Chapter 1

6.8K 285 13
                                    


"ONE-FIVE lang ang renta nito pero siyempre sagot mo ang pagbabayad ng tubig at kuryente. May sarili ka namang metro dito kaya makakasiguro ka namang hindi kita gugulangan. Hindi rin naman ako ganoon kahigpit kaya puwede ka namang magdala ng bisita dito o gawin ang mga gusto mong gawin. Pero bawal ang ilegal na mga gawain maliwanag?" mahabang paliwanag ng landlady ni Sissy habang inililibot siya sa loob ng silid na tatayong tirahan niya mula sa araw na iyon.

Hindi naman nila kailangang mag-effort sa paglibot dahil sa liit niyon ay kitang-kita naman niya ang kabuuan niyon kahit nakatayo siya sa tapat ng pinto. Pero ayos na iyon kaysa manatili siyang nakikitira sa bahay ng malayong tiyahin niya. Kahit kasi malapit ang bahay na iyon sa pinapasukan niyang unibersidad ay hindi na niya kayang sikmurain ang araw-araw na pagdidiga nito at ng asawa nito ng "utang na loob" at "kabutihan" ng mga ito sa kaniya.

Kung tutuusin ay bukod sa tirahan ay wala namang ibang binibigay ang mga ito sa kaniya. Lahat ng gastusin niya, mula sa tuition, allowance, pang project hanggang sa pagkain niya ay galing sa sarili niyang bulsa. Pinagsasabay niya kasi ang pag-aaral at pagtatrabaho dahil wala naman siyang ibang maasahan kung hindi ang sarili niya.

Ulila na siya sa mga magulang. Nagkaisip na siya sa pangangalaga ng lolo't lola niya sa side ng tatay niya na isang bumbero. Ayon sa kuwento ng mga ito ay namatay daw sa panganganak sa kaniya ang kaniyang ina. Ang tatay naman niya ay pumanaw nang makulong ito sa bahay na nasusunog na tinangka nitong apulahin. Nasa elementarya ng magkasunod namang pumanaw ang lolo't lola niya dahil sa katandaan at sakit.

Mula noon ay nabuhay siyang palipat lipat sa pangangalaga ng mga kamag-anak niyang halata namang pabigat ang tingin sa kaniya. Lahat din ng mga ito ay idiniga sa kaniya ang mga naitutulong daw ng mga ito sa kaniya.

Hindi kaya ng pride niya ang mga panunumbat mula sa mga ito. Ngunit pikit-mata niyang tinanggap ang mga iyon dahil wala pa siyang kakayahang mabuhay sa sarili niya lang. Kaya ng tumuntong siya ng high school ay natuto siyang mag-working student. Plano niya kasing mag kolehiyo kahit ano ang mangyari. Ayaw niyang habambuhay na maging mahirap at nakikiamot lang ng tulong mula sa iba. At dahil alam niyang wala siyang aasahang magpapaaral sa kaniya kaya napagdesisyunan niyang mag-ipon ng sarili niyang pera.

Gamit ang naipon niya at utak ay nakapasok siya sa isang prestihiyosong unibersidad bilang full scholar. Bukod doon ay nagtrabaho rin siya ng part time sa isang fast food chain. Noon nga siya nakitira sa tiyahin niya na gaya ng ibang kamag-anak ay matinding dumiga. Mas matindi pa nga ito dahil sa kaniya pa nito hinihingi ang pambayad ng kuryente at kung anu-ano pa. Daig pa niya ang nagpamilya. Tiniis niya iyon ng tatlong taon.

Ngunit kailan lamang ay naubos na ang pasensiya niya. Idagdag pa na may pakiramdam siyang kung hindi siya bubukod ay mamomolestiya na siya ng asawa ng tiyahin niya base sa malalagkit na tingin nito sa kaniya. Kaya sa kabila ng pagpoprotesta ng tiyahin niya at pagbato sa kaniya ng walang kamatayang "wala kang utang na loob" ay umalis na siya.

Ang problema lang niya ay wala sa plano ang pag-alis niya. Kare-resign lang din kasi niya sa part time job niya dahil hinarass siya ng manager niya. Pero naisip niyang wala na rin namang atrasan ang lahat. Balak naman talaga niyang magsolo kapag nakagraduate na siya pero napaaga nga lamang iyon ng ilang buwan at hindi masyadong napaghandaan. Napadpad siya sa duplex house na iyon na ginawang paupahan. Dalawang pinto lamang iyon. Ang gusto niya sana ay iyong sa kanang pinto pero ayon sa landlady ay matagal na raw na okupado iyon.

Muli niyang iginala ang paningin sa silid. Wala pang kagamit-gamit iyon pero mas palagay ang loob niya roon kumpara sa bahay ng mga kamag-anak niya. Marahil ay dahil alam niya sa sarili niya na kahit maliit lang iyon ay masasabi niyang kaniya iyon. Hindi na niya kailangang mangilag dahil mag-isa lang naman siya doon.

TIBC BOOK 5 - THE TROUBLEMAKERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon