Prologue

11 1 0
                                    

Tahimik niyang pinagmamasdan ang karagatan habang pinakikiramdaman ang lakas ng hangin sa kaniyang balat. Kasalukuyan siyang sakay ng isang Super Ferry Shipping Line patungong Maynila. Unang beses pa lamang niyang bumiyahe nang mag-isa. Muli niyang itinuon ang paningin sa hawak niyang diary. Diary ito ng nanay niya kung saan nakasaad kung paano nito nakilala ang tatay niya. Sa katunayan ay ilang beses na niya iyong binasa kaya halos memoryado na ng isip niya. Dismayado lang siya dahil hindi nito binanggit sa diary ang pangalan ng tunay niyang ama. 

Naikuyom niya ang kamaong kipkip ang diary. Walang habas na itinapon niya iyon sa kailaliman ng dagat. Doon muling bumuhos ang mga luha niya. Masaya nang namumuhay ang kaniyang inang si Ysabelle sa piling ng bago nitong asawa at dalawa pang anak. Minsan na niyang nakilala ang asawa nito nang mamanhikan ang mga ito sa probinsiya nila ilang taon na ang nakalilipas.  Samantalang maliban sa mga larawang ipinadadala ng ina ay hindi pa niya nakikilala nang personal ang mga kapatid na sina Jessa Mae at Jasmine. Bitter na kung bitter. Mabuti pa sila. Isa nang masaya at buong pamilya. Samantalang siya naman ay miserable at nag-iisa.

Iniwan na siya ng abuela na nag-aruga at nagpalaki sa kaniya. Kaya nga napilitan siyang makipagsapalaran sa Maynila. Ayaw sana siyang payagan ng kaniyang tiyahin ngunit hindi siya nagpapigil. Ayaw rin naman niyang maging pabigat dito. Naging katuwang ito ng kaniyang abuela sa pagpapalaki sa kaniya. Batid din niyang mabigat ang loob sa kaniya ng asawa nito kaya ayaw na niyang magtagal pa sa poder nito. 

Pansamantala muna siyang titira sa ina at kapag nakahanap na siya ng trabaho at malilipatan ay aalis rin siya sa bahay ng mga ito. Wala siyang planong mag-ala-Cinderella sa poder ng mga ito. Alam niyang marami siyang mahirap na pagdadaanan ngunit batid niyang makakaya niya anuman ang mga iyon. 

Muli niyang itinuon ang paningin sa katahimikan ng karagatan at sinamyo ang hangin sa kaniyang baga. Mamimiss niya ang tabing dagat kung saan siya lumaki dahil wala noon sa siyudad na kung saan nagtataasan at nagtatayugang mga building ang tanging makikita. 

Nabaling ang pansin niya sa isang binatilyong umahon mula sa dagat. Napailing na lamang siya nang makitang nakipag-appear ito sa mga kasamang binatilyo. Tila yata pinagkatuwaang subukan ang lalim ng karagatan. 

Napaingos siya. "Akala mo naman bubuhayin siya ng mga pating pag nagkataon!", bulong niya sa sarili. 

Pumihit na siya at humakbang pabalik sa kaniyang deck. Kailangan niya nang maghanda dahil malapit nang dumaong ang sinasakyang barko sa pier. At natitiyak niyang naroroon na ang ina upang sunduin siya. At matapos nga ilang sandali ay naroon na sila. Isa-isa nang bumababa ang mga pasahero. Isang bagpack, isang maliit na travelling bag at isang sling bag lang naman ang mga dala niya. 

Naglalakad na siya palabas ng pier ngunit napahinto rin nang makita muli ang binatilyong umahon sa dagat. At hindi niya inaasahan ang pagsasal ng puso niya nang makasalubong ang paningin nito. Ngumiti lang ito sa kaniya bago ito tuluyang lumulan sa isang kotse.

Nang mawala na ito sa paningin niya ay bumaling na siya sa entrada ng pier. Kaagad naman niyang nakita ang inang kumakaway kasama ang asawa nito. Mabilis siyang lumapit sa mga ito. 

Agad siyang sinalubong ng yakap ng ina. "Dalaga ka na, Shy!"

Hinalikan niya ito sa pisngi at nagmano sa amain. "Kumusta po?"

"Ikaw ang kumusta anak?", balik tanong ni Benjie bago kinuha ang travelling bag at bagpack niya. 

Naglakad na sila palapit sa owner-type jeep nito. "Mabuti naman po. Nakakapanibago lang.", matapat niyang sagot. 

Sumakay na siya sa likod habang ang ina ay sa passenger seat naupo at ito naman sa driver's seat. Bahagya siya nitong tiningnan sa rearview mirror. "Ngayon lang yan, Shy. Masasanay karin pag nagtagal.", anito at binuhay na ang makina.

SWEET BLUE KISS (Bouquets and Garters Series Book Eight)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon