Chapter 18: Love and Sacrifices

12 3 1
                                    

"Madalas namang mahal-mo-hindi-ka-mahal ang kwentong naririnig o nababasa ko, pero sa umpisa lang ganun. Sa bandang huli, nagkamabutihan at nagkatuluyan din pala. Ang tanda ko na pero iniisip ko pa rin ngayon kung totoo ba ang happy ending sa fairy tales, o kung totoo ba yung mga nababasa o napapanood ko. Ang sarap lang sa feeling kung nagkakatotoo lahat ng happily ever after. Yung feeling na nagsimula kayo sa pa-sweet-sweet tapos naging kayo na, o kaya yung mga nagsimula sa strangers tapos sa huli sila rin. Meron din yung parang aso't pusa kung magbangayan tapos mahuhulog sila sa isa't isa. Marami pa 'yan. Marami pang kwento kung paano nagsimula ang pag-iibigan ng dalawang taong itinadhana para sa isa't isa!" pahayag ni Sabrina Magsaysay sa book launch ng kaniyang akdang "The Bad Girl's Kryptonite" na nagpatanyag sa kaniya. Nanumbalik sa alaala niya ang ginawang wakas ng nasabing kuwento.

Back to the story...

Dumating ang takipsilim bago ang selebrasyon ng Bagong Taon at nagtungo si Gab sa Maid in Heaven Café upang magpaalam sa kaniyang mga naging katrabaho. Napagdesisyonan kasi nila ng kapatid niyang si Jolens na manirahan na lang sa Maynila upang magamit niya ang scholarship mula sa Nishida School of Bread and Pastry Production. Si Jolens naman ay nanatili sa kanilang bahay upang mag-empake. Sa labas ng naturang café ay nadatnan ni Gab na nakasalampak si Garrett sa ilalim ng punong akasya. Mahimbing na natutulog ang lalaking inakala niyang nanloko sa kaniya. Lumapit siya dito upang mapagmasdan man lang kahit sa huling sandali ang mukha ng taong minsang nagparamdam sa kaniya ng wagas na pag-ibig. Hindi pa rin nagising si Garrett pero biglaan na lang nitong hinila si Gab at niyakap nang mahigpit. "Gab, sorry! Hindi lahat happy ending!" ani Garrett habang niyayakap si Gab. "Garrett, ano bang sinasabi mo? Lasing ka ba?" tanong ni Gab na halatang namumula. "Oo, lasing ako sa katotohanan. Sorry, ang anak talaga ni Rupert Caballero ang mahal ko pero nahuhulog na ako sa 'yo. Sorry, mahal na kita pero mahal ko rin siya!" sabi ng binata na ngayo'y lumuluha na. Nawasak ang puso ni Gab sa mga sinabi ni Garrett. Imahinasyon lang pala ang lahat. Hindi pala siya ang tanging minamahal ng kaibigan. Muling naipinta ang kulay rosas sa kaniyang mukha, pero hindi ito gaya ng dati. Tanda iyon ng paghihirap ng kaniyang damdamin. Mabigat ang kaniyang nadarama subalit nabuo agad ang kaniyang pasya. "Tama na, Garrett! Ikaw ang kryptonite na laging nagpapahina sa akin! Please, 'wag mo na akong kakausapin kahit kailan!" sagot ni Gab na umiiyak na rin. Nakatahimik lang si Garrett at malungkot na nakikinig sa kaniya. "Tama ka, hindi lahat happy ending!" dagdag ng babae. "Bakit, Gab? Hindi mo ba ako mahal?" nagtatakang tanong ni Garrett. "Noon, oo, mahal na mahal kita higit pa sa kaibigan. Mahal na mahal. Subalit nung nakita ko ang ginawa n'yo ni Akari, natakot ako na baka paglaruan mo lang ako kaya ibinaon ko sa limot ang pagmamahal na 'yon. Napamahal ako sa kababata kong si Daryl nang masaktan ako sa ginawa mo. Patawad!" pagsisinungaling ni Gab na mas umiyak pa sa kaniyang mga sinabi. "Nagsusumamo ako, Gab! Hindi na ba talaga pwedeng maging tayo?" ani Garrett na nakaluhod na sa harapan ng dalaga. "Hindi talaga pwede dahil wala na akong nararamdaman para sa 'yo. Sabi mo nga 'di lahat happy ending, 'di ba?" sagot ni Gab habang tinitingnan si Garrett. Kayganda man ng langit, malakas naman ang ulan ng sakit at pighati sa damdamin ni Gab. Iyon na nga ang kaniyang pasya, ang bigyan ng kapayapaan si Garrett kahit puso niya ang nasasaktan. Alam niyang panandalian ang pagmamahal ng binata, pagmamahal na salawahan at walang patutunguhan. Ayaw ni Gab na masaktan, kaya heto siya, naglalakad palayo sa punong akasya na saksi sa pag-ibig na hindi na maibabalik.

Habang naglalakad palayo kay Garrett ay biglang pinalibutan ng maraming tao si Gab. Superhero attire pa ang suot ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Bumungad sa kaniyang harapan ang amang si Rupert at nagsalita, "Anak, pasensya na kung iniwan ko kayo ng kapatid mo! Alam kong marami akong pagkukulang sa inyo pero hindi ko kagustuhan na iwan kayo. Sumama lang ako kay Sara dahil pinangakuan niya akong magiging maayos ang buhay ninyong mag-iina. Hindi naman ganoon ang nangyari. Sinubukan ko kayong hanapin pero gumawa ng paraan si Sara para hindi ko kayo matagpuan. Hiniwalayan ko na siya at ngayon ay nagtungo na sila ng anak niya sa ibang bansa upang magsimula ng bagong buhay. Miss na miss na kita! Miss na miss ko na ang anak kong dati ay karga-karga ko!" Kusang tumulo ang luha ni Gab. Kahit hirap magsalita ay sinubukan niyang sumagot, "Sa tingin mo ganun lang kadali na tanggapin kita ulit? Ayoko nang maging bahagi pa ng buhay mo. Mukhang masaya ka naman na sa bagong buhay mo, Mr. Rupert Caballero!" Hindi na rin napigilan ni Rupert ang mapaluha. "Anong gagawin ko kung paggising ko sa umaga, wala na ang minamahal ko? Nagbago na ang buhay ko? Paano ako babalik? Paano ko makakamit muli ang inaasam kong happy ending?" pahayag ni Rupert. "Hindi lahat nagkakaroon ng happy ending. Hindi lahat nagiging masaya sa huli. Yung iba sa simula lang. Yung iba hindi kailanman naranasan. Ganon ang nakakainis na happy ending na 'yan, pinipili lang kung sino ang pagkakalooban. Kung sino para sa kanya ang deserving na makaranas at makatanggap. Kung sino ang dapat maging masaya. Bakit? Lahat naman karapat-dapat, 'di ba? Lahat naman tayo pare-parehong nagmamahal lang. Bakit kailangan pang pumili?" sambit ni Gab.

Hindi inasahan ni Gab ang pagdating ng kaniyang kapatid na si Jolens. "Ading, nag-usap na kami ni Tatay. Isinakripisyo lang ng tatay natin ang sarili niya para maging maayos ang buhay natin!" wika ni Jolens. "Sa tingin mo naging maayos ang buhay natin? 'Di ba lalo tayong nahirapan nung nawala siya?" bwelta ni Gab na nakatingin sa ama. "Hindi niya kagustuhan ang nangyari. Nagparaya si Nanay dahil alam niyang para sa atin din ang gagawin ni Tatay. Kailanman, hindi naging kasalanan ang pagpapaubaya dahil kung talagang mahal mo ang isang tao, at sa tingin mo ay mas magiging masaya siya na hindi ikaw ang kasama, you must let him go. No matter how we insist, if it's not meant to be, it will never be. We just have to accept that our happy ending is letting go!" paliwanag ni Jolens. Biglang natigilan si Gab sa pag-iyak at parang may batubalaning nag-utos sa kaniya na yakapin nang mahigpit ang ama. Namayani ang pagpapatawad at pag-ibig nang mga oras na iyon. "Maaari ko bang samahan ang Supergirl ko sa loob ng aking Super Café?" anyaya ni Rupert sa anak papasok sa loob ng Maid in Heaven Café.

The Bad Girl's KryptoniteWhere stories live. Discover now