turon
"Kaya hindi mo 'ko hinintay?" Salubong ni Remi nang makalabas ako sa banyo. Nasa loob ako kanina nang simulan niya ang pagtatanong.
Nawala sa isip ko na sabay nga pala kaming umuuwi, kaya tuloy naghintay siya sa tagpuan ng mahigit kalahating oras sa pag-aakalang natagalan lang ako't 'di pa nakakauwi. Masyado akong nadala ni Paxton na pati isa sa mga parte ng routine ko araw-araw ay nakalimutan ko!
"Di ko talaga kinaya ang sakit ng tiyan ko e," sagot ko, iniiwasan ang mga mata niya sa takot na makita ang paghihinala roon.
Wala akong naisip na ibang alibi kundi ang tawag ng kalikasan. Saka ko lang din kasi naalala na baka hinihintay niya ako roon no'ng medyo kumalma na ang mga naghahabulang daga sa dibdib ko.
Ramdam ko pa rin ang paningin ni Remi na nakapirmi sa akin habang inaabala ko ang sarili sa pagliligpit ng mga plato sa sink. Balak kong hugasan iyon kung hindi pa siya titigil sa pagtatanong.
"Bumili ba si Archad sa 'yo?"
Naisip kong buksan ang topic na iyon para na rin mapunta sa iba ang usapan. Naging successful naman ang goal ko dahil nagsimula rin siyang magkwento pagkatapos noon.
"Madalas mga kaibigan niya lang ang naroon. Okay lang naman kasi malakas din ang benta, pero siyempre mas nakakainspired pa rin kung bibili o makikita ko man lang siya."
Natapos kong hugasan ang mga pinggan. Kasalukuyan siyang nakaupo malapit sa mesa habang patuloy na nagkukwento. Nagpunas naman ako ng kamay sa tuwalya bago umupo sa tapat niya.
"Pero nakita mo naman siya kahapon, 'di ba?"
Umiling siya. Tumango naman ako't sinadya pang patagalin ang katahimikan bago muling magtanong.
"Nagtanong ka sa mga kaibigan niya kung ba't madalang mo siyang makita?"
Matapos marinig iyo'y tila nagkaroon ng ideya si Remi. Ngumiti siya sa akin at tinapik pa ang braso ko. Natawa naman ako sa reaksyon niya.
"Ba't 'di ko naisip iyon?" Natatawa na rin niyang tanong marahil sa sarili. Dali-dali siyang tumayo mula sa kinauupuan, lumapit sa akin, at yumakap para magpaalam.
Nang makaalis si Remi'y muling bumalik sa isip ko iyong nangyari kanina. Actually hindi naman talaga nawala iyon e, naisantabi lang dahil sa mga tanong ng kaibigan kanina.
Ilang minuto pa akong 'di pinatahimik no'n hanggang sa makatulog na lang ako dala ang maraming iniisip.
"Susunduin daw kasi tayo ni Kuya, maghintay na lang tayo rito't baka magkasalisi pa." Pasulyap-sulyap na ani Remi.
Maaga pa lang ay namalengke na kami sa talipapa. Ngunit dahil mabagal siyang kumilos ngayon, alas diez na'y 'di pa kami nakakauwi. Heto pa nga't pinipilit niyang susunduin daw kami ni Daryl kaya okay lang kahit ma late ng ilang minuto.
"Tsaka ayokong ding paghintayin siya rito para lang sa wala, 'no! Kahit ginawa mo sa 'kin iyon, hindi ko pa rin 'yon gagawin sa ibang tao!"
Nakuha niya pang isingit iyon sa kasagsagan ng init ng araw na direktang tumatama sa amin.
'Di na lang ako nagsuggest dahil sang-ayon din naman ako sa sinabi niya. Tsaka hindi rin naman nagtagal ay dumating na si Daryl kaya nakauwi rin kami bago magtanghali.
Sa itaas naman ngayon ang ruta ko. Hindi man maintindihan ang dahilan ni Remi kung ba't nakipagpalit gayo'ng naroon ang bahay nila Archad, ipinagsawalang bahala ko na lang iyon. Baka part na naman kasi ito nang kung anong plano niya.
"Ngayon pa lang ba umayos ang pakiramdam mo, Harriet? Si Remi kasi ang nabibilhan namin nitong nakaraang araw," tanong ng isa sa mga naging suki ko habang binabalot ko ang turon niya.