“Hindi mo ba ako maaaring pagbigyan?”
Hindi maalis sa aking isip kung gaano kalakas ang loob ni Panganoron. Nakaka-inis siya kasi ganoon kalaki ang tingin niya sa sarili niya: na kaya niyang mapapayag ako, na ligawan ako, kahit hindi ko pa talaga siya kilala.
“Sige, magpapakilala muna ako.”
Pero bakit parang natutuwa ako na makikilala ko siya? Sinubukan kong iwan muna ang kaisipan na ‘yon, tingin ko ay hindi makakabuti sa akin na mapalapit sa isang kagaya n’ya. Nakakatakot ang tiwala sa sarili na meron siya.
🌼🌼🌼
Nakakagutom ang amoy ng sinangag ni Inda. Inaayos ko na ang mga plato sa hapag-kainan. Napakadalang lamang kami kung kumain sa mga kasangkapang porselana galing sa Tsina. Kadalasan ay sa mga gawa sa metal o kaya naman ay sa dahon ng saging kung wala namang sabaw ang aming kakainin.
Pagbalik ko sa lutuan ay kumuha ako ng malaking hawong na paglalagyan ng ulam. Kumuha ako sa niluto ni Inda—ang masarap niyang ginataang langka na may alimango, kakahuli lamang ng mga binata at dinala rito bilang pasasalamat kay Panganoron.
Kumuha na rin ako ng paglalagyan ng mga pritong daing at ibinilad na isda, siyang paborito kong agahan. Pagkasandok ko ay dinala ko na ang dalawang ulam at ipinatong sa mesa. Bumalik ako upang kumuha ng sawsawan, sukang niyog na nilagyan ko ng asin, bawang, paminta, at dalawang pirasong sili. Dinala ko na rin ang inadobong pinatuyong karne ng kalabaw, nakalagay na sa maliit na palayok kung saan ‘yon niluto, na ipapatong sa maliit na palayok na ihawan na may laman na kaunting nagbabagang uling upang hindi lumamig at magsebo.
Dumating na si Ama na may dalang pandan, ilalagay pampabango sa sabaw ng murang buko. Anupa’t lahat ay espesyal ngayong umaga-- ang unang agahan ni Panganoron sa amin.
“Gisingin ko na po si Panganoron,” paalam ko sa aking Ama.
“Sige at nang makakain na tayo. Lumalamig ang pagkain.”
Ngumiti ako at umakyat sa aking silid. “Panganoron?” Hinawi ko ang kurtina at nakita siya na nagbibihis ng kaniyang baro. “Kakain na tayo ng agahan, lalamig ang pagkain.”
“Saglit na lamang.” Ngumiti siya at ipinatong ang gawa sa balat na chaleko.
“Tara na.”
“Susunod na.”
“Tapos ka ng magbihis ‘di ba?”
Umiling siya. Napansin ko na nakataklob ng twalya ang bewang niya hanggang paa.
Nagtaklob ako ng bibig dahil ako'y natawa. “Sige. Sunod ka na.”
Bumalik na ako sa baba at umupo sa tabi ng aking Ama. “Ang daming pagkain.”
“May mahalaga tayong bisita eh.” Pinisil niya ang aking pisngi. “Ang nagligtas sa prinsesa ko.”
“Kaya ko iligtas ang sarili ko mula sa oryong,”
“Inda, ano nga ang nagyari noong inatake kayo ng oryong?”
“Nagtatakbo po siya patungo sa kabilang ibayo, ang kaso naalala niya na hindi siya marunong lumangoy.” Natatawa si Inda. “Tapos po eh, halos paiyak na na baka maiwan namin siya ni Kurab doon. Buti na lang at biglang dumating ang Ginoong Panganoron. Tinaga-taga ang oryong.”
Sakto na lumabas si Panganoron. “Magandang umaga po.” Kumaway ng bahagya.
“Magandang umaga, tagapagligtas ng binukot!” pagbati ng aking Ama.
Napakamot sa ulo si Panganoron.
“Magandang umaga, Ginoo.” Dala na ni Inda ang sinangag. Itinuro ang upuan. “Upo ka na.”
BINABASA MO ANG
Daragang Magayon: Ang Alamat ng Bulkan
FantasyAng palagiang pagkukubli at pagsilip ng Ginoong Panganoron ng Tayabas sa kariktan ni Daragang Magayon, ang binukot ng Rawis na tanyag kahit sa mga malalayong lupain dahil sa kan'yang taglay na kagandahan, ay nauwi sa isang madugong labanan. Noon lam...