Pilipinas Noon, Ano na ngayon?
Napapansin mo ba ang mga pagbabago na nagaganap sa iyong kapaligiran? Alam mo ba ang kaibahan ng noon, sa ngayon? Tunay ngang malayo na ang narating ng tao sa iba't-ibang aspeto. Ang teknolohiya, siyensiya, medisina at iba pa noon ay malayong-malayo na kung ikukumpara sa ngayon. Gayundin ang pananampalataya, kaugalian, paniniwala, kasabihan at iba pang lumang nakagawian nang mga tao ay nag-iba na rin sa kasalukuyan. Halina't tukuyin natin ang mga pagbabagong naganap sa mga nakalipas na taon. Maganda ba ang naidulot nito? O mas lalo lamang pinahihirap ang Pilipinas? Pilipinas noon, ano na ngayon?
Unahin natin sa aspeto ng teknolohiya. Kung noon, mahalagang bagay sa isang indibidwal ang tinatawag na pribadong buhay. Ngayon, Halos lahat na ng mga tao, lalo na ang mga kabataan ay ibinabahagi ang bawat kilos, galaw at lugar na pinupuntahan nila sa pamamagitan ng facebook, twitter, blog at iba pa. Noon, silid-aklatan at Encyclopedia ang nagsisilbing gabay ng mga estudyante sa paggawa ng kanilang mga takdang-aralin at iba pang dokumento na kailangan sa eskwelahan. Ngayon, isang pindot lamang sa kompyuter ay marami ng impormasyon na lalabas na maaari mong pagpilian.Hindi ba't ang layo ng pagkakaiba ng Noon at Ngayon pagdating sa teknolohiya? Sa panahon ngayon, naging madali ang paghahanap ng impormasyon na kailangan sa ating pang-araw-araw na buhay. Hindi rin maikakaila na malayo na ang narating ng ating teknolohiya sa larangan ng komunikasyon. Kung dati ay kailangan pang magpadala ng sulat na aabutin ng ilang araw upang maihatid ang mensahe na nais sabihin sa isang tao ngayon, ilang segundo lang ang kailangan upang mabasa o malaman ng isang tao ang nais mong sabihin sa kanya sa pamamagitan ng cellphones at kompyuter.
Dumako naman tayo sa aspeto ng pananampalataya, kaugalian, paniniwala, at kasabihan. Noon, ang pananamit ng mga kababaihan ay konserbatibo. Ngayon ay kabaliktaran na, mayroon pa rin namang mga kababaihan na konserbatibo ngunit iilan na lamang dahil karamihan ay liberated na kung tatawagin. Noon: Ang tattoo sa katawan ay iniuugnay lamang sa mga preso o dating preso. Ngayon: Ang tattoo sa katawan kahit anong itsura ay itinuturing na sining. Noon: Ang tubig na galing sa gripo ay maaaring inumin dahil ito ay malinis. Ngayon: Ang tubig na galing sa gripo ay hindi na maaaring inumin sapagkat maaari tayong makakuha rito ng iba't-ibang sakit. Isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ligtas inumin ang tubig sa gripo, ay sa kadahilanan na ang mga likas na yaman natin gaya ng tubig ay naaabuso na ng karamihan sa mga tao kaya't ito ay dumudumi. Noon, ang pagmamano, pag-gamit ng po at opo ay pangkaraniwan lamang sa mga kabataan. Ngayon, ang pagmamano, pagsasabi ng po at opo ay bihira na lamang sa mga kabataan. Kailangan pang sabihan ng mga magulang upang maalala nila na dapat nila itong gawin sa lahat ng pagkakataon. Noon, malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang mga magulang na isang sutsot pa lang ay agad na tumatalima ang anak. Pero ngayon, halos wala ng galang ang mga anak sa magulang dahil kahit anong gawing saway ng magulang sa anak ay hindi pa rin ito sumusunod.Kung noon ay pilit na ikinukubli ng mga kalalakihan ang kanilang pagkabading. Ngayon, bata pa lamang ay naglaladlad na. Ang mga Pilipino noon ay ipinagmamalaki ang likas at taglay nilang kulay kayumanggi. Ngunit ngayon, maraming Pilipino ang nais pumuti kaya kahit gaano pa kamahal ang mga produkto na pampaputi ay tinatangkilik pa rin ang mga ito. Noon: Halos bawat kanto ay may pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa. Ngayon: Bihira na lamang makakita o makarinig ng pabasa o pasyon tuwing sasapit ang panahon ng Semana Santa ngunit kahit na ganoon ay marami pa ring mga Pilipino ang nagpepenetensya sa iba't-ibang paraan. Noon: Napakahalaga ng buhay para sa isang tao. Kaya't minsan ay umaabot sa punto na isusugal at isasakripisyo ng ina ang sarili niyang buhay para lamang sa kaligtasan ng anak. Ngayon: Ayon sa pag-aaral ay dumarami na ang kaso ng aborsyon sa mga nakalipas na taon patunay lamang ito na marami sa mga nagbubuntis ang hindi natatakot na kumitil ng buhay lalo na ang mga tao na naglalaglag ng bata. Kahit pa sabihin na siya ay batang ina, hindi pa rin ito dahilan upang ipalaglag niya ang bata sa kanyang sinapupunan.
Tunay ngang marami na ang nagbago sa Pilipinas sa mga nakalipas na panahon. Patunay lamang ito na totoo ang kasabihan na "Walang permanente sa mundo, kundi ang pagbabago." Ang mga pagbabagong ito ay may maganda at hindi magandang naidulot sa mga Pilipino. Halimbawa na lamang sa teknolohiya, ang magandang dulot nito ay mas napapadali ang pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Mas mabilis na ang pakikipagkomunikasyon sa mahal mo sa buhay na nasa malayo. Mas mabilis na rin humanap ng impormasyon na makakatulong sa pag-aaral ng mga kabataan. Ngunit sa kabila ng mga magagandang dulot nito ay mayroon din itong hindi magandang epekto. Unang-una na rito ay sa pangkalusugan, dahil sa lubos na pagkahumaling sa paggamit ng kompyuter, hindi na nasusunod ang tamang oras ng pagkain, hindi na rin nakakapaglaro ng mga larong kalye ang mga kabataan kung kaya't sila ay hindi pinagpapawisan, hindi na rin sila naaarawan dahil sa lagi na lang sila nasa loob ng bahay at nagkokompyuter. Ang mga bagay na ito ang nagiging dahilan ng paghina ng resistensya ng mga kabataan na nagiging dahilan ng pagkakasakit. Dahil rin sa palaging nakatutok ang mata sa kompyuter nagiging dahilan ito ng unti-unting paglabo ng mata kahit na bata pa lamang. O diba! Dahil sa ang pagbabago ay hindi mawawala, dapat lamang na marunong magkontrol ang bawat isa, dapat nating alamin ang ating mga limitasyon ng sa gayon ay hindi maabuso ang mga pagbabago na nagaganap sa ating paligid. Sapagkat hindi ang sitwasyon ang magbabago para sa atin, kundi tayo ang magbabago ng sitwasyon. Ano na nga ba ang Pilipinas ngayon? Pilipinas pa rin ba dahil ito ang kanyang ngalan o Pilipinas pa rin dahil sa kanyang natatanging pagkakakilanlan? Kayo na ang bahalang humusga kung ano na nga ba ang Pilipinas sa ngayon.
BINABASA MO ANG
Essay
RandomSchool Requirement also :) I just post it to share XD Random Thoughts ^_^V Hope You Like it <3