Kabanata V

18 5 11
                                    

Papasok na sana si Adelia ng bahay nang marinig ang usapan ni Aling Mina at Raquel. Sumandal na lang siya sa gilid ng pintuan habang hinihintay na matapos ang pag-uusap ng dalawa.

Naulinigan niyang tinanong ni Aling Mina ang kanyang bisita. "Ano ba kasing ginawa mo?"

"Si Aling Mina naman oh, akala ko po kasi magnanakaw siya. Ba't po kasi ganun din yung kulay ng bayong na pinadala niyo yan tuloy," pagrarason ni Raquel.

"Ah, kasalanan ko pa." Napatawa ng kaunti si Aling Mina at narinig ni Adelia ang paghampas nito kay Raquel sa braso mula sa loob ng bahay.

"Aray," sigaw ni Raquel, "ba't kayo namamalo?"

Pagkatapos nito, agad siyang pinagsabihan siya ni Aling Mina. "Ayusin mo nga yang ugali mong ganyan, sugod ka nang sugod kaagad hindi ka man lang nag-iisip. Masuwerte ka, mabait yung tao kung ako yan malamang nakalbo ka na ngayon."

Hindi namalayan ni Adelia ang maliit na ngiting nabuo sa mga labi nito pero agad niya itong tinanggal. Ito ang kauna-unahang beses na narinig niya ang mga salitang 'yun sa iba, maliban na lang kay Kaloy. Gumaan ang loob ng dalaga sa narinig, hindi niya ito maikakaila.

Samantala, sa loob naman ay tuloy ang panunukso ni Raquel kay Aling Mina. "Idol ko po kasi kayo eh," depensa ni Raquel sa sarili.

"Ikaw talaga!" Pambabara sa kanya ni Aling Mina.

"Biro lang po," sagot ni Raquel habang pinipigilan ang tawa.

"Ay oo nga pala, sabihin mo sa kaibigan mong bumisita dito bago siya lumuwas pa-Maynila," paalala ni Aling Mina.

Dahil mukhang mapapahaba pa ang usapan ng dalawa, napagdesisyunan ni Adelia na pumunta muna sa baybayin para maghintay. Dahil malapit nang magtanghali, medyo mahapdi na ang sikat ng araw sa balat kaya wala gaanong tao dito maliban sa kanya. Umupo si Adelia sa buhangin habang pinagmamasdan ang bughaw na dagat.

Hindi niya pa tuluyang matanggal sa sistema niya ang takot at kabang naramdaman kanina nang mahulog ang kuwintas. Kapag nasira ito, magiging balewala ang napakatagal niyang paghahanap at paglalakbay.

Kinuha niya ito mula sa kanyang bulsa at sinuri ng maigi. Mabuti naman at wala itong kahit maliit na basag, napigtas nga lang ang manipis na tali nito kaya kailangang palitan ng bago. Siguro pwede siyang makahanap ng mas maayos na pantali.

Ikinuyom niya ito sa kanyang kamay at naglakad siya pabalik ng bahay. Pagkarating nito ay nakasalubong niya si Raquel papalabas ng pintuan.

"Uy," bati ni Raquel sa kanya na napatingin sa nakakuyom na kamay ni Raquel.

"Ako na lang mag-aayos diyan," sinubukang abutin ni Raquel ang tali ng kuwintas pero mabilis itong ibinalik ni Adelia sa bulsa.

"Hindi na," pilit na ngumiti si Adelia. "Salamat."

"Sige," mahinang sabi ni Raquel. Naging malungkot ang mukha niya nang kumaway para magpaalam bago ito tumalikod at naglakad pauwi.

Nang tuluyan nang makaalis si Raquel ay napasandal ulit sa pader si Adelia at hinigpitan ang hawak sa kuwintas bago ito pumasok ng bahay.

Kinabukasan ay nagkaroon ng oras si Adelia para bumalik sa sakahan kung saan niya unang naramdaman ang pagdagungdong ng lupa.

Sa mga nakalipas na araw, lagi niyang sinusubukang dumaan dito pero kinailangan niyang tuparin ang mga napagkasunduang obligasyon sa bahay kaya hindi siya nakabalik dito kaagad.

Sumilong ulit siya sa puno ng akasya sa pagbabakasakaling makakaramdam siya ulit ng mga malakas na pagpadyak sa lupa. Sumandal siya sa puno habang pinagmamasdan ang kaunting sasakyan na dumadaan. Sa paligid, nangingibabaw ang kulay berdeng kapatagan dahil sa mga malawak na mga pananim at banayad ang simoy ng hangin.

When the Tide ComesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon