***
"Ang baho mo na. Maligo ka nga!" aniya sa nakaupong si Michael bago bumalik sa silid-tulugan nila.
Hindi na talaga niya matagalan na kasama ang asawa sa iisang lugar. Matigas ang ulo nito. Babaero. Walang pagsasaalang-alang sa iba. Sariling opinyon lang ang pinaniniwalaan. Kaya hindi na siya nagtaka nang paglabas niya sa silid makalipas ang apat na oras ay naroon pa rin si Michael sa sofa—pahigang nakahilig at nakapikit. Walang pakialam sa mundo.
"Hindi ka pa rin naliligo?!" asar na sita niya. Wala na yata talagang balak na gumalaw mula roon ang lalaki. Tatlong araw na ito roon—walang kain at walang pagkilos. Ang tinamaan ng lintek!
Napailing siya, lumabas sa bakuran, at kumuha ng isang timbang tubig. Pagbalik ay binuhusan niya ito sa pagkakaupo nito. Sinabon. Binanlawan. Tinuyo ng tuwalya. Kinausap niya habang sinusuklayan at binubugawan ng langaw.
"Makikinig ka sa 'kin paminsan-minsan para nagkakasundo tayo. Okay na nga ngayong hindi ka masyadong naninigaw. Pero . . ." Natigilan siya sa pagsasalita nang makamal ang nalagas na buhok ng asawa. Nahintakutan. Maraming buhok. Maamoy rin.
Sinasabi na nga ba at may mali. Nangangamoy na si Michael. Nagtutubig ang balat at naaagnas ang nangingitim na laman. Bakit ganito?
Napabuntonghininga siya at napailing.
"Dear! Ano ba 'yan?! Kailangan mo ng cologne!" Tumakbo siya para kunin ang paborito nitong cologne sa silid nila. #