ᜁᜃᜎᜊᜒᜅ᜔ ᜇᜎᜏᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ikalabing-dalawang KabanataNagising ako sa isang papag sa loob ng isang hindi pamilyar na kubo. Tumingin ako sa bintana at natanaw ang kahel na kulay na kalangitan.
Palubog na pala ang araw. Kinusot ko ang aking mata at sinuri ang paligid. Hinawakan ko ang aking magkabilang balikat sa magkasalungat na direksyon upang takpan ng aking braso ang aking dibdib dahil bahagya akong nilalamig sa tindi ng simoy ng hangin. Napansin ko ang ilang pirasong dahon na nakatapal sa aking balikat, at nang diniinan ko ang pagdampi dito ay nakaramdam ako ng sakit.
Kinagat ko lang ang aking labi upang mapigilan ang aking pag-aray.
Nasaan ako?
Maliit lang ang kubo. Tumayo ako mula sa papag at tumanaw sa bintana. Nasa gitna pala ito ng kagubatan.
Dumaan sa aking isipan ang mga tao sa nayon, si Luwad, ang mga manananim at mga mangingisda, at ang iba pang mga mamamayan na tinuring akong kapamilya. Ang isa sa pinakalubusan kong inaalala ay si Adamin na aking kapatid. Wala akong malay kung nasaan siya sa mga oras na ito, o kung nasa maayos ba siyang kondisyon. Wala akong magawa kun'di idinasal ko sa mga diyos ng kalikasan at kalangitan ang hangarin na kaligtasan para sa kanila.
Maya-maya lang ay may kumatok sa pinto ng kubo.
"Sino yan," tanong ko sa kumatok.
Dahan-dahan akong lumapit sa pinto. Hinintay ko ang kaniyang tugon ngunit kumatok lang ito muli. Inulit ko pa ang tanong at naghintay muli ng tugon.
"Ako 'to si Adang Mata, kamahalan. Kung natatandaan niyo po kanina, ako yung binati ni pinuno habang kasama ka niya patungo sa lawa."
Matanda ang kaniyang boses. Oo, natatandaan ko nga siya. Dahil doon ay pinagbuksan ko siya ng pinto at nakita siya na may hawak na palayok habang nakangiti sa'kin, tulad ng ekspresyon na pinakita niya sa'kin kanina.
Sa kaniyang kulubot na balat, madaming nakaguhit na tinta na sumisimbolo sa iba't ibang elemento sa mundo. Tradisyonal din ang kaniyang kasuotan habang punong puno siya ng iba't ibang alahas na gawa sa ginto at tanso.
"Dinalhan kita ng makakain. Hindi mo kasi naabutan yung tanghalian. Medyo malamig na yung ulam sa palayok. Nais niyo po bang initin ko ito para sa inyo, kamahalan?"
Umiling ako. "Hindi na kailangan. Salamat sa pagkain," simple kong tugon.
"Kung ganoon ay hahayaan nalang po kita dito sa aking balay. Lalabas po muna ako saglit upang kayo po ay mapag-isa sa hapunan," aniya at inilapag ang palayok sa papag kasama ang kahoy na mangkok at kutsara, saka umalis.
Nilapitan ko ito at binuksan. Umalingasaw ang mabangong amoy ng lutong gulay. Ngunit may bagay na bumagabag sa akin at hinabol ang matanda sa labas upang tawagin.
"Sandali!"
Wala pa siya sa malayo ng maabutan ko siya. Mga ilang hakbang lang ang aking tinungo palabas. Lumingon si Adang Mata sa'kin at yumuko.
"Ano pa po ang kailangan niyo, kamahalan."
"Sabayan mo 'ko sa pagkain. May nais akong malaman mula sa'yo."
Tumango ang matanda at lumapit sa balay. Pagpasok namin ay hinihintay ko siyang kumuha ng mangkok upang sabayan ako sa pagkain ngunit hindi niya ito ginawa. Pareho lang kaming nakaupo sa papag, samantalang ako lang ang may hawak na pinggan.
Kumuha ako ng sapat na dami ng lutong gulay at inilagay ito sa aking mangkok. Sa pangalawang pagkakataon ay inalok ko siya ulit na sumasabay sa'kin sa pakain ngunit humalakhak lang siya ng bahagya at umiling.
BINABASA MO ANG
Bihag Ni Dakum [BxB, SPG] (COMPLETED) ✔️
RomantikWARNING: LGBTQ+ Theme, R-18. Read in your own responsibility. Sa alitan ng dalawang nayon, ang pinunong si Aparo ay hindi ninanais ang magsimula ng gulo. Ang balak na pakikipag-ayos ay naging hindi inaasahang away mula sa pinuno ng karatig-nayon na...