2: Si Crisostomo Ibarra
Dumating si Kapitan Tiyago at si Ibarra na luksang-luksa ang kasuotan. Binating lahat ni kapitan ang mga panauhin at humalik sa kamay ng mga pari na nakalimot na siya ay bendisyunan dahil sa pagkabigla. Si Padre Damaso ay namutla nang makilala si Ibarra.
Ipinakilala ni Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kanyang kaibigang namatay at kararating lamang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa. Malusog ang pangangatawan ni Ibarra, sa kanyang masayang mukha mababakas ang kagandahan ng ugali. Bagamat siya ay kayumanggi, mahahalata rin sa pisikal na kaanyuan nito ang pagiging dugong Espanyol.
Tinangkang kamayan ni Ibarra si Padre Damaso sapagkat alam niyang ito ay kaibigang matalik ng kanyang yumaong ama. Ngunit, ito ay hindi inamin ng pari. Totoo, siya ang kura sa bayan. Pero, ikinaila niyang kaibigan niya ang ama ni Ibarra.
Napahiya si Ibarra at iniatras ang kamay. Dagling tinalikuran niya ang pari at napaharap sa tinyenteng kanina pa namamasid sa kanila. Masayang nag-usap sina tinyente at Ibarra. Nagpapasalamat ang tinyente sapagkat dumating ang binata ng walang anumang masamang nangyari. Basag ang tinig ng tinyente ng sabihin niya sa binata na nasa ito ay higit na maging mapalad sa kanyang ama. Ayon sa tinyente ang ama ni Ibarra ay isang taong mabait. Ang ganitong papuri ay pumawi sa masamang hinala ni Ibarra tungkol sa kahabag-habag na sinapit ng kanyang ama.
Ang pasulyap ni Padre Damaso sa tinyente ay sapat na upang layuan niya ang binata. Naiwang mag-isa si Ibarra sa bulwagan ng walang kakilala.
Tulad ng kaugaliang Aleman na natutuhan ni Ibarra buhat sa kanyang pag-aaral sa Europa, ipinakilala niya ang kanyang sarili sa mga nanduruong kamukha niyang panauhin. Ang mga babae ay hindi umimik sa kanya. Ang mga lalaki lamang ang nagpapakilala rin sa kanya. Nakilala niya ang isang binata rin na tumigil sa pagsusulat.
Malapit ng tawagin ang mga panauhin para maghapunan, nang lumapit si Kapitan Tinong kay Ibarra para kumbidahin sa isang pananghalian kinabukasan. Tumanggi sa anyaya ang binata sapagkat nakatakda siyang magtungo sa San Diego sa araw na naturan.
3: Ang Hapunan
Isa-isang nagtungo ang mga panauhin sa harap ng hapagkainan. Sa anyo ng kanilang mga mukha, mahahalata ang kanilang pakiramdam. Siyang-siya si Padre Sibyla samantalang banas na banas naman si Padre Damaso. Sinisikaran niya ang lahat ng madaanan hanggang sa masiko niya ang isang kadete. Hindi naman umiimik ang tenyente. Ang ibang bisita naman ay magiliw na nag-uusap at pinupuri ang masarap na handa ni Kapitan Tiyago. Nainis naman si Donya Victorina sa tenyente sapagkat natapakan ang kola ng kanyang saya habang tinitignan nito ang pagkakulot ng kanyang buhok.
Sa may kabisera umupo si Ibarra. Ang magkabilang dulo naman ay pinagtatalunan ng dalawang pari kung sino sa kanila ang dapat na lumikmo roon.
Sa tingin ni Padre Sibyla, si Padre Damaso ang dapat umupo roon dahil siya ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tiyago. Pero, si Padre Sibyla naman ang iginigiit ng Paring Pransiskano. Si Sibyla ang kura sa lugar na iyon, kung kaya’t siya ang karapat-dapat na umupo.
Anyong uupo na si Sibyla, napansin niya ang tinyente at nagkunwang iaalok ang upuan. Pero, tumanggi ang tenyente sapagkat umiiwas siyang mapagitnaan ng dalawang pari.
Sa mga panauhin, tanging si Ibarra lamang ang nakaisip na anyayahan si Kapitan Tiyago. Pero, kagaya ng may karaniwang may pahanda, magalang na tumaggi ang kapitan sabay sabing “huwag mo akong alalahanin.”
Sinimulan ng idulot ang pagkain. Naragdagan ang pagpupoyos ng damdamin ni Padre Damaso, ang ihain ang tinola. Paano puro upo, leeg at pakpak ng manok ang napunta sa kanya. Ang kay Ibarra ay puro masasarap na bahagi ng tinola. Hindi alam ng pari, sadyang ipinaluto ng kapitan ang manok para kay Ibarra.
Habang kumakain, nakipag-usap si Ibarra sa mga ibang panauhin na malapit sa kinaroroonan niya. Batay sa sagot ng binata sa tanong ni Laruja, siya ay mayroon ding pitong taong nawala sa Pilipinas. Bagamat, wala siya sa bansa, hindi niya nakakalimutan ang kanyang bayan. At sa halip, siya ang nakakalimutan ng bayan sapagkat ni wala man lang isang taong nakapagbalita tungkol sa masaklap na sinapit ng kanyang ama. Dahil sa pahayag na ito ni Ibarra, nagtumibay ang paniniwala ng tinyente na talagang walang alam ang binata sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang amang si Don Rafael.
Tinanong ni Donya Victorina si Ibarra na bakit hindi man lang ito nagpadala ng hatid-kawad, na kagaya ng ginawa ni Don Tiburcio nang sila ay magtaling-puso.
"Nasa ibang bayan ako nitong mga huling dalawang taon," tugon naman ni Ibarra.
Nalaman ng mga kausap ni Ibarra na marami ng bansa ang napuntahan nito at marami ng wika ang kanyang alam. Ang katutubong wikang natutuhan niya sa mga bansang pinupunntahan niya ang ginagamit niya sa pakikipagtalastasan. Bukod sa wika, pinag-aaralan din niya ang kasaysayan ng bansang kanyang pinupuntahan partikular na ang tungkol sa Exodo o hinay-hinay na pagbabago sa kaunlaran.
Ipinaliwanag ni Ibarra na halos magkakatulad ang mga bansang napuntahan niya sa tema ng kabuhayan, politika at relihiyon. Pero, nangingibabaw ang katotohanang nababatay sa kalayaan at kagipitan ng bayan. Gayundin ang tungkol sa ikaaalwan at ikapaghihirap nito.
Naudlot ang pagpapaliwanag ni Ibarra sapagkat biglang sumabad si Padre Damaso. Walang pakundangan ininsulto niya ang binata. Sinabi niyang kung iyon lamang ang nakita o natutuhan ni Ibarra, siya ay nag-aksaya lamang ng pera sapagkat kahit na bata ay alam ang mga sinabi nito. Nabigla ang lahat sa diretsang pagsasalita ng pari.
Kalmado lamang si Ibarra, ipinaliwanag niyang sinasariwa lamang niya ang mga sandaling madalas na pumunta sa kanila si Padre Damaso noong maliit pa siya upang makisalo sa kanilang hapag-kainan. Ni gaputok ay hindi nakaimik ang nangangatal na si Damaso.
Nagpaalam na si Ibarra. Pinigil siya ni Kapitan Tiago sapagkat darating si Maria Clara at ang bagong kura paroko ng San Diego. Hindi rin napigil sa pag-alis si Ibarra. Pero, nangako siyang babalik kinabukasan din.
Ngumakngak naman si Padre Damaso, nang umalis si Ibarra. Binigyan diin niya na ang gayong pagkilos ng binata ay tanda ng kanyang pagiging mapagmataas. Dahil dito, aniya, dapat na ipagbawal ng pamahalaang kastila ang pagkakaloob ng pahintulot sa sinumang Indio na makapag-aral sa Espanya.
Nang gabing iyon, sinulat ng binata sa kolum ng Estudios Coloniales ang tungkol sa isang pakpak at leeg ng manok na naging sanhi ng alitan sa salu-salo; ang may handa ay walang silbi sa isang piging at ang hindi dapat pagpapaaral ng isang Indio sa ibang lupain.