Sixty Four

30 2 7
                                    

Who is Who


Pagdilat ko ay madilim ang paligid pero rinig na rinig ko pa rin ang pagbagsak ng napakalakas na ulan. Maya maya pa ay biglang kumidlat dahilan para mas makita ko kung nasaan ako. Umupo ako at at sumandal sa headboard ng kama. Napansin ko rin ang napakalambot na kumot na nakabalot sa akin. 

Nasa anim na kama ang nakahilera sa kwartong 'to at sa unang kama sa kaliwa ako nakahiga. Mukhang nasa isa sa mga sleeping quarters ng mga bata ako dinala nila Michaella. May ilang laruan rin ang nasa paligid at dahil sa napakalaking bintana na mukhang mula kisame hanggang sahig, kitang kita ko ang pagbuhos ng ulan.

Bigla kong naalala ang oras at nang tignan ko ang suot kong relo ay pasado ala syete na ng gabi. Siguradong nag aalala na sila Mama sa amin. Kinapa ko ang bulsa ko pero wala rito ang cellphone ko. Natanaw ko ang bag ko sa kabilang kama na katabi rin ang bag ni Michaella. Tatayo na sana ako nang biglang dahan dahang bumukas ang malaking kahoy na pinto.

Muling kumidlat at kumulog kaya nakita ko kaagad ang mukha ng pumasok. Kaagad gumuhit ang ngiti sa labi ni Michaella nang makita niya ako. 

"Mabuti naman at gising ka na," bati niya sa akin nang lapitan na niya ako at maupo sa tabi ko.

"Kailangan nating tumawag sa bahay. Baka nag aalala na naman sila."

"Tumawag na ko sa Mama mo. Sinabi ko na na kila Mitzi tayo at noong wala pa sila ay kumuha na tayo ng gamit para sa sleep over. Sinabi ko rin na may group work tayo na kailangan gawin," kalmadong sagot niya.

"At alam naman ni Mitzi na ginamit natin siyang dahilan?"

Tumango siya. "Tinawagan ko siya kaagad at nakibalita na rin ako sa imbestigasyon nila."

"May nakuha ba silang impormasyon na makakatulong sa atin?"

"Hind sila masyadong nakapag interview dahil kay Henry. Alam mo naman na lagi silang magkasama ni Edwardo kaya itong si Edwardo ay walang choice kung hindi ang pakisamahan si Henry para hindi na 'to madamay pa sa ginagawa natin." Kitang kita ko sa mukha ni Michaella ang pagkadismaya.

Sinapo ni Michaella ang noo ko at napabuntong hininga. "Mabuti naman at bumaba na ang temperatura mo. Ang init mo kanina noong hinimatay ka. May naalala ka na naman ba?"

Muli akong napatingin sa bintana. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at mukhang matatagalan pa ito sa pagtila. Kagaya ng iba kong nakitang imahe, malinaw sa memorya ko ang naalala ko kanina. 


Ang pagtakbo sa akin ni Giselle at ang pagtawag sa akin nito ng Kuya.


"Tama si Sister Paloma. May batang kasama si Mama noong inampon nila sila Geraldine at ako ang batang 'yon," sagot ko. "Nakalaro ko silang dalawa bago kami umuwi ng sama sama at totoong hindi lang si Mama ang kasama namin noon."

"Sa tingin mo ba may posibilidad na---"

Tumango ako. "Napakaraming posibilidad ang pwede nating ikonsidera kaya kailangan nating mas mag ingat. Hindi natin alam kung hanggang saan ang kakayahan ng pinaka puno't dulo ng lahat ng 'to."


Natigil ang pag uusap namin nang biglang may kumatok at pumasok ang isang madre na ngayon lang namin nakita. Niyaya niya kaming kumain muna sa cafeteria dahil ipinaghanda kami ni Sister Laura ng makakain. 

Habang kumakain kami sa isa sa mga lamesa sa cafeteria, panay naman ang mga tingin sa amin ng mga batang nakatira dito sa ampunan. May dalawang bata pa nga na nagtanong sa amin kung dito na rin ba kami titira. May ilang mga madre rin ang bumabati sa amin kapag napapadaan sila sa pwesto namin.

Queer The PitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon