Chapter 6

64 5 0
                                    

"Dale..." Nagulat ako nang bigla akong yakapin ni mama paglabas ko ng kwarto para mag-asikaso na. Iyong mukha niya ay parang nakahinga nang maluwag nang makita ako. "Bakit hindi mo sa'kin sinabi?"

"A-ang alin po?" Naguguluhang tanong ko. Umalis siya sa pagkakayakap sa akin ngunit iyong dalawang kamay niya ay nananatiling nakahawak sa magkabila kong braso.

Kitang-kita ko iyong luha ni mama. Puno ng pag-aalala iyong mukha niya. Hindi ko maintindihan kung bakit siya umiiyak ngayon at naguguluhan ako sa mga sinasabi niya.

"Kagabi..." Sambit niya kaya natigilan ako. "K-kaya ba sobrang late na nung umuwi ka kagabi, ha?" Nanginginig ang boses na sinabi niya.

Napakagat ako sa labi. Pakiramdam ko kasi magsisimula na namang mag-unahan iyong mga luha ko sa paglabas. Ngayong nakikita ko palang si mama kung gaano siya nag-aalala sa akin ay nahahabag ako.

"Kung hindi pa pumunta iyong mga barangay kagabi para iuwi rito yung bike mo, hindi ko pa malalaman." Pinunasan niya iyong luha niya. Iginiya niya ako sa may sofa para roon kami umupo. "Bakit...anong nangyari ha?"

"W-wala..." Nanginig ang boses ko. Hindi ako makatingin kay mama nang maayos. Baka lalo lang akong umiyak kapag tumingin ako sa kan'ya.

"Anong wala? Magsabi ka sa akin, anak." Animong nagmamakaawa ang boses na usal niya.

"M-may l-lasing lang akong nakasalubong kagabi. Tapos ano..." Hindi ko na natuloy iyong sunod ko pa sanang sasabihin dahil tuluyan na akong napaiyak.

"May ginawa ba sa'yo? Anong ginawa niya?" Sunod-sunod naman na tanong niya. Mas lalo akong napaiyak sa mga tanong ni mama. Naalala ko na naman kasi yung nangyari kagabi. Parang narinig ko na naman yung pagpilas niya sa damit ko.

Niyakap ako ni mama nang mahigpit.

"Sinaktan ka ba niya?" Nag-aalalang tanong niya pa at napailing lang ako. Hinayaan niya lang akong umiyak sa balikat niya hanggang sa mahimasmasan ako. "Papasok ka ba sa eskwela? Kung h'wag na lang muna kaya? Pupunta na lang ako roon at kakausapin ko ang mga teacher mo. Magpa-checkup tayo ngayon. Iyon bang ano...ano ngang tawag doon?"

Umalis ako sa pagkakasiksik kay mama sa balikat niya. Tinignan ko lang siya habang nagpupunas ng luha sa pisngi at siya ay tila malalim ang iniisip.

"Iyong sa isip. Yung mental health mo, anak. Alam kong hindi ka nakatulog kagabi kaya magbihis ka at pupunta tayo sa doctor na matutulungan ang isip mo." Kaya ayokong nag-aalala si mama e.

"Ma, hindi na. Ayos lang ako." Sambit ko pa. Bumagsak naman ang balikat niya dahil sa naging sagot ko.

"Dale, naman..." Sambit niya.

"Ma, hindi na kailangan. Makakalimutan ko rin naman agad 'yun." Mahinahong paliwanag ko habang sumisinghot pa.

"Sigurado ka? Kasi kung ako ang tatanungin, ipapa-checkup talaga kita." Umiling ako. "Sino pala ang naghatid sa'yo rito kahapon? Tsaka ang sabi, mabuti na lang at may nakakita sa'yo dahil kung hindi, patawarin ako ng Diyos at baka kung ano na ang magawa ko roon sa hayop na 'yon. Si Kiyo ba ang naghatid at nakakita sa'yo?"

Umiling ako.

"Kung gano'n, sino?" Nagtatakang tanong niya.

"Schoolmate ko lang din." Sagot ko.

"Mabuti at nakita ka niya?" Tumango ako. "Papasok ka ba ngayon? Sigurado kang kaya mo? Ipapahatid na lang kita kay Kuya Emman at huwag mo muna gamitin 'yang bike mo." Patungkol ni mama sa kapit-bahay namin na tricycle driver.

Hindi na ako tumanggi sa sinabi ni mama. Kahit ako ay ayaw ko rin munang gamitin iyong bike ko. Bukod kasi sa takot pa ako, mas mabuti na rin na mag-ingat na lang din muna ako.

When I Met You Book:1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon