Wakas

66 18 16
                                    

Totoo nga ang sabi ni Kuya Lino sa kanila. Hindi nahanap ni Sabina sa Sagada ang sarili niya. Sa totoo lang, walang nagbago nung bumalik siya sa katotohanan. Ganun pa rin ang magulang niya. Hindi rin nabawasan ang trabaho niya. Sa kanya pa rin umaasa ang mga kapatid niya. Ang tanging nagbago lang naman sa kanya ay siya mismo.

Sa biyahe mula Sagada pauwi, hindi makalimutan ni Sabina ang itsura ng tuktok ng Mt. Kiltepan. Kaya sinubukan niyang iguhit ito gamit ang maliit na resibong meron siya at ballpen na nahanap niya sa bag niya.

Hindi rin doon natutong makalimot si Gayle. Ang totoo nga niyan ay hindi naman talaga makakalimutan ni Gayle si Miguel. Masakit pa rin pero kakayanin. Piniling ilagay ni Gayle sa archive ang mga messages nila ni Miguel. Ganun din ang ginawa niya sa lahat ng mga post niya sa Instagram na nandun si Miguel.

Kahit na masakit makita ang mga iyon ay pansamantala niya muna itong itinago. Siguro balang araw, hindi na siya masasaktan kapag nakita niya ang mga alaala nilang iyon.

Si Danica naman, kahit wala siyang hinahanap ay may natagpuan siya. Napatingin siya sa dalawang babaeng nakaupo sa kaliwa niya. Ang isa ay may sinusulat sa isang papel na hindi niya malaman. Ang isa naman ay kinakalikot ang cellphone. Wala naman siyang hinahanap pero nakatagpo naman siya ng mga bagong kaibigan.

Hindi man nahanap nila Sabina at Gayle ang hinahanap nila, nakilala naman nila si Danica. Sa tuwing may bagong gustong puntahan si Danica ay inaaya muna niya sina Sabina at Gayle. Bilang parehas na office girls sina Sabina at Gayle ay parati nila itong ini-schedule.

Bukod sa quarterly outing nila, nanumbalik sa paggawa ng sining si Sabina. Nagsimula siya sa mga simpleng sketch lamang hanggang sa natuto siyang gumamit ng watercolor. Pino-post niya rin ang kanyang mga artwork sa Instagram niya para makita niya rin ang progress niya. Kahit sa ganung bagay lang ay nakatulong ito sa pagbibigay sigla sa kanya kahit sa trabaho niya.

Si Gayle naman ay tuluyan nang nakipaghiwalay kay Miguel. Pinili niyang ipamigay bilang donation ang mga gamit na binigay ni Miguel sa kanya. Kaysa sa itapon at sunugin, naisip niya na mas mabuti pang ipamigay niya ito at makakatulong pa siya.

Wala na ring pakialam si Gayle kung magpapakasal pa siya o hindi. Kahit anong mangyari, alam niya na sa sarili niyang hindi niya kailangan ng lalaki para mabuhay. Kaya niyang alagaan ang sarili niya. Kung hindi para sa kanya ang pagpapakasal, hindi na niya ito ipipilit. Regardless, masaya siya sa buhay na meron siya ngayon.

"Hoy, asan ka na?" halos pasigaw na tanong ni Sabina sa kanya sa telepono.

"Ito na. Paalis na sa office. Saglit lang kasi!" dahilan ni Gayle sa kanya.

"Nandito na kami!" Dinig ni Gayle ang pangungulit ni Danica kay Sabina.

Mas lalong binilisan ni Gayle ang pagliligpit niya ng gamit para puntahan sina Sabina at Danica.

Ito ang kwentong Sagada nila, kung saan natagpuan nila ang isa't isa.

SagadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon