0

2 0 0
                                    

8:24 PM

Sabado.

Coffee Shop somewhere around Manila.

Nakatitig ako sa isang lalaki na masayang nagke-kwento tungkol sa hobbies niya. He likes mountain climbing and swimming. 

"Wow." -- Ang nasasabi ko na lang every time na may binabanggit siyang hindi pamilyar sa 'kin.

Halos magta-tatlong oras na kaming nandito. Malamang ay mainit na ang mga kinauupuan naming mga silya na gawa sa kahoy at may kutsong kulay berde, liban na lang sa okasyonal na pagpunta sa CR para mag-ayos o kaya naman ay magbanyo saglit.

Sa tatlong oras na iyon, halos dalawang oras na ata ang ginugol ko sa pakikinig sa mga kwento niya. Nakailang palit na rin siguro ng kanta 'tong coffee shop sa haba-haba ng pinag-usapan namin. Sa mga oras na 'to, kakaumpisa lamang tumugtog ng Hanggang Kailan ng Orange & Lemons. 

Classic.

Nakatingin pa rin ako sa lalaking kausap ko. Mas matangkad siya sa 'kin; naka-polong asul, itim na pantalon at puting sapatos. Since nabanggit nga niya kanina na hobby niya ang mountain climbing at swimming, imposibleng hindi rin niya hobby ang mag-work-out. Malaki ang pangangatawan niya't burdado ang kanang braso niya; malalim ang boses at propresyonal tingnan. Medyo angat lang ng kulay ang balat niya sa kayumanggi o pagiging moreno, ngunit hindi siya kaputian. Pantay ang mga ngipin, matangos na ilong at makakapal na kilay na tila sumasang-ayon sa mga reaksyon ng kanyang mukha depende sa kinekwento niya.

"Huy, okay ka lang ba?" ang narinig ko sa kanya.

Nakatitig ata ako sa kanya na parang estatwa. Aaminin ko, hindi ako nakikinig sa mga sinasabi niya. Kung sa huli kong pagkakatanda, ang huli kong narinig sa kwento niya ay kung kailan at paano siya nag-travel mag-isa sa Coron at El Nido ng mag-isa para mag-soul searching, pero parang kanina pa 'yon at hindi ko na alam kung ano na ang pinag-uusapan namin.

"Ang tahimik mo naman. Kanina pa 'ko nagke-kwento dito pero parang hindi ka naman nakikinig." ang sabi niya habang kinalabit niya ang kamay kong nakapatong sa ibabaw ng mesa.

Sinabi ko na lang na sa sobrang vivid ng kwento niya, napatulala ako at na-imagine ko mismo 'yung naging ekspedisyon niya kung saan man siya naglagalag. May dalawang ulit ata na tinanong niya 'ko kung nakapunta na ba ako sa mga lugar na binanggit niya. Pero sa totoo lang, sa sobrang daming lugar na marahil ay nakwento niya na hindi ko natandaan maliban sa Coron at El Nido, ay hindi ko alam kung anong sasabihin pabalik kungdi "Oo" o kaya ay "baka in the future" sabay tawa ng mahina.

Saglit na katahimikan ang pumagitna sa 'min. Kinuha niya ang telepono mula sa bulsa at aktong may tinetext o inii-scroll. Marahan akong sumisipsip sa pangatlong kape na in-order ko mula pa kanina -- malapit nang matunaw ng tuluyan ang yelo at tumatabang na. Kinse minutos na lang ang natitira bago mag-alas-nuwebe ng gabi. Sa pagdungaw ko sa bintana sa para sumilip, sumaktong patapos na ang kanta at sumabay ang buntong-hiningang nailabas ko matapos humigop ng kapeng malamig:

"Umuwi ka na baby. Umuwi ka na baby. Umuwi ka na babeeeh."

Binaling ko pabalik ang tingin ko sa kanya. Nakangiti siya sa 'kin pero naka-kunot ang noo niya ng kaunti.

"Mukhang pagod ka na ah. Napasobra ba 'yung kwentuhan natin?" ang tanong na namutawi sa kanyang mga labi kasama ang mababa at malambing na boses. Marahil siguro'y marupok nga ako dahil kinilig ako ng bahagya, o sadyang kahinaan ko ang mga gan'to; pero sa totoo lang, hindi na ata ako handang makinig sa mga kwentong puro travel at pagbabakasyon.

"Okay lang ako. Baka pagod lang siguro?"

Heto na naman. Heto na naman ako sa sarili kong umiiwas maging totoo sa damdamin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 06, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Finding You (Ang Hanapin Ka)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon