Chapter 1

4 1 0
                                    

Sasama na sana si Shy sa mga kaibigan patungong simbahan kung saan ikakasal sina Amor at Timothy. Ngunit naisi niyang magpaiwan muna dahil gustong-gusto na niyang makita ang bride. Naglalakad na siya sa pasilyong patungo sa silid nito nang may maulinigan siyang galit na galit na boses ng isang babae kaya saglit siyang napahinto. 

"Siguraduhin mong hindi ka papalpak, Arturo!", singhal nito ngunit wala naman siyang narinig na tugon mula sa kausap nito. "Tiyakin mong maililigpit mo ang pamangkin kong si Amor! Dahil kung hindi, magtago na kayo ng pamilya mo."

Nanlaki ang mata niya sa narinig at agad na tinakpan ang sariling bibig nang sa gayon ay hindi siya nito agad marinig. Dahan-dahan na rin siyang naglakad paatras sa pinanggalingan niya. Nang makalayo sa pinto ng silid na iyon ay dali-dali siyang tumakbo palabas ng hotel. Kaagad niyang dinukot ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang isang taong kailangan sa mga ganitong sitwasyon.

"Nasaan ka?", bungad niya hindi pa man nakakasagot ang nasa kabilang linya.  

"Nasa simbahan na!", sagot nito na lalong ikinalakas ng kabog ng dibdib niya. 

Sa takot na makita siya ng kung sinuman ay nagtago siya sa likod ng malaking puno. "Bumalik ka dito sa hotel. Amor is in danger.", walang paligoy-ligoy niyang saad.

"What? Sigurado ka ba?", tila hindi makapaniwalang tugon nito.

"Oo. At huwag kang magpahalata na may panganib at tiyak na magkakagulo."

"Alright! I'll be there! Wait for me. Do you have with you your props?", pag-iiba nito.

"Oo!", maingat niyang sagot at mataman niyang pinakinggan ang instructions nito sa gagawing pagligtas kay Amor. 

Maya-maya pa'y natatanaw na niya ang bridal car kung saan nakalulan ang kaibigan. Pinara niya ang naturang sasakyan. Huminto ito sa tapat niya at nakita niyang ibinaba ni Amor ang salaming bintana. Hindi talaga siya nito makikilala dahil sa suot na silicon mask.

"Pasensya na po ma'am! Pwede po bang makisabay papuntang simbahan?", saad niya. "Naiwan po kasi ako ng service van namin!"

"Sure!", walang pagdadalawang isip na tugon nito. Kahit kailan talaga itong kaibigan niya. sobrang bait kahit hindi kakilala ay handang tumulong.

"Salamat po!", aniya at umupo sa passenger seat.

Limang metro na lamang at naroon na sila sa simbahan kaya naman lihim niyang kinapa ang loob ng bag at pinatunog ang kaniyang cellphone na may tone ng isang timer ng activated bomb.  Naalarma naman ito kaya naman tila dahil sa nararamdamang adrenaline rush, binuksan nito ang pinto sa backseat. Kitang-kita niya kung paano nito pinunit ang trahe de boda at walang pag-aalinlangang tumalon palabas ng sasakyan. 

Paglabas ng kaibigan ay agad naman niyang hinampas ang batok ng driver kaya nawalan ito ng malay. Nagpagewang-gewang ang sasakyan ngunit naagapan niya ang manibela. Maya-maya pa ay dumating na si Blake. May inihagis ito sa backseat at hindi na niya nabistuhan ang bagay na iyon dahil kaagad siya nitong hinila palayo doon. Nang makalayo ay narinig na lamang nila ang malakas na pagsabog niyon. 

" Balikan natin si Amor!", kaagad niyang baling dito.

"No need. She's in good hands.", makahulugang saad nito.

Nagbalik sa kasalukuyan ang isip ni Shy. Kapag talaga minsan sa kaniyang pagpapahinga ay naaalala niya ang kaibigan. Iniisip niya kung saan na ito naroroon at kung kumusta na kaya ito. Namimiss na niya ito ngunit hindi niya mapaamin si Blake kung saan naroon ang kaibigan. Wala rin silang ibang pinagsabihan sa totoong nangyari dito at kung sino ang may pakana. Ilang taon na ang nakalilipas at wala pa rin sapat na ebidensya laban sa tiyahin ni Amor. At oras na malaman nito na may kinalaman sila ni Blake sa pagpeke ng kamatayan ni Amor, natitiyak niyang idadamay nito ang mga inosenteng kaibigan. 

SWEET BLUE KISS (Bouquets and Garters Series Book Eight)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon