Unang Kabanata

69 5 0
                                    

"Mga santa-santita." Tinatamad kong bulong sa aking isipan habang nakaupong ginagala ang aking malalamlam na mga mata sa ilang mga tao na nakatayo sa harap ng altar ng simbahan. Tumambad kasi sa aking paningin ang isang eksena na labis na nakapang-uyam sa akin. Mahinhin ko na lamang na itinakip sa aking bibig ang hawak kong abaniko para itago ang aking pagka-uyam.

Kakatapos lang ng misa kaya minarapat kong manatili na lang muna sa aking upuan para paunahin ang iba na lumabas. Pinili kong igala na lang ulit ang aking mga mata sa magandang tanawin ng malaking simbahan kesa ituon pa ang aking atensyon sa kanila. Kahit na buong buhay ko ay rito kami sa simbahan na ito nagsisimba ay hindi pa rin ako nagsasawang mabighani sa barok na disenyo ng Basilika Menor ni San Miguel Arkangel. Paborito kong kulay ang bughaw kaya naman lagi akong napapatitig sa kisame nitong kulay langit. Nang mangalay ang aking leeg ay ibinaba ko muli ang aking tingin sa mga tao sa paligid.

Ngayon ay araw ng Panginoon kaya naman ang simbahan na karaniwa'y bilang lang  sa apat na kamay ang laman ay puno ngayon ng mga tao.  Sa unang tingin, aakalain na mula man sa iba't ibang antas ng buhay ang mga mamamayan ay malugod silang nagsasama at nagkaka-isa sa harap ng altar. Tila ang bawat mukha ay puno ng mga mapayapang ngiti na para bang damang-dama nila ang presensya ng kanilang pinupuring Diyos. 

Sa teoretikal na pagsasalita ay ganito naman talaga dapat. Ang paulit-ulit na turo ng simbahan ay mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal mo sa sarili mo. Siguro'y napakaganda ng ating mundo kung ang utos na ito ay iniisakatuparan sa ating mundo. Pero sadyang mapait ang realidad na ating kinabibilangan. Ang mga tao ay sadyang napakasariling nilalang.

Kung mataman kang magmamasid ay makikita mo agad na ang lahat ng kapayapaan rito ay isa lamang na ilusyon. Hindi maitatanggi na ang kalahati man sa mga nagsisimba ay talagang sumadya rito para magdasal at magpuri. Ngunit hindi ito ang masasabing dahilan ng pagdalo ng kabilang kalahati. Kung titingnan nang maigi ang mga mata ng mga mayayamang nakaupo sa mga bangko sa harapan ay mababatid agad na hindi sila nasisiyahan sa presensya ng mga dukha sa kanilang paligid. 

Bilang isa sa mga miyembro ng nasa taas ng lipunan, ako ay may pribelihyo na umupo sa isa sa mga bangkuan sa pinakaharap na bahagi ng simbahan kaya naman kitang-kita ko ang mga pilit na tinatagong ekspresyon ng ilan sa mga alta sosyedad. Kakatapos lang din ng misa kaya naman oras na para magsilapitan ang mga taong gustong bumati sa aming pari. Ito rin ang oras kung kailan malaya kong lantaran na maoobserbahan ang mga tao sa paligid nang hindi masasabihang bastos.

Ibinalik ko ang aking tingin sa eksenang umirita sa akin kanina. Kausap ngayon ng pari sina Ginang Flores at ang kanyang anak na binata na si Fernando. Katulad ko ay bahagi rin sila ng alta sosyedad ng aming bayan. Nakangiti silang nakikipag-usap ngayon sa aming pari na tila ba'y sobrang babait nilang mga nilalang. Napapaligiran sila ng mga katulong nila na todo paypay sa kanila habang tagiktik na tagiktik ang pawis at pula ang mga kanang pisngi. Sa taong hindi kilala ang mag-ina at ang mga katulong, tiyak na iisipin na nahihirapan at naiinitan lang ang mga katulong habang nagsisilbi. Isang normal na eksena sa relasyon ng mga mayaman at mahirap.

Napaangat ng kaunti ang kanang bahagi ng aking bibig sa inis nang aking maalala kung bakit bahagyang mapula ang isang pisngi ng mga katulong. Alam ko na hindi namumula ang mga ito dahil sa init ng panahon o pagod. Ang mga ito ay kupas na marka ng malakas na sampal ng kanilang among babae kanina. Maaaring may nagawang maliit na kamalian ang mga katulong na nagbigay daan upang magkaroon ng rason ang kanilang amo upang sila ay maltratuhin na naman.

Kung titingnan ngayon si Ginang Flores na mahinhing nakangiti habang marahan na tinatapik ang braso ng kanyang anak ay hindi mo maiisip na sa likod nito ay isang babae na alikabok lang ang tingin sa kanyang mga katulong. Ngunit dahil ang kanyang pamilya ay isa sa mga pinakamalaki ang donasyon sa simbahan at isa sa pinakamayaman sa aming bayan, ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang kalupitan ay nananatili lamang sa mga tagong bulong-bulongan. 

"Isabella." Nawala ako sa aking malalim na paggugunam-gunam nang aking marinig ang tawag sa akin ng aking ina. 

Napalingon ako sa aking kaliwa at napansin na nakatayo na pala siya kasama ang dalawa naming katulong. Bahagya lamang akong tumango sa kanyang direksyon bilang senyales na susunod na lamang ako. Agad kong ibinalik ang aking tingin sa mag-inang namamaalam na sa pari. Ang dalawang ito ay malumanay na nagsasalita na para bang hindi nila kayang manakit ng kahit ano. Pumunta na ang pari sa likod ng simbahan habang ang mag-ina ay mabagal na naglalakad sa napakahabang pasilyo ng simbahan.

Tumayo na rin ako para sumunod sa aking ina nang aking madatnan sa may pintuan ng simbahan ang mag-inang aking tinititigan kanina. Agad naman akong ngumiti sa kanilang direksyon nang makita kong napansin na nila ang aking presensya. Malambing na ipinatong ng nakakatandang Flores ang kanyang kamay sa braso ng kanyang anak bilang indikasyon na gusto nitong lumapit sa akin.

"Napakagandang araw hindi ba, Isabella?" Nakangiting bati ng nakakatandang Flores sa akin. Rinig sa boses nito ang yabang na resulta ng kinasanayang marangyang buhay. Isang santa-santita.

"Napakaganda nga po, Tiya Constanza. Tamang-tama para sa siyesta pagkauwi sa bahay." Pabiro kong sagot sa kanya. Nakangiti rin akong tumango sa kanyang anak na si Fernando.

Oo, kamag-anak ko ang taong aking kinayayamutan sa aking isipan. Ito rin ang dahilan kung bakit alam ko ang kanilang tunay na pag-uugali at mga tinatagong gawain sa mata ng simbahan. Kahit na ayaw ko ang kanilang pagtrato sa kanilang mga tauhan ay ayaw ko rin na makihalo dahil ayaw kong gumawa ng hindi kinakailangan na hidwaan sa aming angkan.

Agad namang kinuha ng aking tiyahin ang aking sagot bilang malugod na paanyaya upang magkuwento ng mga sariwang tsismis ng aming lipunan. Nakakatawang isipin na kakalabas lang namin ng simbahan ngunit napakarami ng paninirang-puri ang lumabas sa kanyang kulay rosas na bibig. Sa maikling sandali na naglalakad kami papunta sa aming magkabukod na mga karwahe ay lagpas na sa limang magkakaibang mga tao na ang pinatutsadahan ng aking tiya. Pinilit ko na lamang tumawa sa mga angkop na pagkakataon habang sya ay patuloy sa pagsasalita.

Buryong-buryo na ako sa aking loob kaya malungkot na lamang akong napatingin sa aking ina na nasa loob na ng aming karwahe na pinapaypayan ng aming mga katulong. Kung sumunod na lamang sana ako kaagad ay hindi ko na kinakailangan pang makinig sa mga tsismis tungkol sa mga taong hindi ko naman kilala. Natigil ako sa aking pagkatulala nang mapukaw ang aking atensyon ng sinabi ng aking kausap.

"Kung namuhay na lamang sila ng matiwasay gaya namin ay hindi ikakalat ng kanilang mga katulong ang mga sikreto nila." Sabi ng aking tiya sa mangutyang boses na sinundan agad ng tawanan nilang mag-ina.

Napatawa rin ako ng bahagya sa kanyang sinabi at agad na tinakpan ng aking pamaypay ang aking bibig upang pigilan ang nagbabadyang halakhak sa aking lalamunan. Tumawa ako hindi dahil sa sumasang-ayon ako sa kanyang sinabi. Kundi natawa ako dahil sa labis na tumbalik ng kanyang iginiit. Napaka-hipokrita talaga ng taong ito.

Nang kami ay nasa tabi na ng aming mga karwahe ay masaya kaming ngumiti sa isa't isa. Pero ng kami ay tumalikod na ay alam kong parehas na napawi agad ang aming pekeng harapan. Paakyat na ako ng aming sasakyan nang maisipan kong tingnan ang kanilang dalwang katulong. Nakatungo ang mga ito sa ladrilyong kalye habang nanginginig na inaalalayan ang mataray nilang amo. Nang mabitawan ng isa ang mamahaling pamaypay ng kanyang amo, nanginginig nitong pinulot agad at nangangambang sumalyap kay tiya. Kahit nakatalikod si tiya sa akin ay alam kong bakas na sa mukha nito ang labis na irita sapagkat agad na namutla ang katulong.

Umiiling na lamang akong umakyat at umupo sa aming karwahe. Alam kong makakatikim na naman ng masasakit na mga salita ito sa pagkauwi nila sa kanilang malaking bahay. Bumuntong-hininga na lamang ako at humalong-baba imbis na isipin pa ang mga nangyari. Wala naman ako sa posisyon upang ipagtanggol ang katulong sa kung ano mang parusang ibibigay sa kanya. Normal naman na ito sa aming lipunan.

Ngunit sa loob-loob ko, alam ko na kahit magkaroon man ako ng lakas para ipagtanggol ang mga ito ay hindi ko rin ito gagawin. Ayaw kong madamay sa gulo ng iba na hindi naman ako dapat maapektuhan o maisali. Hindi ko isasakripisyo ang aking katahimikan para lamang sa isang utusan. 

Bigla akong napatigil sa aking pagmumuni-muni. Isa rin pala siguro akong hipokrita.

Sa Ilalim ng Baro't SayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon