Dilim
***
"'Wag mong patayin ang ilaw, Ineng, ha?"
Napatingin ako kay Tatay. Halos pikit na ang mga mata niya. Ang payat na katawan ay latag na latag sa papag na gawa sa kawayan.
Ilang gabi na siyang nagrereklamo sa mga taong nasa dilim daw at may binabalak na masama.
"Opo," sagot ko sa kanya at nagkunwang lumabas ng silid.
Mataas ang kuryente kapag ganitong tag-init. Wala kaming kita mula nang maratay siya sa sakit. Masakit na ang palad ko sa paglalabada. Si Nanay naman ay halos hindi na makauwi sa pangangatulong sa kung kaninong bahay.
At bawal patayin ang ilaw?
Nang makita kong nahihimbing na siya ay pinatay ko ang tanglaw sa silid niya at natulog.
Maitim na mantsa na lang ang bakas ni Tatay kinabukasan. #