PELAEZ
Parang kanina lamang at hindi ako makapagpahinga ng maayos galing sa eskwelahan dahil sa lakas ng kampana na nanggagaling sa simbahan. Hindi ko rin mawari sa aking isip ang mala-impyernong eskwelahan na iyon. Nakasalubong ko pa kanina si Isagani na tila ba matiyagang naghihintay. Hindi nalamang ako nag-atubiling mangamusta at baka'y makasagabal ako. Ngunit nasaan na nga ba ako? Bakit hindi ko maintindihan ang aking paligid?
Tila ba't ako'y nagising sa isang kakaibang panaginip. Hindi ko alam kung bakit, ngunit ang huling kalampag ng kapana ang nagtawag sa akin upang tumayo at lumabas ng kubo.
Umaalingasaw sa usok ang paligid. Nasaan ang mga karwahe? Hindi ko na makita ang mga prayleng umaaligid sa kalsada at gumagawa ng sariling bisyo. Mahirap man paniwalaan ngunit baka naparusahan na sila ng langit at naging usok na lamang.
Nagpatuloy ako sa paglalakad at sa pagmamasid ng paligid hanggang mapadaan ako sa simbahan na nananatiling nakatayo at natatanging walang pinagbago ang hitsura. Para ba't nagkakagulo roon kaya ako'y napasilip. Nanlaki ang aking mga mata nang nakita ko si Juanito sa altar na nagsisisigaw habang nakasuot ng magarang damit, mukha siyang ibang tao ngunit nakasisiguro akong siya iyon. Napakaingay sa simbahan, hindi ko malaman kung anong ikinakagulo nila hanggang sa aking masulyapan si Paulita sa isang magarbong puting pangkasal at walang malay, maaaring iyon na nga ang dahilan.
Nabaling ang aking atensyon nang ako'y sinitsitan ng batugan kong kaklase na si Tadeo.
"Pst! Penitente! Pupunta ka ba sa perya mamayang gabi?"
"Ano bang nangyayari dito?" Tanong ko matapos ko siyang lapitan.
"Ah, 'yan ba? Kasal nila Paulita at Juanito. Kanina pa 'yan nagsimula, hindi pa ba tapos?"
"Ang ibig kong sabihin, dito. Dito sa paligid, ano bang nangyayari?"
"Ano? Napakawirdo mo talaga. Basta pumunta ka sa perya mamaya, hihintayin kita."
At iniwan niya nga akong walang sagot sa aking tanong.
Napagkakamalan akong baliw dahil sa aking mga illusyon na mukha namang totoo. Hindi ko na alam kung sino ang aking susunod na lalapitan. Marahil ay sina Macaraig at ang paaralan.
Nagsimula ulit akong maglakbay patungo sa itinatayong paaralan, napakaraming tumututol rito, mabuti nalamang at hindi ako kasama sa mga pumirma ng kasulatan salungat sa mga misyon nito dahil malalagot ako sa kanila. Papalapit palamang ako't naririnig ko na ang sabay-sabay na hiyawan ng mga tao. Ano bang nangyayari rito't kahit saang dako ako mapadpad ay parating may malalakas na sigawan? Hindi naman ito mukhang paaralan.
Nang makalapit ako sa tarangkahan, napuno ng galit ang aking dugo. Biglang umapoy ang moral sa aking sarili. Ginawa nilang sabungan ang lugar at tuluyan na nga silang naimpluwensyahan ng mga prayle. Hindi matutuwa sina Isagani sa kanilang makikita rito. Papasok na sana ako papunta sa gitna upang sigawan ang mga tao ngunit may pumigil at humarang na braso sa akin.
"Huwag mo nang tangkaing gawin bata, mapapahiya ka lamang." Ako'y napalingon sa hindi maipaliwanag na mukha ni Macaraig.
"Ginoo, anong nangyayari sa lugar na ito? Inaakala kong nalalapit niyo nang matapos ang paaralan?"
"Iyon din ang aking inakala. Sinubukan ko silang itaboy ngunit mukhang wala silang naintindihan sa aking mga sinabi. Mukhang pakana ito ng mga prayle, maaaring marunong na silang manlinlang na parang mga salamangkero." Iginiit niya.
"Nasaan na ba si Isagani? Hindi pa ba siya bumabalik?"
"Ang inaakala ko'y nagpaalam siya para makipagkita kay Paulita, gumagabi na't dapat ay nakabalik na siya."
Agaran akong umalis ng lugar para puntahan ang pinaghihintayan ni Isagani kung saan ko siya nakita kanina, sana ay naroroon pa siya dahil may kailangan siyang malaman. Sa gitna ng aking pagmamadali, napadaan ako sa perya kung saan ako'y hinihintay ni Tadeo. Saan nanggaling ang mga maiilaw na makinaryang ito? Napakalaki na ng nasasakupan ng perya, siguro'y nagkapondo sila noong nakaraang araw.
"Penitente! Tara na!"
"Hindi muna ngayon. May kailangan akong puntahan."
"Sige na, tumaya ka muna, kahit isa lang."
Pumayag na lamang ako sa pangungumbinsi niya para lubayan na ako ng lalaking ito.
"Magkano ho ba ang taya?" Tanong ko sa babae.
"Sampung piso, noy."
"Sampung piso?! Pagkain ko na sa isang araw iyan, bakit tila nagmahal ang taya?"
"Aba'y kung namamahalan ka, wag ka nang tumaya, saang panahon ka ba nabubuhay ijo?
Napabuntong hininga nalamang ako at naglapag ng sampung piso sa mesa. Napatingin ako at nagtaka kung bakit pati ang pilak ko'y nagiba ng hitsura.
Maya't maya'y binigyan ako ng antigong kwintas na cordon na may nakalambitin na susi bilang premyo. Malayo sa halagang sampung piso ang bagay na ito. Mas gugustuhin ko pang bawiin nalang ang perang sinayang ko para rito. Hinayaan ko nalang at isinuot sa aking leeg. Matapos ay tinakasan ko na si Tadeo na namimingwit ng mga babae sa gilid at tumuloy sa pagmamadali.