ᜁᜃᜇᜎᜏᜋ᜔ᜉᜓᜆ᜔ ᜁᜐᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ikadalawampu't Isang KabanataBABALA! Maselang eksena. Slight.
---
Sa kalagitnaan ng tanghali ay biglang nagpulong lahat ng kawal sa sentro ng nayon. Lahat sila ay maayos na nakapulutong habang tuwid na nakatayo, kahit pa ang bagsik ng init, nananatili pa rin ang kanilang tuwid na tindig.
Karamihan sa kanila ay pinagpapawisan na dahil sa alinsangan. Mukhang nais ni Dakum na madaliin ang kanilang pag-eensayo upang matangumpay na sagupain ang paparating na puwersa ni Tarim.
Nasa harap kami ni Dakum. Katulad din nila ang aming nararanasan. Pasimple kong pinapahid ang aking pawis dahil sa totoo lang ay pagpapakita ito ng kawalan ng disiplina habang nakapuwesto sa hanay.
"Pinaalalahanan tayo ni Tarim na lulusob siya kasama ang kaniyang mga kawal dito, pagdating ng bukang liwayway. Lahat kayo ay inaatasan kong magsanay para sa labanan," aniya gamit ang malakas at malalim niyang boses. Sobra talaga ang pagkakaiba namin ng katangian. Masasabi mo talaga na siya ang dominante sa pagitan naming dalawa. "Marahil alam niyo na ang dahilan kung bakit niya ito nais na simulan. Kalat na ang balita na pinatay ko si Lineya. Ipagdarasal ko sa mga diyos ng kalangitan na gabayan kayo sa darating na digmaan. Galingan niyo."
"Opo. Masusunod po, pinuno," sabay-sabay nilang sabi.
Hindi ko akalain na ganito sila kadisiplina sa pagsasanay. Samantalang hindi ko masyadong pinaghahanay ang mga kawal ko sa aking nayon, sapagkat nais kong ituon nila ang pansin sa pag-atake.
"Aparo, maaari ka nang pumili ng tutulong sa'kin upang atasan sila sa pagsasanay. Masyado silang marami para ako lang ang mamuno," sabi niya sa akin. Nangunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Ang inaasahan ko ay ako lang ang tutulong sa kaniya. "Pagkatapos ay tumungo ka na sa lilim at punasan ang iyong pawis."
"Pero Dakum... sasamahan kita--"
"Hindi... Hindi kita papayagan na sumama sa'min sa labanan. Ayaw kitang masaktan."
Umiling ako sa kaniya. "Walang kwentang dahilan 'yan! Kaya ko, Dakum. Naranasan ko nang maging pinuno ng hukbo. Magtiwala ka naman sa'kin."
"Puwes, magtiwala ka rin desisyon ko para sa'yo. Kakayanin na namin ito ng kami lang," aniya na may paninigurado sa kaniyang tono. "Nais kong tulungan mo si Atalon sa paghahanda ng kanilang mga miryenda, mahal ko. Hindi niya 'yun kakayanin ng mag-isa."
Nabigla ako sa naging tawag niya sa akin. Tama ba ang narinig ko?
Umiling lang ako. Baka guni-guni ko lang ito.
Pinagsadahan ko ng tingin ang buong hanay. Nakapuwesto sila ng tig-siyam kada linya, mga maliliit ang nasa unahan at nasa likod naman ang mga matatangkad. Lumapit ako sa pinakamaliit sa kanila ngunit nanlumo ako nang matanto na mas matangkad pa ito sa akin ng isang dangkal.
Bakit ba kasi hindi ako nabiyayaan ng katangkaran tulad nila. Normal lang naman ang tangkad ko kung ikukumpara mo sa mga tao sa nayon namin. Ngunit dito sa nayon ni Dakum, mukhang lahat sila ay nabiyayaan ng taas.
Namataan ko sina Kalem at Kuro sa likod, isa sila sa mga matatayog na kawal. Diretso lang ang kanilang tingin. Lumapit ako sa harap nila kaya napatingin sila sa akin. Lumingon ako kay Dakum at tinuro silang dalawa.
"Heto. Silang dalawa ang gusto kong tumulong sa'yo."
Likas na bibo ang dalawang ito kaya naman sila ang aking pinili. Ngumiti naman sila sa akin na para bang nasisiyahan sa aking naging pasya. Tumango lang si Dakum mula sa malayo at ngumiti sa akin.
BINABASA MO ANG
Bihag Ni Dakum [BxB, SPG] (COMPLETED) ✔️
RomansWARNING: LGBTQ+ Theme, R-18. Read in your own responsibility. Sa alitan ng dalawang nayon, ang pinunong si Aparo ay hindi ninanais ang magsimula ng gulo. Ang balak na pakikipag-ayos ay naging hindi inaasahang away mula sa pinuno ng karatig-nayon na...