Kabanata IX

10 2 0
                                    

"Huwag muna! Manonood pa ako," sagot ni Raquel.

Agad pumunta ang dalaga sa gilid ng bakuran upang panoorin nang mas malapit ang seremonya samantalang napailing naman si Diego at sumandal sa pader malapit sa bukana. Ilang saglit lang ay naglakad ito palabas pero bigla rin itong huminto at bumalik sa kinalalagyan, tila kinukuwestiyon ang sarili.

Pumuwesto si Adelia sa tabi niya at pinilit ang sariling manood, gustuhin man ng dalawa niyang paa na maglakad papaalis ay pilit niya itong idinikit sa lupa. Hindi siya nagpunta rito para lamang hayaan ang sariling mapangunahan ng takot o pagdududa, pinaalalahanan niya ang sariling kailangan niyang manatili.

Kailangang may mapala siya rito kahit papaano, para na rin makabawi sa oras niyang nasayang. Mga oras na ilang taon na niyang sinayang.

Pagkatapos ni Raquel ay sumunod na rin sana ang lolo ni Diego paalis nang bigla siyang tinawag ni Adelia upang magtanong.

"Kailan ko po pwedeng makausap si Ka Tiago?"

"Abala siya ngayon," itinuro ng matanda ang pinuno na abala sa pag-aasikaso ng sigahan ng apoy, "pero huwag kang mag-alala, pagkatapos nito dadalhin ko siya papunta sa'yo." Nagpaalam ang lolo ni Diego at naglakad palayo upang asikasuhin ang susunod na bahagi ng pagtitipon.

Naiwan si Diego at Adelia sa katahimikan, maliban sa paulit-ulit na pagtapik ng paa ni Diego sa pader habang nagsimula nang kumalma ang mga tao sa bakuran. Nagsama-sama na ulit malapit sa rebulto at lumuhod sa palibot nito.

"Gusto mong sumama dito?" Pasimpleng itinuro ni Diego ang mga taong nagsisimula nang maghanda para sa susunod na bahagi ng seremonya. Nagtali ng puting bandana sa ulo ang pinuno, si Ka Tiago, at pumuwesto naman sa tabi nito ang lolo ni Diego. Pareho silang tumayo sa harapan ng nagbabagang apoy.

"Hindi," simpleng sagot ni Adelia nang hindi iniaalis ang paningin sa bakuran.

"Okay." Tumango na lang si Diego at ibinaling na rin ang atensiyon sa nagaganap.

Wala nang nagsalita sa kanilang dalawa nang magsimula ang susunod na bahagi ng seremonya. Nagsimula na ang pagsusunog ng mga dalang mga prutas, bulaklak at palay bilang alay sa diwata.

Sabay sa bawat tunog ng isang tambol ay isa-isa nila itong itinapon sa nagbabagang apoy, samantalang ang mga dalang pera kasamang sa mga inalay ay inilibing ng dalawang lalaki sa lupa malapit sa paanan ng diwata.

Nangibabaw ang huni ng ilang ibon na nagmamatyag din sa mga sanga ng mga puno sa palibot ng bahay, at sa kabilang banda ay mas lumiwanag ang apoy sa harap ng diwata at mas nagningning ang mukha nito. Nang maialay na ang pinakahuling regalo ay umatras ng ilang hakbang ang lahat at yumuko. Naging tahimik ang lugar, maliban sa pagpagaspas ng mga puno sa tuwing dumadaan ang hangin.

Pati si Adelia ay nagsimula ring tumawag sa diwata, umaasang maririnig nito ang mensaheng matagal na niyang nais iparating. Ipinikit niya ang mga mata at yumuko. Tinanggal niya ang suot na tsinelas at ipinatong ang dalawa nitong kamay sa lupa, naghihintay ng kahit anong sagot. Isang tapik, isang ugong, o siguro ay kahit isang bulong.

Malapit na ako. Magkakaroon ng bagong simula. Ito ang mensahe ng dalaga.

Pikit-mata niyang ipinadala ang panalanging ito nang paulit-ulit. Sana ay marinig. Baka sakaling marinig. Subalit, nanatiling tahimik ang lupa gaya ng kanyang inaasahan.

Pagkatayo ni Adelia ay binuksan ang ilang ilaw sa bakuran. Grupo-grupong nagkumpulan ang mga tao habang may inilabas na mahabang mesa mula sa loob ng bahay kung saan isa-isang nagpatong ng pagkain ang ilan sa kanila.

Nagsimula na ring maglatag ng mga tela ang mga tao sa palibot ng estatwa bago sila pumila para kumuha ng pagkain. Nasulyapan ni Adelia si Raquel na dali-daliang kumuha ng mga kubyertos at kumuha ng pagkain. Aalis na rin sana si Diego nang bigla siyang tinawag ng lolo niya papunta sa lamesa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 21, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

When the Tide ComesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon