Chapter Three

22 5 0
                                    

Chapter Three

--

HINDI ako pumasok. May mga dahilan naman ako para magpaliban sa klase pero hindi ko naman sigurado kung tatanggapin iyon ng guro.

Una, dahil simula kaninang umaga na paguusap namin ni Inay ay wala pa akong kinakain. Pangalawa, wala akong baon para pumasok sa eskwelahan. Baon hindi para pangkain kundi baon para pambayad sa test paper. Exam ngayon pero wala akong kakayahang mag-exam. Sa utak man o sa bulsa.

Ang tanging ginawa ko na lamang ay katulad ng dati. Dala ang isang sako ng pinitpit na mga bote na napulot ko sa kung saan, dinala ko ito sa junk shop na madalas pagbentahan ni Itay ng kanyang mga kalakal.

"Heto ang kinse."

Mabilis kong inabot ang katiting na pera na nakuha ko sa maghapong tinumpok na mga basura. Kinse pesos, mas mabuti na kaysa mabulok nalang sa wala.

Mabilis akong umuwi dala ang pera kong kinse pesos lang kasama ang isang malaking supot. Matutuwa ang mga kapatid ko sa aking bitbit, sigurado iyon, ngunit hindi mawala sa aking damdamin ang lungkot.

Tira-tira lang ng isang restawran sa malapit ang bitbit ko. Iyon ang makakain namin para mamaya. Hanggang doon nalang ba ang kaya kong gawin?

"Ate Manella?" mahina kong tawag sa aking ate na namukhaan ko sa malayo. May kasama itong dalawang babaeng tila'y kakarampot lang na tela ang suot. Kumikinang pa ang shorts na halos tabunan nalang ang kanyang pagkababae ng isa habang ang isa ay tila kaunting tapis nalang ang natira sa itaas na bahagi ng katawan.

Nang matanaw ako ni Ate Manella na natitigilan sa gitna ng kawalan ay umiling ito. Tila sinesenyasan akong mauna nang umuwi. Doon ko lamang napansin ang hawak na sigarilyo ni Ate Manella at ang suot nito. Tila hindi ito ang Ate Manella ko. Ang Ate Manella na nakikita ko ay nakasuot nalang ng tube na naglalantad sa katawan nito at maiksing-maiksing short kasama ang mataas na takong at tumitingkad sa pula ang labi niya.

"Per-" nahinto ako sa sasabihin ko nang makita ang paglapit sakanila ng tatlong matatangkad na lalaki. Kapwa ito maiitim at base sa kasuotan ay masasabing hindi nagpapahuli ang mga ito sa karangyaan.

Mabilis ang takbo ng pag-uusap nila. Namalayan ko na lamang na umalis ang tatlong lalaki lulan ng iba't ibang klase ng sasakyan kasama ang dalawang babae at ang Ate Manella ko.

Mahina man ang kapasidad ng utak ko ay hindi naman ako bulag para hindi malaman ang lugar na pagdadalhan nila sa ate ko at kung ano ang gagawin nila sa kanya.

Isang panibagong araw nanaman ng pagbebenta ni Ate Manella ng kanyang katawan, sa illegal na paraan, para may makain kami mamaya. Para may mailalapag sa hapag-kainan.

-----------------------

"HUWAG ka ng mag-aabsent ulit, Manuel. Sabihin mo kaagad sa akin kung may bayarin kayo sa eskwelahan para wala mang delihensya si Inay at Itay, ako na ang kikilos," sambit ni Ate Manella bitbit ang bago niyang biling asul na bag. Naglalaman ng isang pirasong notebook, isang lapis at isang pad ng papel na kanya ring binili.

"Ate, ayaw ko na mag-aral," kusang sambit nalang ng labi ko habang nakayukong naglalakad. Hindi tulad noong mga nakaraang linggo, papasok ako ngayong malinis na malinis. Suot ko pa ang bagong bili ni Ate Manella na puting t-shirt, shorts at tsinelas.

"Manuel, hindi ako nagsasakripisyo para marinig ang mga salitang 'yan," madiing sambit ni Ate Manella. Napakuyom ko ang mga kamao ko. Lagi nalang ganito.

"Iyon na nga, ate. Ayaw ko nang magsakripisyo ka para lang pag-aralin ako na puro naman palakol ang grado."

"Hindi naman importante ang grado mo, Manuel. Kailangan namin na makatapos ka. Ikaw lang inaasahan namin, Manuel."

"Ate, bobo ako. Bakit hindi nalang si Kuya Manriel ang pag-aralin ninyo gayong siya naman ang matalino?" sagot kong muli.

"Manuel, ano ba talaga ang gusto mong palabasin?" tila galit na kanyang sambit.

"Ate, hindi ko kayang magbulag-bulagan tulad ng ginagawa ninyo nila inay. Ate, hindi ko maaatim na pumasok sa eskwelahan bitbit ang baon at suot ang mga binili mo dahil sa pagbebenta mo ng sarili mong katawan," sambit ko kasabay ng pag-uunahan na pagtulo ng aking mga luha. Hindi sumagot si Ate Manella na tila nabingi sa aking sinabi. "Nahihirapan ako para sa iyo, Ate. Nahihirapan akong tingnan kang bumabalandra sa kalsada suot ang kapipirangot na tela. Nahihirapan akong tingnan kang kung sinu-sinong lalaki ang gumagalaw sa'yo para lang pag-aralin ako at bilhin ang layaw na gusto namin. Nahihirapan akong makita kang ganyan. Ate, kinse ka lang. Fifteen. Masyado ka pang bata para gawin ang ganyang trabaho, Ate!"

"Nandidiri ka ba sa akin, Manuel?"

"Hindi! Hinding-hindi ako mandidiri sa'yo, Ate. Kahit alam kong madumi ang pinapasok mong diskarte, hindi ako mandidiri sa'yo pero wala na bang ibang paraan, Ate?"

"Alam mo, Manuel, na kung meron mang ibang paraan, iyon ang gagawin ko. Hindi ko rin ito gusto. Pinasok ko ito pero hindi ko ito ginusto, Manuel, pero ginawa ko para sa inyo. Tulad mo, sawa na ako sa buhay kalye. Sawa na ako sa buhay sa ilalim ng tulay pero wala akong ibang magawa na makakalabas ng mabilis na pera. Ito lang, Manuel. Ito lang," sambit nito habang mahigpit na nakayakap sa akin.

"Sige na, pumasok ka na. Mahuhuli ka na sa klase mo. Palakol na nga grado mo baka sunod niyan puro na linya ng singko at sais." Kumalas ito ng pagkakayakap sa akin saka pinunasan ang luhang lumalandas sa mata ko.

Walang imik akong lumayo sa kanya ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay naramdaman ko ang biglang pag-ikot ng mundo ko. Nahihilo ako. Nilingon ko si Ate Manella na nakatanaw sa akin. Itinaas nito ang kamay saka kumaway kaya't ngumiti na lamang ako bago naglakad palayo, binabalewala ang nararamdaman kong hilo na agad rin naman nawala.

Gutom lang marahil. Gutom lang ako. Kulang sa nakain.

--

asereneko.

FHS #3: Tidal WavesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon