"So much for summer love and saying "us"
'Cause you weren't mine to lose
You weren't mine to lose, no."
August | Taylor SwiftAng isang beses na pagtakas nating 'yon, paulit-ulit na nangyari.
Itatakas mo 'yung motor ng pinsan mo kahit pa alanganing oras na sa gabi o madaling araw, tapos dadaanan mo 'ko sa may labas ng subdivision namin.
Kapag umaga naman, pilit mo 'kong isinasama sa mga lakad niyo ng mga pinsan mo.
Kakaiba ka nga talaga. Dahil kasi sa'yo, natuto akong makipagkaibigan. Akala ko kasi wala talagang makikipagkaibigan sa mga katulad kong kung tawagin sa school ay patpatin, payatot o 'di kaya naman ay bulol, utal, weirdo, nerdy at kung ano-ano pa.
Ikaw lang yung nakita kong nakatitingin nang deretso sa mga mata ko na walang halong pangungutya o kahit anong negatibong pagtingin sa mga katulad kong naiiba sa karamihan.
Ikaw lang 'yung kahit hindi pa ako lubusang kilala ay nagtiwala sa'kin. Naaalala ko nga, paulit-ulit mong sinasabi noong mga panahong 'yon, "Makakahanap ka rin ng mga true friends. Minsan nga kahit hindi mo sila hanapin, dumarating sila. Ah, basta! Magtiwala ka lang, hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para sa ibang tao, ha? Tandaan mo 'yan. Tatanggapin ka nila kung tunay silang kaibigan."
Kung naging mas observant lang sana ako noong mga sandaling 'yon, napagtanto ko nang hanggang kaibigan lang pala talaga tayo at hindi na hihigit pa.
Isang linggo ang lumipas.
Isang linggo na mula nang huling beses mong itinakas ang motor ng pinsan mo para sana sunduin ako sa may labas ng subdivision namin. Isang linggo na mula nang huling beses kong narinig ang boses mo at nakita ang matamis mong ngiti . . . pati na rin ang blue-green mong buhok. "Isang linggo na, umalis ka na ba? Hindi ka man lang nagpaalam?" gusto kong itanong sa'yo. Gusto kong isigaw . . . kung ano man 'yung kakaibang nararamdaman ko.
Hindi ko namalayang nakarating na pala ako sa bahay ng pinsan mong may-ari ng motor.
Naroon siya. Naroon din nga ang motor na madalas nating kasama sa mga kahanga-hangang lugar at tanawin na narating at nasaksihan natin.
"U-Uh, nasaan si . . . uh--"
"Pinsan ko ba ang hinahanap mo?" awtomatikong napaangat ako ng tingin nang marinig 'yon.
Simpleng tango lang ang naisagot ko.
"Umalis na siya, p're! Sinundo na ng boyfriend niya, enrollment na kasi nila eh. Baka sa susunod na summer na lang ulit siya bumalik dito."
Doon lang ulit sumagi sa isip ko na nagbakasyon ka nga lang pala. Hindi ka dumating para manatili at lalong hindi ka sa'kin para isipin at piliin mong manatili.
BINABASA MO ANG
Never Forgotten
Short Story[Completed, An entry to RomancePH Contest entitled Remembering November Love] "There are too many kinds of love-from great to mediocre, painful to joyful, young to mature, risky to safe, most-awaited to unexpected-but ours was the one that will neve...