first chapter

16 4 0
                                    

bicycle

"Tinanong ko pa nga 'yan kung ilalako niya pa, tita, eh gusto rin siguro talagang maubos ang paninda." Si Remi habang tinutuyo ko ang basang buhok.

Ala sais ng gabi na ako nakauwi sa bahay. Hindi pa man tuluyang nakakapasok ay sinalubong na ako ng mga tanong ni Mama. Sa dami noo'y natagalan pa ako ng mahigit kalahating oras sa pagsagot. Mabuti't tinulungan ako ni Remi sa pagpapaliwanag kaya nakatayo ako para maligo.

Natapos na akong maligo pero heto't iyon pa rin ang pinag-uusapan nila.

"Kaya nga sa susunod kapag nakaikot na kayo at hindi pa nauubos, bumalik na kayo agad nang hindi na abutin ng dilim." Nasa kusina si Mama nagluluto pero abot dito sa sala ang boses niya.

"Paano, tita, tutuloy na rin ako. Hinahanap na rin ako noon ni Lola," nagpaalam si Remi nang makalabas si Mama mula sa kusina. Ngumiti siya sa akin at kumaway pa. "Bukas na ako magkukwento."

Nagpatuloy ang mga sinasabi ni Mama mula noong makaalis ang kaibigan hanggang sa magsimula kaming kumain. May pakiramdam akong iyon din ang mga sinabi niya kay Remi habang naliligo ako, nauulit lang dahil wala ako kanina.

Dumiretso din agad ako sa kwarto pagkatapos kumain. Mahigit thirty minutes din akong nagpahinga habang nakatanaw sa bintana bago maupo sa kama.

Medyo maaga pa naman para matulog pero ewan ko ba kung bakit mabilis akong hinila ng antok. Siguro dahil na rin sa pagod. Kinabukasan ay gumising ako sa tamang oras para mamalengke. Binilisan ko na sa paghahanda para mabilis ding makarating kila Remi.

Kagabi bago matulog ay gumawa ako ng listahan ng mga idadagdag sa bibilhin sa talipapa. Baka kasi makalimutan ko ang iba dahil marami rami din iyon, lalo iyong gamot ni Mama.

"Bumili siya sa akin!" Halos marindi ako sa boses ni Remi palabas pa lang kami ng bahay nila. Her left arm immediately wrapped around mine. "Siyempre pinatagal ko 'yung pagbabalot ng turon para madagdagan din 'yung oras na magkalapit kaming dalawa."

"Anong sabi?"

"Wala nga e, tahimik kasi talaga siya. Nagsasalita lang kung kailangan. Pero kinikilig pa rin ako, 'no!" Sunud-sunod niyang sagot, hindi magkandaugaga sa kung paano pababanguhin ang pangalan ni Archad.

Mabilis kaming nakapili ng mga magagandang piling ng saging nang makarating sa talipapa. Sandali kaming naghiwalay nang sumaglit ako sa malapit na drugstore at siya sa bilihan ng asukal.

Inilabas ko ang listahan ng mga bibilhing gamot at isa-isa iyong binili. Makalipas ang mahigit kalahating oras ay muli kaming nagkita ni Remi sa bukana ng talipapa.

"At alam mo ba, medyo magaspang ang mga kamay niya. Siguro dahil sa pagtulong sa mga magulang at sa madalas na paghawak ng bola!" Akala ko tapos na siya sa pagkukwento kanina pero nagkamali ulit ako. "Ansarap hawakan, Haryet!"

Bahagya ko na siyang hinatak sa gilid dahil nakakaistorbo na kami sa mga dumadaang tao.

"Kaya excited na excited akong gumising kanina e, tingnan mo hindi ako masyadong nahuli. Tingin ko pa nga mabilis ding mauubos ang paninda natin sa araw na 'to," mas lalong lumalawak ang ngiti niya sa pagpapatuloy sa pagsasalita. "Nga pala, wala ka na bang ibang bibilhin? Uwi na tayo?"

"Nabili ko na lahat ng kailangan, ikaw na nga lang itong hinihintay ko para makalakad na tayo pauwi." Nakangisi kong sagot, hinahaluan ng sarkasmo ang boses.

"Naku hindi tayo maglalakad pauwi, sandali lang." Aniya sabay linga-linga bago lumapit sa nakaparadang tricycle sa gilid. Kumunot ang noo ko.

Tumango-tango pa siya sa kinakausap na driver saka lumapit muli sa akin. Mas lalong kumunot ang noo ko sa kaibigan. Batid ko namang napansin niya iyon.

flickeredTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon