Pagpatak ng alas singko ay tumunog ang alarm clock ni Sabina bilang signal na kailangan niya nang gumising para mag-umpisa ang kanyang araw.
Pinatay niya agad ito pagkabangon. Paglabas niya sa kwarto niya ay tahimik pa ang kusina. Wala pa rin ang mga magulang nila. Ayos lang. Sanay naman na sila.
Nagpainit siya ng tubig saka pumunta sa kwarto ng mga kapatid niya para gisingin sila.
"Milo," tawag niya sa kapatid niya saka ito pinapalo sa pwet. "Gising na."
Lumipat naman siya sa kabilang kama para gisingin ang isa pang kapatid, "Wes, gising na. Late ka na." Napabalikwas naman ito sa sinabi ng Ate niya.
Napatingin siya sa orasan saka sinapak ito. "Ate naman eh!"
Lumipat naman siya sa kwarto ng bunso nila para gisingin ito. "Jasi," tawag niya sa bunso nila. Hinalikan niya ito sa noo. "Good morning."
Napangiti naman ang bunso nila nang bumangad sa kanya ang Ate niya. "Good morning, Ate," she sweetly greeted.
Pagkabangon nito ay lumabas na si Sabina para patayin ang pinapainit niyang tubig. Pagkatapos nun ay nagluto siya ng itlog ay sinangag para sa almusal ng mga kapatid niya.
Nagtimpla ng kape si Milo para sa kanilang tatlo at ng chocolate para kay bunso. Hinanda naman ni Wes ang mga plato nila bago matapos ang niluluto ni Sabina.
Pagkatapos nun ay naglagay si Sabina ng kakainin ng tatlo sa kani-kanilang mga plato. Pagkalagay niya ng kanin sa plato nilang tatlo ay wala nang natira sa kanya. "Hindi ka kakain, Ate?" tanong ni Jasi sa kanya.
Nginitian ito ni Sabina. "Hindi na. Kape na lang." Pagkainom niya ng kape ay dumiretso na siya sa CR para maligo.
Panandalian siyang napatulala habang naliligo kaya pinagalitan niya ang sarili. Bawal sayangin ang oras! Para sa kanya, mahalaga ang bawat minuto ng kanyang oras. Wala siyang oras para magmuni-muni.
Mabilis niyang binanlawan ang kanyang buhok na may shampoo at ang kanyang katawan na may sabon.
Pagkaligo niya ay mabilis siyang nagsuot ng undershirt at short para panandaliang makapaghugas ng mga plato. Sunod-sunod ding nagsiligo ang mga kapatid niya, ayon sa kanilang usual schedule at routine.
Nang matapos siyang makapaghugas ay tinanggal niya agad ang kanyang twalya sa buhok. She reached out for her comb immediately, thanks to her muscle memory. Nang masuklayan niya ang sariling buhok ay sinunod niyang ayusan ang bunso nilang si Jasi.
Mabuti na lang at lalaki ang dalawa pa niyang mga kapatid. Kung babae pa ang mga ito, paniguradong late na silang lahat sa pasok nila. Pagkatapos makapaglagay ng cologne ng dalawang binata ay agad silang sumunod sa Ate nilang nag-aabang sa sala.
Paalis na sana sila nang biglang dumating ang kanilang Tatay na lasing. "Oh, anak! Paalis na kayo? Baka pwedeng makahingi ng pera oh. Pambili lang ng ulam namin."
Dumiretso si Sabina, higit-higit ang kanyang mga kapatid. "May ulam na po sa ref. Ipainit niyo na lang po."
Nakasalubong naman nila ang kanilang Nanay sa daan kasama ang kanyang mga kaibigan na may mga hawak na cards. Pinagdasal ni Sabina na hindi sila mapansin ng Nanay nila pero mukhang lahat gagawin niya para mahihitan siya ng pera. "'Nak! Alis na kayo?"
"Opo, Nay," mabilis na sagot ni Sabina.
"Pahingi naman ako ng wankyaw, oh," her mother requested.
Pinigilan ni Sabina na ipakita ang inis sa mukha niya. "Sige po. Alis na po kami." Pilit na iniwasan ni Sabina ang hiling ng ina kaya nakatanggap siya ng malulutong na mura at pagkamuhi mula sa sarili niyang ina.
"Napakadamot mo! Pinalaki ba kitang ganyan, ha! Matapos kitang ipanganak, pagdadamutan mo lang ako!" eskandalo ng ina niya kaya hinigit niyang muli ang mga kapatid para makasakay.
Nang makasakay sila sa jeep ay hinawakan ni Milo ang kamay ng Ate niya. "Ate, ayos ka lang ba?"
Nilawakan ni Sabina ang ngiti niya sa kapatid. "Oo naman. H'wag mong alalahanin si Ate."
Oo, ayos lang siya. Sanay naman na siya sa pagtrato sa kanya ng mga magulang nila. Himala na lang na nakapagtapos siya ng kolehiyo. Mabuti na lang talaga may lumapit sa kanya na alok na maging scholar.
Nakita ng high school principal nila ang potential ni Sabina nung high school palang siya. Akala niya hindi na siya makakapag-aral ng kolehiyo dahil sa sitwasyon nila sa bahay. Dahil sa high school principal nila, wala siyang binayaran na tuition fee. Sinagot na rin niya ang lahat ng miscellaneous fees niya pati na rin ang allowance niya.
Napakalaki talaga ng utang na loob ni Sabina sa taong 'yon kaya nagsimula siyang magtrabaho sa paaralan kung saan nagtatrabaho ang nagpaaral sa kanya.
Naglalaan siya ng 10% ng sweldo niya kada buwan para bayaran ang utang nito sa kanya. Napagkasunduan kasi nila na 10% na lang ng kabuuang tuition fee niya nung college ang bayaran niya. Tapos sa paaralan na iyon niya na lang ipapasok ang kanyang mga nakababatang kapatid bilang kapalit.
Hindi na umangal si Sabina. Tutal, marami naman siyang natutunan sa paaralang ito.
Pagkaupo niya sa desk niya ay tumambad ang gabundok na mga papel. "Sabina, you need to record all of these. Kindly finish these in two days." Wala man lang good morning. Talaga nga naman.
Napatingin si Sabina sa orasan niya. 8:05 AM. Ahhh, matagal-tagal pa matatapos ang araw na ito.
Katulad ng dati, ibinaon niya ang sarili sa trabaho para matapos siya kaagad at nang makauwi nang maaga. Tuturuan pa niya ang mga kapatid sa mga homework nila.
Habang ginagawa ang trabaho niya ay hindi niya mapigilang mapaisip paano kung pinursue talaga niya yung gusto niyang kurso. Wala siguro siya dito sa office na 'to ngayon. Hindi siguro siya ang gumagawa ng trabahong ito.
Paano nga ba siya napunta dito? Last time she checked it was her dream to become an artist. Ah, naalala na niya.
Naalala na niya kung gaano siya i-discourage ng mga magulang niya na kumuha ng Arts program. "Anak, walang pera d'yan."
Bakit nga ba lagi na lang siyang nagsusunud-sunuran sa mga magulang niya? Bakit ba ni minsan hindi niya sinunod ang gusto niya?
Sa sobrang busy maging anak, kapatid, at clerk ni Sabina, nakalimutan na niya ang kanyang sarili.
Umalis kaya muna siya? Hindi pwede. May mga responsibilidad siyang maiiwan. Isang araw lang? Dalawa? Sayang sahod kapag nag-leave siya. Eh, ngayon lang naman!
Ah, bahala na. Wala sa isip na tinawagan niya ang kaibigang high school teacher na si Katrina para ihabilin sa kanya ang mga kapatid. Nagpaalam na rin siya sa trabaho na hindi muna siya papasok kinabukasan.
Mabilis na umuwi si Sabina bago pa magbago ang isip niya. Naligo siya at nagpalit ng damit saka nag-impake ng gamit na kakailanganin niya. Mabuti na lang wala ang mga magulang niya dun.
Bahala na. Pupunta siya sa Sagada para sa sarili niya.
BINABASA MO ANG
Sagada
Short StoryMay tatlong uri daw ng mga tao ang pumupunta sa Sagada: mga pusong ligaw, mga pusong ginaw, at mga pusong gala. Alin ka sa mga ito?