Ito ay handog ko para sa aking Lolo...
Si Mamay Tonio.
Mahal na mahal ko po kayo, Mamay....
Doon sa Duyan ni Mamay
Maalinsangan. Nakakapagod. Nagdaan na naman ang isang buong maghapon sa paaralan. Hay salamat. Wala akong assignment na aalalahanin ngayon. “Duyan nga muna ako”.
Ayun na eh. Ramdam ko na, na ako’y nasa rurok na ng kalangitan na parang napakagaan ng aking pakiramdam, nalampasan ko pa ang tuktok ng bundok, kung hindi ko lang narinig ang malakas na boses ni mama.
”Ah ah! Kaya pala ako biglang parang nalula at nahilo kanina eh.. Yun pala!” sigaw ni mama. Naalimpungatan tuloy ako. Kaya sumilip ako sa bintana. Tanaw ko ang TV namin sa sala. Bente-kwatro oras na. Ang balita (...lindol...) Umusal ng dasal si mama, “Salamat po, at hindi niyo kami pinabayaan.”
Bumalik na ulet ako sa duyan. Ganda kasi ng pwesto ko dun eh.
”Ou nga pala, sikat nga pala ang lugar namin dahil maraming faultline dito.” Pabiro ko pang sabi. Parang gusto kong nerbyosin ako, pero hinde eh.. di ako affected. Inisway-sway ko pa ng onti ang duyan sabay pikit ng aking mga mata, napangiti ako. Feeling ko kasi bata ulet ako at tapos. . .
”Pajoy! Pumarine ka, ako’y may sorpresa sa’yo.” Boses ni mamay, ang aking lolo.
Pajoy kasi ang tawag sa akin doon sa Batangas. Bilang isang bata na sabik sa kahit anong ibigay sa akin, nakita ko sa tapat ng kubo ni mamay, mayroong duyan na gawa sa sako at itinali ang magkabilang dulo sa pagitan ng dalawang malaking puno ng mangga. Aba syempre, ako’y tuwang-tuwa. Gustong gusto ko kasi magkaroon ng duyan. Oh di ba, para na’kong may sariling playground.
Hinayaan na ko ni mamay na maglaro. Solong-solo ko nga yung duyan eh. Wala akong kaagaw. Kaya naisipan ko na humiga na’ko sa duyan.
Makalipas lang ang ilang sandali, walang anu-ano’y nagulat ako.
Napakapit ako ng mahigpit sa duyan na sako. Akala ko, may kapre na malakas na nag-uugoy sa akin sa duyan kung kaya’t di ko napigilang umiyak at sumigaw. ”Mamay!!! Mamay!!! Ayaw po ata nung kapre na may duyan sa bahay niya!"
Iyak ako ng iyak. Tumingala ako at nakita ko ang bundok na matagal ko ng gustong maabot ang tuktok, na malakas na umuuga. Parang gusto nya ng umalis at lumipat ng pwesto. Lalo tuloy akong umiyak. Dali-daling lumabas si mamay sa kubo. Lumapit siya sa akin at pinuntahan ako.
Habang pinapahid niya sa aking mukha ang kanyang kamay, sabi niya...
”Aking apo, ito ang tatandaan mo. Sa tuwing lumilindol at pakiramdam mo ay natatakot ka na, isipin mo lang ako. Isipin mo na inuugoy ka lang ni mamay sa duyan nang malakas na malakas, para maabot mo yung tuktok ng bundok.”
Eh dahil nga gustong-gusto kong makaabot ng tuktok ng bundok kahit isang beses man lang, ayun.. Inilagay ko na sa isip ko ang sinabi ni mamay.
Naisip ko lang ha, pumatok pala sa akin yung sinabi na yun ni mamay. Kaya pala di ako affected dun sa balita. Doon sa duyan ni Mamay, nagkaroon ako ng kapayapaan sa puso ko sa tuwing may mga ganoong pagkakataon.
At dahil din doon sa duyan ni mamay, natuto akong huwag magpadala basta-basta sa aking takot dulot ng anumang malakas na pagyanig sa aking buhay....
Nagising ako bigla!
Flashback lang pala ang lahat ng iyon kanina. Namumugto pa yung mga mata ko. At ang bilis din ng tibok ng puso ko.
Ang lakas ng ugoy ng duyan ah.
Nakakahilo.
Parang yumayanig muli ang lupa.
Tumingala ako ng bahagya.
Nakita ko sa may dulo ng duyan si mama, ”Hoy Joy! Nakahilata ka pa diyan sa duyan. Di ka pa nagsasaing. Tumayo ka na.”
Ay naku. Akala ko naman lumindol ulet. Lumilindol lang pala ng utos ni mama...
--Pero salamat sa aking lolo. Kahit anong pagyanig ang maranasan ko sa aking buhay, ang tanging gagawin ko lang ay panghawakan ang mga sinabi niya at kakapit ako ng mahigpit. Pilit aabutin ang tuktok ng tagumpay, at di malalaglag sa malakas na ugoy, DOON SA DUYAN NI MAMAY...
BINABASA MO ANG
Doon sa Duyan ni Mamay
Novela JuvenilLahat tayo ay mayroong di makakalimutan na karanasan mula sa ating pagkabata. May mga alaala na masarap balikan. May ilan naman na pilit nating kinakalimutan... Pero hindi maaaring hindi ka natuto sa mga ito... Marahil ito pa nga ang naghubog sa kun...