Pito

1.3K 68 56
                                    

***

Ilang beses akong naghabol ng hininga habang naglalakad sa mala-parkeng tanggapan ng mansyon. Mahigpit kasi sa baywang ang unipormeng napunta sa akin. Hindi naman ako makapagreklamo dahil bawal magsalita. Ayon sa kontratang pinirmahan ko kanina lang, pagtapak ng paa naming pito sa loob ng mansyon para maging mga kasambahay, bawal ang magsalita maliban kung kakausapin ng matandang mayordoma o ng mismong may-ari.

Binigyan kami ng unipormeng susuotin. Set ng bestida, apron, at guwantes. Iba-iba ang kulay bilang pagkakakilanlan. Abuhin ang sa akin.

Kakaiba ang bahay. Napakalaki pero bilang ang kasangkapan.

Bilang na bilang.

Pito ang bangko sa mesang kainan. Pito ang orasan sa bawat dingding. Pito ang bintana sa bawat silid. Nakahati sa pitong tigpipito ang mahabang hagdanan. At pito ang bilang ng lahat ng dekorasyon—pigurin, banga, bulaklak, at mga larawan.

At oo nga pala. Pitong taon ang tagal ng kontrata.

Sa loob ng pitong taong iyon, alam kong yayaman kami. Oo, yayaman. Galante kasi ang may-ari. Lahat ng nakuhang kasambahay pitong taon na ang nakalilipas, may mala-mansyon na ring bahay ngayon. May sunod-sa-usong kotse. At nag-iikot na sa ibang bansa.

"Isa-isa ko kayong tatawagin sa loob para ipakilala at inspeksyunin ng Panginoon. Mauna ka, Asul," sabi ng mayordoma na naka-dilaw na kasuotan.

Pumasok ang mayordoma at ang babaeng naka-asul sa silid na hinintuan namin. Tahimik kaming naghintay sa labas.

Isang oras din siguro ang lumipas. Base sa kunot ng noo at wala sa huwisyong pagkakamot, naiinip na ang iba sa amin.

"Ikaw na, Pula," sabi ng mayordoma na saglit lang sumilip sa pinto.

Pumasok si Pula. Humakbang naman ako palapit sa saradong pinto. Ako na ang kasunod. Hinihintay naming lumabas si Asul para mausisa at nang mawala ang kaba namin . . . pero wala.

Nag-oras ako.

Isang oras at sampung minuto nang dumungaw uli ang mayordoma. Pitumpung minuto o sampung tigpipito!

"Ikaw na, Abuhin."

Pumasok ako sa silid para lang mabulag sa kadiliman. Nakapikit pa ako nang may magsalitang boses. Lalaki.

"Ano'ng pangalan mo?"

"Ako po? Annie po."

Hawak ako ng mayordoma sa braso. Naglakad kami palapit.

"Ilang taon?"

"Labing-apat po."

"Mabuti."

Nang makalapit kami sa nagsasalita ay iniupo ako sa isang mahabang mesa na may pitong upuan. Tatlo sa gawi ng lalaking nasa tatlumpu siguro ang edad. Apat sa gawi ko. Naliliwanagan ang mesa ng pitong matatabang kandila.

"Marunong ka bang magbilang, Abuhin?"

"Opo . . ."

"Mabuti." Ngumiti ang lalaki at napalagay ang loob ko. Maamo ang mukha niya. Kaso ay nakatatakot siyang tingnan dahil sa liwanag ng kandila na nakapagitan sa amin.

"Ngumiti ka."

Hindi ko agad naintindihan ang ipinagagawa niya. "Ngiti po?"

"Oo."

Ngumiti naman ako at inilabas ang mga ngipin ko. Dumilim ang mukha niya, tulad sa langit na nagbabanta ng pag-ulan. Bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba.

Bumaling siya sa mayordomang nakatayo sa kanan niya at bumulong.

Nagbuntonghininga ang mayordoma.

"Magaganda ang mga ngipin mo," malalim ang tinig na sabi niya.

Ngumiti ako uli. "Salamat po."

"Ngayon, tanggalin mo ang guwantes mo."

Tinanggal ko naman ang balot sa kamay ko.

"Patingin ng mga kamay mo."

Ipinatong ko sa mesa ang palad ko. Namumuti iyon sa sinag ng matatabang kandila. Sumayaw sa mga daliri ko ang ilang anino sa silid. Nalunok ko ang aking kaba.

Hindi ko mabasa ang nasa mukha ng lalaki.

"Magaganda ang mga kamay mo."

Sa pakiramdam ko ay tila ba lalong humihigpit sa akin ang suot kong damit. Nahihirapan akong huminga. "Salamat po."

Ngumiti uli siya pero walang mababasang emosyon sa mga mata niya. Malamig ang gayong ngiti.

"Maaari ka nang tumayo, Abuhin."

Tumayo naman ako. Naguguluhan sa maikling pag-uusap namin.

"Gusto ko rin ang isang ito," dinig kong sabi niya sa mayordoma. "Maganda ang ngipin at ang mga kamay. Sigurado akong maganda rin ang mga paa."

Nanatili akong nakikinig.

"Pero mali ang bilang . . ."

Binalot ako ng matinding kilabot sa lalong paglalim at paglamig ng tinig na iyon.

"Tanggalin ang lahat ng sobra sa katawan," sabi pa.

Sukat noon ay may supot na tumaklob sa ulo ko. May malalaking braso rin na bumuhat sa akin. Nagsisigaw ako. Kumalmot. Pumalag. Pero malaki at malakas ang may dala sa akin.

Umingit pabukas at pasara ang isang mabigat na pinto. Malakas ang habol ko ng hininga sa kadiliman sa loob ng supot. At narinig ko . . .

"Bilang!" Malagom ang boses na iyon ng isang lalaki.

"I-isang daliri . . ."

Nakilala ko ang boses ni Pula. Nanginginig.

"Dalawang daliri."

Dumoble ang pintig ng puso ko kaysa sa karaniwan.

"Tatlong daliri."

Papabagal ang pagbibilang niya.

"Apat."

Nilamon ng kilabot at katahimikan ang dilim.

"L-lima . . ."

Papaiyak na ang tinig niya.

"A-anim . . ."

Mas matagal nagtagal ang katahimikan sa dilim.

"Bilang!" sigaw pa uli ng lalaking tinig.

"Pi . . . pitong daliri."

May hagulhol akong narinig.

"At pagkatapos?" tanong ng lalaki.

"W-walo . . . walong daliri . . ." nanginginig ang boses na bilang ni Pula.

Matagal ang katahimikan na nakalilimutan ko na ang huminga.

"Ano'ng walo?" malamig ng tanong ng lalaki. "Ano'ng walo?!"

Bumagsak ang isang mabigat na bagay sa kahoy na sangkalan. Pinunit ng nakaririmarim na sigaw ang dilim. #

Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon