Ah 1

76 3 2
                                    

K A B A N A T A 1:

"Isang halik lang..."

Nanlalamig ang buong kamay ko habang paulit-ulit kong kinakausap ang sarili ko sa loob ng banyo kaharap ang salamin.

"Kaya mo yan Mira!" pangatlong beses ko ng sambit kasabay ang makailang ulit ko na ring buntong hininga. "Relax! isang halik lang naman... Kaya mo 'yan!"

Hindi ko maitago ang kabang nararamdaman ko ngayon dahil nakatakda lang namang mangyari ang plano kong pagnakaw ng halik kay Brent. At mukhang wala na talaga itong atrasan pa.

Maraming rason kung bakit ko'to naisipang gawin...

Unang-una, matagal na akong may gusto kay Brent. Siya ang dahilan kung bakit tumigil muna ako sa pakikipagdate sa kung sino. Nakareserba na ang puso ko para sa kaniya kahit sabihin pang wala siyang interes sa'kin.

Pangalawa, Desperada na yata talaga ako!

Wala akong balak magtapat o umamin kay Brent ng nararamdaman ko, dahil aminado naman ako sa kaduwagan ko pagdating sa pagtatapat ng nararamdaman. Ni wala ngang alam ang kahit sino sa barkada sa matagal ko ng pagtingin sa kaibigan namin, kahit pa si Alexa na pinakamalapit sa'kin sa apat.

Ilang beses na rin naman ako'ng nagka-boyfriend pero hindi man lang ako naging seryoso sa kanila. Hindi ko naramdaman sa kahit na kanino sa kanila ang espesyal na pagtingin na meron ako para kay Brent.

"Mira? Matagal ka pa ba?" tanong ni Camille kasabay ng katok. Kanina pa siyang naunang lumabas ng banyo. "Magsisimula na ang countdown! Magmadali ka naman."

Kahit na malambing ang pagkakasabi ni Camille alam kong naiinip na siya. Hindi pa kami ganoon kalapit sa isa't isa dahil dadalawang linggo ko palang siyang nakikilala simula nang maging girlfriend siya ni Art, ang pinakababaero sa barkada.

Hindi na ako nagtagal pa at kumilos na rin palabas ng banyo. Awtomatikong nawala ang kunot sa noo ni Camille nang makita niya ako.

"Ang tagal mo naman, Mira. Halika na, baka di na natin maabutan ang countdown!" Hindi na hinintay ni Camille na sumagot pa ako. Hinablot na lang niya ang braso ko para makabalik sa dati naming pwesto kanina kung saan naroon ang iniwan naming kasama.

Ang Valentines Countdown ang tinutukoy ni Camille at siyang Event na pinakahihintay ko din para sa magaganap na plano ko. Maya-maya lang sa pagpatak ng alas-dose, sadyang papatayin ang ilaw para sa mga sweetheart couples. Sasamantalahin ko ang ilang segundong 'yon para mahalikan si Brent na hindi niya nalalamang ako iyon.

Sa katunayan, dapat noong isang taon, sa parehong event at eksaktong araw ko pa sana ginawa ang ganitong plano kaso may girlfriend na noon si Brent at nirerespeto ko rin naman iyon. Pero sa pagkakataong ito, magtatatlong buwan ng single si Brent at ito ang pinaniniwalaan kong perfect timing para mangyari ang nakatakdang mangyari!

"Eleven Fifty-five na! Five minutes na lang. Bilis!" Biglang natatarantang sabi ni Camille habang mas bumilis ang ginawang paghakbang namin. Hila-hila pa rin niya ako sa masikip at mataong dinadaanan namin.

Hindi na nakakapagtaka kung matao ang lugar. Taon-taon tuwing February 14, sadyang pugad na ng mga tao at lalo na ng mga couples ang Special Event na 'to. Halos ito ang pinakaaabangan ng lahat na tinuturing na pinakaromantikong event.

Dahil sa projector, malinaw na nakikita at nababantayan ng lahat ang nakabalandrang analog at digital clock na magbibigay hudyat sa tinatawag na Lights Off Kiss na nakalaan para sa sino mang gustong magparticipate na couple.

"Ayun sila!" sigaw ko kay Camille para siguraduhing maririnig nito ang boses ko dahil sa medyo maingay na ang mga tao sa paligid.

Tinuro ko ang natatanaw kong mga kaibigan mula sa di kalayuan. Si Kyle at ang long-time girlfriend nito na si Annie, si Art na halatang naiinip na sa kahihintay kay Camille, at ang isa ring single sa barkada, si Brent. Wala pa rin si Alexa na hindi pa nagpapakita ng anino simula pa kanina.

Muling nakipagsiksikan kami na halos wala ng madaanan, makarating lang sa grupo sa tamang oras.

"In Ten, Nine, Eight, Seven, Six.." sabay-sabay na nakakabinging sigaw ng lahat na tao.

Bigla akong nataranta na baka maudlot na naman ang plano ko. Ilang segundo na lang mamamatay na ang ilaw... ang eksaktong oras na pinakahihintay ko para masagawa ang operasyong nakaw-halik.

"Five..."

"Four..."

Inalis ko ang pagkakahawak kay Camille at mabilis na kumilos sa muling pakikipagsiksikan. Dadalawang metro na lang ang lapit ko kay Brent, kaya mas lumakas ang loob ko sa kabila ng kabang nararamdaman ko.

"Three..."

"Two..."

Dadalawang hakbang na lang.

"One!"

Tahimik at madilim na paligid.

Sa pagbagsak ng bilang sa uno, nagsimula ng tumahimik at magdilim ang paligid. Hindi na kailangan pang tanungin kung bakit dahil siguradong magkakalapat na ang mga labi ng bawat couple na dumalo sa event.

Pero hindi pa rin ako sumusuko. Kahit madilim, alam ko ang eksaktong lokasyon ni Brent. Kinilos ko ang mga binti ko at humakbang patungo sa harapan ng taong pakay ko. Amoy pa lang, sigurado na akong siya iyon.

Twenty Seconds.

May dalawampung segundo ako para gawin ang dapat gawin.

Wala ng patumpik-tumpik pa na nilapit ko ang mukha ko sa mukha niya. Dinala ko ang nanlalamig na mga kamay ko sa magkabilang pisngi nito at walang pagpapakawalang siniil niya ng halik.

Sa mga unang tatlong segundo, halatang nagulat si Brent sa walang paalam na halik na sumiil sa kanya pero agad din itong nakabawi sa pagkagulat at parang walang pag-aalinlangang tinanggap ang halik mula sa hindi nito nakikilalang tao.

Kuryente. Bolta-boltaheng kuryente ang parang nagsidaloy sa ugat ko habang mas pinalalim ni Brent ang halik. Ito ang pinakapinapangarap ko simula nang tumibok ang puso ko para sa kaniya. At ito na ang pinakaromantiko at pinakamakulay na nangyari sa buhay ko. Matamis at malalim na halik mula sa taong matagal ko ng lihim na nagugustuhan. Pwedeng-pwede na akong mamatay...

"Brent.." sambit ko sa pangalan niya na bigla na lang kumuwala sa bibig ko. Awtomatikong natutop ko ang bibig ko pero agad din naman akong nakalma dahil mahinang bulong lang naman ang pagkakasambit ko sa pangalan niya. Malayo naman sigurong mahulaan niya kung sino ako dahil lang sa bulong na iyon.

Sa minuto ring iyon na magkahiwalay na ang mga labi namin, alam ko na kailangan ko ng umalis dahil kapag tumagal pa 'ko hanggang sa pagsindi ng ilaw, siguradong makikilala ako ni Brent. Bagay na hindi pwedeng mangyari.

Kaya bago pa man mangyari 'yon, bumitaw na ako sa kaniya at humakbang paatras. Pero sa ikalawang hakbang ko pa lang, bigla kong naramdaman ang pagpigil niya sa'kin. "Sandali... Sino ka?"

Parang biglang nanigas ang buong katawan ko habang hawak ni Brent ang nanlalamig pa ring palad ko. Naalarma ako sa tanong niya na hindi ko gugustuhing sagutin.

Unti-unti kong kinalas ang pagkakahawak ko sa kamay niya saka sumiksik muli sa gitna ng bawat couple para makaalis. Nagsisimula ng pumutok at lumiwanag ang kalangitan dala ng fireworks na siyang highlight ng gabi. Ilang ulit akong bumangga sa bawat masasagasaang tao dahil sa mabilis na pagmamadali ko para huwag lang masundan o makita ni Brent.

Nang matiyak kong nakalayo na ako at imposible ng masundan pa, napahandusay na lang ako sa malambot na damo habang maluwang ang guhit ng ngiti sa labi ko.

Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko na parang sasabog anumang oras. Ramdam ko pa rin ang malakas na pintig sa dibdib ko. Nasa makukulay na firework display ang pangingin ko, habang ang isip ko ay lumilipad pa rin sa sariwang alaala na nangyari kanina.

Dinala ko ang sarili kong mga daliri patungo sa labi kung saan ramdam ko pa rin ang dinapuang halik ni Brent.

Parang gusto kong tapikin ang sarili ko at tanungin kung nangyari nga talaga yon kanina... Pero nangyari nga! At hindi 'yon panaginip lang.

Isang mahabang tili ang pinakawalan ko habang gumugulong-gulong sa kilig. Ako na ang pinakamasayang babae ngayong gabi... at wala akong pakialam kung magmukha man akong baliw sa mata ng mga nakakakita sa itsura ko ngayon.

"I love you Brent!" pigil na sigaw ko. Daig ko pa ang nakajackpot ngayong gabi.

Nakaw Halik IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon