★★★★
Ineng anong nakikita mo?
Dati'y puno ng sigla ang mga brasong ito,
nag-araro't naghukay para sa mga musmos ko,
Ngayoy hindi na maiangat para manlimos sa iyo,
•••
Ineng, anong nakikita mo?
Dati'y maliksing kumilos ang mga paang ito,
lumuhod, gumapang, tumakbo alang-alang sa mga supling ko
Ngayo'y nakayupi, marumi at puno ng kalyo,
•••
Ineng, anong nakikita mo?
Dati'y maaliwalas ang mukhang ito,
natuwa, umiyak at naghinagpis para sa mga anak ko,
Ngayoy gusgusin, kulubot at nakatingala sa iyo,
•••
Ineng, anong nakikita mo?
Dati'y naging matipuno ako,
kumayod at nagpakakuba para sa musmos kong si Ana at Isko
Ngayoy, isang matandang gusgusin at pabigat kahit kanino,
•••
Ineng, nakita mo ba ang mga anak ko?
Tingnan mo, tingnan mo ako,
baka sakaling magtanong sila'y,
maituro mo kung san ako nakapwesto,
•••
Ang sabi nila'y may bibilhin lang,
at akoy maghintay sa'king kinauupuan,
ngunit lumipas na ang ilang buwan,
bakit di pa nila ako binabalikan?
•••
Ineng, pahingi kahit ng ilang sentimo,
kung maari'y piso o sinko,
baka kung sakali'y umabot ang limos ng isang libo,
ay may maibigay ako
sa pagbalik ni Ana at Isko.
★★★★
Para kay tatay na nanglilimos malapit sa mall. Mahal po kayo ng Diyos.