Anino
***
Isang bangkay ang kinolekta sa isang kalapit na mataas na paaralan. Ginilitan sa leeg, pinutol ang dila, at sinaksak ang mata ng babaeng biktima. Iniwan itong duguan sa pagkakaupo sa loob ng classroom nito.
Ang suspek sa pagpatay ay ang babaeng nasa harapan ko. Maputing-maputla. Mahaba ang tuwid na buhok na halos nakatakip sa mukha. Wala ni isang tikwas sa buhok. Wala ni tupi o gusot ang uniporme. Wala ring anumang ekspresyon.
Hawak ko ang isinulat niyang testimonya kanina.
| Lagi kong nararamdaman na hindi ako nag-iisa. Mula sa paggising ko sa umaga, sa paliligo, sa pagpasok sa eskuwela, sa panananghalian, sa pag-uwi . . . hanggang sa pagtulog.
May bumubulong. Isang nilalang na hindi ko alam kung nasaan. Dahil kahit na anong linga ko, kahit anong hanap ko, hindi ko naman makita. Hindi rin sumasagot kapag kinakailangan.
Bumubulong lang siya. Paulit-ulit. Sinasabi niya sa akin ang ginagawa ng mga tao sa paligid ko. Nababasa niya raw ang iniisip nila. Iniuulat niya ang pagtawa nila sa akin.
'Tinitingnan ka nila. Napapangitan sila sa damit mo.'
'Si Ana, sabi niya, nagmamarunong ka raw.'
'Si Luisa, nagagalit kasi pinuri ka ng teacher.'
'Pinagtatawanan ka nila, Elisa.'
'Hindi ka nila nilalapitan dahil masyadong mahaba ang buhok mo. Para ka raw multo.''
'Masyado kang matalino.'
'Masyado kang maraming alam.'
'Masyado kang mahiyain.'
'Masyado kang tahimik.'
'Baliw ka raw.'
Pero hindi naman po ako baliw. Masyado lang mapilit ang bulong at hindi nagpapakilala. Nagtatago sa kawalan ang nilalang na ayaw akong tantanan.
At kapag nagtanong ako, "Sino ka? Nasaan ka?"
Hindi na siya sasagot.
Nitong mga nakaraang araw ay madalas niyang ibulong si Katrina sa akin. Kinabitan ako ni Kat ng papel sa likod na nakalagay: Baliw ako.
Pinatid niya rin ako sa hagdanan. Nahulog ako at muntik na akong mabagok. Sinabunutan niya rin ako no'ng akala niya ay kinuha ko ang pentel pen niya.
Ang sabi ng bulong kaninang umaga no'ng nag-aaway kami ni Katkat, "May labaha akong inilagay sa bag mo."
Pero hindi ako ang gumamit ng labaha. Siya. |
Napatingin ako sa dalagita. Nakita ko na kanina ang labahang ginamit na panggilit. May initials niya. Inamin niya ring kanya. Pero walang fingerprint.
Pinatatawag ang mga magulang niya pero pareho raw na nasa abroad. Ang mga kasambahay na nakakasama niya ay uwian. Hindi sinasagot ang cell phone nila no'ng tinatawagan kanina.
Pinatatawag ang mga guro na puwedeng magbigay ng testimonya sa relasyon ng biktimang si Katrina at ng suspek. Pero hindi pa rin nakararating hanggang sa ngayon.
"Hindi mo pinatay ang kaklase mo?" tanong ko. Maingat. Ayokong habulin ng human rights advocates at samahan ng mga kababaihan.
"Hindi po," mabilis niyang sagot. Tuwid ang pagkakatingin sa akin. Walang-kurap.
"Sino ang pumatay kung gano'n?"
"'Yong bumubulong po. 'Yong lagi kong kasama."
Umiling ako. Ipinahalata sa kanya ang paglilibot ko ng tingin sa kabuuan ng maliit at puting silid. "Wala kang kasama ngayon."
"Meron. Hindi mo lang nakikita."
Nagtitigan kami. Hindi tumitinag ang mga mata niya sa akin.
"Nasa'n siya kung gano'n? Nasa likod ko? Katabi mo? Nasa pinto?" Iminomostra ko pa ang mga puwestong binanggit ko.
"Hindi ko rin po alam."
Nagbuntonghininga ako. Dapat sigurong itawag na sa ibang institusyon ang batang ito. Puwede akong tumawag ng doktor na makapagsusuri sa pag-iisip niya para matiyak ang katinuan.
"Tatawag ako sa isang lugar na mas makakatulong sa 'yo, ha?" ani ko sa kanya.
Nawala sa pokus ang mata ng dalagita. Ilang saglit lang.
"'Wag po. 'Wag daw po kayong tatawag kahit saan kung ayaw n'yong mamatay," sabi niya.
Napangiti ako. Nailing. Ang buhay nga naman! Tinatakot ba ako ng batang ito?
"Gabi na, ineng. Kung makakatawag ako ngayon, ipinapangako ko sa 'yong makakauwi ka agad sa inyo."
Lumikot uli ang mga mata niya. "Nagsisinungaling daw po kayo."
Kumunot ang noo ko. Kawawa ang batang ito. Maganda pa naman sana ay kung bakit nahipan ng hangin ang pag-iisip.
Kinagat-kagat niya ang mga kuko niya. "Sabi niya . . . may masama kang iniisip."
"Tatawag muna ako," giit ko. "Sandali lang ako."
"'Wag!"
Hindi ko na siya pinansin. Tumalikod ako para lumabas ng silid nang mapatid ang paa ko nang kung anong hindi ko nakita. Sumubsob ako sa sahig.
"Putang—"
Namatay ang nag-iisang ilaw sa maliit na silid bago tamad na umandap-andap.
Kasabay ng pag-andap ng ilaw ang malakas na kalabog sa dibdib ko. Hindi yata at mamamatay-tao talaga ang dalagitang kasama ko!
Mabilis akong lumingon sa babae. Nakaupo pa rin siya. Kinagat-kagat ang mga kuko niya.
Tatayo na sana ako nang makita ko sa kumukurap na liwanag ang malaking anino ng tao na nakatayo sa pinto. Papalapit ang anino sa bawat pikit ng ilaw.
Papalapit.
Kumurap ako. Pinaglalaruan yata ako ng mga mata ko.
Papatayo na ako nang may umapak sa likod ko. Bumalik ako sa pagkakasubsob sa sahig. Binalot ng kakaibang lamig na pumipigil sa aking gumalaw.
Ang huli kong naramdaman ay ang pagkamal ng malaking kamay sa buhok ko, paghila patingala sa mukha ko, at pagbaon ng talim ng labaha sa aking leeg.
***
Dalawang araw ang nakalipas.
Pinanonood ng ilang imbestigador ang CCTV tape ng interrogation room kung saan namatay ang kasamahan nilang si Andres.
Pero sira ang tape hanggang sa parte kung saan sumubsob ang imbestigador sa sahig. Ang kasunod na linaw ng footage ay nang dumating ang rescue team at ilabas sa interrogation ang dalagitang suspek.
Sa umaandap pa ring ilaw ay kita sa footage ang dalawang anino ng dalagita. #