Chapter 2

7.1K 291 7
                                    

Clyde

"Alcantara!" Tawag sa akin ni SPO4 Ruiz. Tumayo ako sa kinauupuan ko at sumaludo sa kanya. "Sir, bakit po? May kailangan kayo?"

"Pinapatawag ka ni General sa opisina niya. May pag-uusapan daw kayo." Saad niya. Bigla naman akong kinabahan dahil ni minsan hindi pa ako pinapatawag sa opisina ni General, maliban na lang kung may nagawa kang mali o ma-popromote ka.

"Huwag kang kabahan, bata. Sigurado akong hindi naman masama yung sasabihin niya." Tinapik-tapik niya 'yong likod ko habang ako naman ay tumango na lang. Nagpaalam na siya sa akin pero bago pa man siya makaalis ay kinindatan niya muna ako, pero hindi ko na lang ito pinansin.

Matagal ko nang alam na may pagtingin sa akin si Ruiz, pero katulad no'ng mga naunang manliligaw ko, binusted ko siya. Pero matigas pa rin talaga 'yong ulo niya, ayaw niya akong tigilan hanggang sa mapasagot niya ako. Basta kahit anong gawin niya hindi ako papatol sa kanya, kahit na alam niyang nagkakagusto ako sa babae, nagpupumilit pa rin siya.

Hinayaan ko na lang kasi hindi talaga siya titigil. At wala pa kasi akong panahon para sa mga relasyon, tinutuon ko yung sarili ko sa trabaho.

Kumatok ako sa pintuan ng opisina ni General bago ko ito binuksan. "Sir, pinapatawag niyo raw ako?" Sumaludo muna ako sa kanya bago umupo sa harapan no'ng lamesa niya.

Pagpasok mo pa lang dito, kakabahan ka na. Dahil nakakatakot talaga 'tong si General. Feeling mo parang nakatali sa lubid 'yong leeg mo habang hawak-hawak niya ito. Hindi mo rin maiwasan mamangha dahil sobrang linis no'ng opisina niya. Lalo na yung silver plate na nakapatong sa harap no'ng lamesa niya, sobrang kinis.

F.J. Monteverde II, Director General

"Siguro nagtataka ka kung bakit kita pinatawag dito?" Malamig niyang tanong. Tumango ako sa kanya sa pagsang-ayon.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto ko bantayan mo 'yong anak ng kapatid ko, which is my niece, delikado kasi ang buhay niya. No'ng nakaraan muntik na siyang makidnap dahil sa katangahan ng mga tao ko."

"Ah, General. Hindi naman po sa nagrereklamo ako 'no, b-bakit po ako? May ibang mas mataas naman ang posisyon kaysa sa akin na kayang gawin 'yan."

"Lahat ng departamento dito sa headquarters ay may naka-assign na, ang sa inyo na lang ang hindi. At tutal, ikaw naman ang pinakamagaling sa kanila, ikaw na ang inaatasan ko na maging lider nila." Nagulat naman ako sa sinabi niya.

"Inaasahan ko na papayag ka, dahil wala ka nang magagawa, para ito sa ikabubuti ng pamangkin ko."

"Sige po. Hindi na rin po kasi ako makakatanggi."

Ngumiti siya sa akin. "Mahusay. Kung gusto mo magsama ka ng isa o tatlong miyembro sa departamento ninyo para hindi ka naman mahirapan."

Tumango-tango na lang ako sa kanya. "Kailan po ba ako magsisimula?"

"Sa Sabado, ako mismo ang maghahatid sa inyo sa Boracay."

"B-Boracay? Ano po'ng gagawin sa Boracay?"

"Isang aktres kasi ang pamangkin ko at may shooting sila do'n. Kasabay pa no'n, ay ang anibersayo ng kapatid ko at ng asawa niya. At 'yong babaeng dumaan dito kanina, 'yon 'yong asawa ng kapatid ko, ni-request niya na kailangan may magbantay sa anak niya pati na rin sa kanila."

Ahh, 'yon pala 'yong babaeng maganda kanina na tinitignan ni Raul. Kahit pala medyo may edad na 'yon hindi pa rin pala nawawala 'yong kagandahan niya.

"Ah, Sige po. Bukas na bukas maghahanda na po kami." Tumayo ako sa upuan at sumaludo sa kanya bago umalis ng opisina.

Pagbalik ko sa lamesa ko napansin ko na kinakain na ni Raul 'yong dala kong pagkain. "Siraulo ka talaga! 'Yan na nga lang pagkain ko, inagaw mo pa." Pinalo ko na naman siya sa ulo gamit ang diyaryo. Bigla naman ito nabulunan. Buti nga sa kanya, ang takaw kasi.

"T-Tubig. Bigyan mo ako ng tubig." Sabi niya habang tinatapik 'yong dibdib niya. Syempre binigyan ko siya ng tubig hindi naman ako masamang tao para makitang mamatay siya sa harapan ko.

"'Yan ang napala mo. Ang takaw-takaw kasi eh. Sinabi ko namang sa akin 'yong pagkain na 'yon kinain mo pa rin."

"Pasensya na talaga, Clyde. Natatakam kasi ako eh, ang bango no'ng luto ni Aling Rita. Mas lalo tuloy akong natakam no'ng nakita ko 'yong maganda babae kanina."

Napailing nalang ako. "Ah, 'yong babaeng maganda kanina? Wala ka nang pag-asa do'n." Saad ko pa.

"Paano mo naman nasabi? Malay mo, magkatuluyan pa kami no'n." Natawa naman ako. "Wala kang pag-asa do'n dahil may asawa na siya, at kapatid pa ni General. Malalagot ka talaga 'pag nalaman ng kapatid niya na nagugustuhan mo 'yong asawa niya."

"Ano?! 'Wag na nga, mahal ko pa buhay ko 'no. Sayang naman kasi eh, nando'n na eh, malapit ko nang madali."

"Alam mo kasi Raul, ang pag-ibig napaghihintay 'yan. Darating at darating rin 'yan sa buhay mo, maghintay ka lang. 'Wag mong madaliin, nandyan lang 'yan. At ang dami-daming babae dito sa mundo, hindi ka mawawalan."

"Humuhugot ka ba Clyde? Ngayon lang kita narinig magsalita tungkol sa pag-ibig ha?"

"Sinasabi ko lang ang totoo. Naramdaman ko na kasi 'yan."

"Talaga kanino?" Sa first love ko.

Umiling na lang ako sa kanya. "Huwag na nating pag-usapan 'yan. Kumain na lang tayo sa labas may kalahating oras pa naman." Bigla naman nag-ningning yung mukha nitong kaibigan ko. Basta pagkain talaga ang bilis.

"Libre mo ha?" Tumango na lang ako sa kanya. Wala naman akong magagawa dahil minsan lang ako manlibre at tsaka gutom na ako para makipagtalo pa sa kanya.

𝐂𝐘𝐁𝐄𝐋𝐋𝐄Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon