niya. Para sa kan...