Chapter 12: Happily Ever After

80 4 30
                                    

"Ang pag-ibig nila ay hindi dahil bumagal ang ikot ng mundo o kumanta ang mga ibon o biglang lumiwanag ang madilim na paligid. Ang pag-ibig nila ay nagsimula sa gutom lamang. Isipin mo yun. Ang happily ever after, hindi ibig sabihin na happy-happy ka lang lagi. Ang ibig sabihin ng happily ever after ay dahil pinili mong maging happy sa taong kasama mo at mahal mo at kahit anong mangyari, paninindigan mo yun dahil mahal mo yun eh. Bumagal man ang ikot ng mundo, umawit man ang ibon o hindi, magliwanag o dumilim man ang mundo, magmamahal ka dahil pinili mong magmahal," wika ng animated version ni Ten-Ten ng teleseryeng Dolce Amore. Muling nanumbalik sa alaala ni Steph ang mga panahong kasama ang binatang si Dranreb. Sinasabi ng isip niya na namatay na si Dranreb three years ago pero sinisigaw ng puso niya na buhay pa ito.

Naimbitahan si Steph sa premiere night ng animated movie version ng Dolce Amore. Doon ay nakita niya ang sikat na writer na si Topher Valenzuela at ang asawa nitong si Kaj. Naroon din ang sikat na concert performers na sina Sumner Alonte, Celestine Ramirez, Heart Agustin at Travis Salas. Syempre, hindi mawawala sa gabing iyon ang sikat na sikat na mga bida ng teleseryeng Dolce Amore na sina Enrique Gil at Liza Soberano. "Dolce Amore offers us a super funny take on young love. Na-inspire akong gumawa ng animated version nito dahil nakikita ko ang sarili ko kay Ten-Ten na isang mahirap pero handang gawin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig," tinig ng isang lalaki sa voice-over. Pamilyar kay Steph ang boses na narinig pero hindi niya ma-pinpoint kung sino ba talaga ang nagsalita. Makalipas ang ilang sandali ay lumabas ang misteryosong lalaking nagsalita sa voice-over ngunit hindi maaninag ni Steph kung sino ba ito dahil sa patay-sinding mga ilaw sa premiere night.

Nagulat ang lahat nang magsimulang kumanta sa entablado ang misteryosong animation artist:

Minamasdan kita

Nang hindi mo alam

Pinapangarap kong ikaw ay akin

Mapupulang labi

At matingkad mong ngiti

Umaabot hanggang sa langit

Huwag ka lang titingin sa akin

At baka matunaw ang puso kong sabik

Sa iyong ngiti ako'y nahuhumaling

At sa tuwing ikaw ay gagalaw

Ang mundo ko'y tumitigil

Para lang sa 'yo

Ang awit ng aking puso

Sana'y mapansin mo rin

Ang lihim kong pagtingin

Hindi na napigilan ni Steph ang pagbuhos ng lahat ng emosyon niya sa puso nang makita ang kumakanta sa entablado. "Dranreb!" sigaw niya sabay takbo sa kinaroroonan nito pagkatapos nitong kumanta. Hindi na ininda ni Steph kung maraming tao ang makasaksi sa pagpunta niya sa stage. Nakangiti lang ang lalaki na hinintay siyang dumating. Agad na niyakap ni Steph si Dranreb nang sobrang higpit dahil sa pagka-miss niya dito. "Nasasakal ako!" biro ni Dranreb ngunit hindi pa rin bumitaw si Steph at hinigpitan pa ang pagkakayakap sa kaniya. "Tumahimik ka! Manloloko ka! Pinaniwala mo akong patay ka na kaya papatayin talaga kita!" sambit ni Steph at humigpit pa ang yakap niya sa lalaki. Umiiyak pa rin si Steph nang hawiin ni Dranreb ang mga braso ng dalaga na nakayakap sa kaniya at tinititigan ito. Ngiti lang ang isinagot niya sa mga mata nitong nagtatanong. Hinawakan niya ang pisngi ni Steph. "Maganda ka pa rin kahit umiiyak!" seryosong pahayag ng lalaki. "Wag kang magtangkang kunan ako ng picture!" utos ni Steph pero kumislap na ang dalang camera ni Dranreb. "Maganda!" wika ng lalaki habang tinitingnan ang nakuhang litrato. Inilipat niya ang tingin sa dalaga na umiiyak pero alam niyang dahil iyon sa saya. "Wala ka bang mga tanong sa akin?" tanong ni Dranreb. "Marami!" sagot ng dalaga. Huminga muna siya nang malalalim bago nagtanong, "Una, bakit mo ako pinaniwala na namatay ka na? Bakit buhay ka pa hanggang ngayon? Paano tayo nakaalis sa lumang laboratoryo?" Sumabad ang binata, "Dami naman!" Napakamot pa ito sa ulo. "Ganyan talaga. Sasagot ka ba o hindi?" pananakot ni Steph. Sumagot nga ang lalaki, "Okay. Nang magkamalay ako ay kinarga kita palabas sa lumang laboratoryo. Humingi ako ng tulong sa liblib na daan at swerteng may humintong jeep na puno ng sibuyas. Allergic ka pala sa sibuyas kaya matagal kang na-confine sa ospital. Pumunta kami ng nanay ko sa kapatid kong si Garrett at nagdesisyon kaming ipagamot ang sakit kong brain tumor sa America. Ginawa ko ang liham at ipinaabot ko ito kay Aling Rina sa pag-aakalang hindi na ako makakabalik. Bumalik ako matapos ang isang taon at limang buwan na pagpapagaling sa America. Bumalik ako sa mansyon ng mga Perucho pero hindi na kita naabutan doon. Sabi ng Yaya Rina mo ay ipinadala ka raw sa Barcelona ng Maayap Advertising Agency para sa dalawang taong graphic arts scholarship. Nang malaman ko 'yon ay sinabi ko na lang sa yaya mo at sa lahat ng nasa Hacienda Perucho na ilihim muna na bumalik ako dahil gusto kong ipagpatuloy mo ang scholarship mo sa Barcelona. Hinintay ko ang pagbabalik mo sa Pilipinas. Hinintay ko ang pagbabalik ng prinsesa ko!" Umiiyak pa rin si Steph habang nagkukuwento ang binata. Pinuno muna ni Dranreb ang baga niya ng hangin bago muling nagsalita, "Sinulatan ko ang paborito mong bisikleta ng 'You occupied half of my head' dahil may tumor ako sa utak noon. Kahit hindi pa malala yun ay nakaramdam na ako ng pagkahilo at palagi ring masakit ang kalahating ulo ko." Mabilis na nagwika si Steph, "Hindi ko alam!" Nagpaliwanag si Dranreb, "Alam ko. Wala talaga akong planong ipaalam 'yon sa 'yo kasi ayokong malungkot ka at ayoko ring dumami pa ang mga iniisip mo. Alam kong naguguluhan ka sa mga sandaling iyon at ayokong makadagdag sa mga problema mo kaya kinausap ko na lang si Yaya Rina at sinabi ang lahat ng dahilan kung bakit muna ako magpapakalayo." Tinititigan lang ni Steph ang mukha ng lalaking matagal na nawalay sa kaniya. "Walang kasiguraduhan kung magagamot pa ang sakit ko noon kaya hindi ko nalang ipinaalam sa 'yo ang lahat. Kung mamatay man ako habang nagpapagamot ay mas makakabuti na 'yon para sa 'yo. Ngayon ay wala ka nang kahati sa isipan ko at buong-buo ko nang iniaalay 'to sa 'yo lalong lalo na ang puso ko, Steph." Marahang sinuntok ni Steph ang dibdib ni Dranreb. "Nakakainis ka! Palagi mo na lang akong pinapaiyak!" naglalambing na tinig ni Steph. Marahang hinawakan muli ni Dranreb ang pisngi ni Steph at tinitigan ang buong mukha, mula mata, ilong, hanggang labi. "Tititigan mo lang ba ako nang ganyan? Tatlong taon akong naghintay sa kiss mo kaya 'wag ka nang magdrama pa!" wika ni Steph na hindi na makapaghintay na mahalikan ni Dranreb. Hindi pa rin nakagalaw si Dranreb kaya hinawakan na ni Steph ang ulo ng binata at inilapit sa kaniya. Pagkatapos ng tatlong taon ay muling nahalikan ng prince charming ang malditang prinsesa. Sa wakas ay kapiling na ni Steph ang lalaking naging dahilan ng lahat ng pagbabago sa buhay niya. Muli ay nangibabaw ang kanilang pagmamahalan at nawala na sa isip nila na sila ay nasa isang magarbong stage na tinutunghayan ng maraming tao. Nahinto ang pagnanais nilang maangkin ang isa't isa nang umugong ang palakpakan sa loob ng coliseum. Nagulat sina Steph at Dranreb nang mahagip ng mga mata nila si Aling Teresa na kasama sina Garrett, Marvin, Marco at Melba. Si Yaya Rina at ang bagong asawa nitong si Ronaldo ay nandoon din. Syempre, naroon din ang lahat ng mga naging kaibigan nila sa Dalton University na sina Jayvee, Trisha, Erick, Mildred, Homer, Jordan, Gelo, Aila, Avy at Maureen. Present din ang mga dati nilang professors na sina Sir Crest Pecson, Sir Samuel Manglicmot, Teacher Nerissa De Leon, Ms. Abigail Edale, Ms. Aileen Feleo at Sir Pablo Ocampo. Masaya rin silang pinapanood ng mag-asawang sina Arnold at Hazel Crosby na katabi pa ang anak na si Hanz Adriel. Bakas sa mukha ng lahat ang kasiyahan sa nasaksihang muling pagtatagpo ng dalawang taong nag-iibigan. Ang iba ay dayo sa premiere night na iyon at kahit sila ay kinilig din nang sobra. May ibang naghihiyawan at sumisigaw ng isa pang kiss.

Muling naglapat ang mga labi nina Steph at Dranreb. Puno ng pagmamahal ang bawat halik na binibitawan ni Dranreb para kay Steph. Hindi nila alintana ang mga matang nagmamasid sa kanilang paghahalikan. "Ngayong wala na ang wicked witch na si Karen ay wala nang sasagabal pa sa pag-iibigan natin, Steph!" bulong ni Dranreb sa dalaga nang maghiwalay ang kanilang mga labi. "Alam ko. At kahit ilan pang wicked witches ang dumating ay alam kong makakaya ko lahat 'yon because I have you. And I want to spend my whole life with you, My Prince Charming!" pabulong na sagot ni Steph.

Steph is one of the prettiest shoes in the world. Minsan ay naranasan niya ang hirap na mailakad sa isang lubak-lubak na daan na muntikan nang sumira sa kaniya ngunit napagtagumpayan niya iyon dahil sa kaniyang prince charming. Ngayon ay nahanap na niya ang isang pares ng paa na nagpalutang at nagpatingkad lalo sa kagandahan niya, si Dranreb na kaniyang POORever at ang kaniyang Ate Kiana na bagamat nakakulong ay hindi pa rin tumitigil sa pagmamahal sa kaniya. Kumpleto na ang lahat sa buhay ni Steph kasama ang lalaking minamahal niya. Wala na siyang ibang mahihiling pa kundi ang magpatuloy ang masayang pagsasamahan nila. Matapos parangalan sina Princess Stephanie Perucho at Dranreb Aseret Ampur sa larangan ng animated films ay nagdesisyon silang magpakasal at mamuhay sa paanan ng Bundok Tilapayong. Sa pamamagitan ng simpleng pamumuhay kasama ang kanilang mga anak ay pinatunayan nila na totoo ang HAPPILY EVER AFTER.

Wakas...

My POOReverWhere stories live. Discover now