Maaga ako nagising ng Martes. Badtrip lang kasi hapon pa ang klase ko. Block section nga pero broken schedule naman. Masasanay din ako. Myerkules ay maaga uli ako nagising. Eksakto naman sa pagkakataong ito. May nararamdaman akong kakaiba. May nararamdaman akong pagkasabik sa tuwing nagigising ako. Hindi ko alam kung dahil ito sa lalaking nakausap ko. Pero ang totoo gusto ko na rin siya makita o mas mainam na sabihing makakwentuhan uli. Ang dami niya kasing alam.
Anak ng tokwang malata. Mag-a-alas singko y media na pala. Nanaginip na pala ako ng gising. Alas syete ang first class ko at may sapat na akong oras para ma-late. Nawa'y mahabag sa akin ang bathala ng trapiko at maging mabilis ang byahe. Paspas na ako sa aking seremonyang pambabae. Wala ng oras para tumikim ng almusal. Inom na lang ng gatas sabay sibat at bibili na lang ng makakain sa fast food restaurant na malapit sa eskwelahan kong mala-aquarium.
Iniisip ko na magpahatid na lang kay Tatay para hindi ako mahuli pero tiyak na papagalitan niya ako. Tantya ko may 45 minuto ang byahe kung mabilis ang daloy ng trapiko. Pero kung aabutin ako ng hangin ng kamalasan ay lagpas ng isang oras ang aking paglalakbay. Sa dami ng iniisip ko ay sa wakas mabilis kung narating ang sakayan.
Mukhang niyakap ako ng bathala ng swerte ngayon at madali akong nakasakay ng jeep. Hindi maluwag pero hindi rin masikip. Eksakto lang para makahinga. Medyo ang sarap lang pagmasdan ng mga taong nandito sa loob. Sobrang hussel ang byahe sa umaga. Kasabay mo ang iba't ibang uri ng nilalang. Marami sa kanila ay estudyanteng kagaya ko. May mga papasok sa trabaho at ang ilan pa sa kanila ay mga naghahabol ng sariwang mapapamili. May mga nakaksabay rin akong minsan na may mga dala ng mapamili at alam naman natin kung ano ang simoy nito. Wala naman problema sa akin ito hanggat hindi naman ako nasasagi. Ayaw ko lang kasi talaga ang narurumihan.
Nakalampas din sa intersection na kung saan makikita ko sa kanan ang sosyal na restaurant na nagbebenta ng pizza. Sa bandang kaliwa naman ay isang eskwelahang pangkolehiyo na dating ospital lang at sa tapat naman nito ay ang fast food restaurant na kalaban ng malaking bubuyog. Badtrip ang intersection na ito dati. Buti na lang ngayon at may traffic light na pero hindi rin minsan nagagamit kapag nag power tripping ang mga enforcer dito. Naalala ko dati ng wala pang traffic light dito ay napakatagal magpatakbo ng mga enforcer. Mga kalahating oras ata ang tinatagal ng paghinto. At ng minsan ay nagpatakbo sila sa isang direksiyon ay di man lang muna pinahinto ang kasalubong nito na direksiyon. Muntik tuloy mabanggaa ng van un motor. Ang enforcer pa ang galit at tinikitan pa ang dalawang inosenteng motorista. Mga taktika nga naman.
Sa wakas nakarating na rin. Eksakto ang hinto sa ilalim ng over pass. Maaga pa ako ng labinlimang minuto. Isa itong maituturing na himala. Maari pa rin muna akong kumain . Sa convenient store o dito sa fast food chain. Isang kalsada lang ang pagitan. Sa kalaban na lang ng bubuyog ako kakain. Paborito ko kasi ang chocolate syrup ng ice cream nila dito.
Masiglang bumati ang guwardiya. Hindi pa gaanong kalamig sa loob. Ganito talaga rito kapag umaga. Tila isang mapayapang bukid na sapat na dahilan para ganahan sa pag-aalmusal. May tatlong nakapila. Pang- apat ako. Parang kilala ko itong nakatikod sa unahan ko. Siguradong estudyante dahil sa uniporme niyang suot.
"Isang kape"
Pamilyar ang boses ng narinig ko sa unahan. Nakaramdam ako ng pagkatuwa. Hindi, nakaramdam ako ng pagkasabik. Hindi pa rin, isang kaba na ang nararamdaman ko ngayon. Napayuko na lang ako habang inaantay ang pagkakataon na maka-order ako. Silip sa relo. Antay ng pagkakataon. Tatlong minuto pa lang ang nakakalipas mula ng bumaba ako ng jeepney. May narinig akong boses. Mahina. Mahinahon. Nangatog ang tuhod ko.
"Miss kape?"
"What's your order ma'am"
Nagulo ang aking ulirat. Hindi ako nakapagsalita. Parang may mga nagtatakbuhang kabayo sa aking dibdib habang unti-unti akong lumilingon sa taong nag-alok ng kape. Isang pilit na ngiti. Pilit na ngiti dahil sa nakakaramdam ako ng kaba. Pilit na ngiti kahit na gusto ko talaga siyang ngitian.
"Hindi ako nagkakape!"
Natigilan ako pagkatapos ko banggitin ang mga salitang pagtanggi. Ang saya ng pakiramdam ko. Sa wakas nakita ko na rin ang taong nais kong makilala. Teka, nakilala ko na pala pero hindi ko pa alam ang pangalan. Kailan mo ba masasabi na kilala mo ang isang tao? Ang gulo. Mas dumami ang kabayong nagtatakbuhan sa aking dibdib.
"Yung order mo raw! Miss bigyan niyo na lang siya ng isang burger at hot choco. Pakisamahan mo na lang din ng isang regular fries!"
Hindi ako nakaimik at hindi na napigilan sa mga in-order niya. Yung hot fudge pa naman sana ang gusto ko. Hindi na ako nakapalag. Pati ang pagbayad niya sa kakainin ko ay wala akong nagawa. Nang sinubukan ko iabot sa kanya ang bayad ko pero parang wala siyang nakikita. Deadma lang. Na-assemble na ang order. Inilapag niya ang kape sa tray ng in-order niyang pagkain para sa akin.
"Salamat ha"
Isang bahagyang ngiti lang ang isinagot niya sa akin. Inaya niya ako sa pinakamalapit na bakanteng mesa. Tahimik lang ako sumunod sa kanya. Silip sa relo. Pitong minuto na lang bago ang una kong klase. Paano ko ngayon kakainin ang mga pagkain na iyon sa ganoong kaiksing oras para hindi ako mahuli? Problema pa talaga ito. Hindi bale nang late.
" Wala ka bang dalang gamit?"
"Meron"
Napansin ko na wala siyang bitbit na kahit ano. Pero hindi na ako nag-usisa kung ano ang dala niya pagkatapos niyang sumagot. Nakatingin lang siya malayo habang humihigop ng kape. Sinabayan lang namin ang katahimikan ng paligid. Mainit ang aking inumin. Matamis. Silip sa relo. Siya naman ay nakatingin pa rin sa malayo. Higop ng kape. Tingin sa malayo. Silip sa relo. Tatlong minuto na lang at late na ako. Ilang minuto ang naubos sa panunuod ko sa pag-inom niya ng kape. Minabuti ko na muna ituloy ang pagsagot sa aking asaynment. Inilapag niya ang kanyang kape. Sumilip siya sa aking ginagawa. Hiniram ang aking bolpen at nagsulat sa tissue paper .
"Wala ka bang klase?" nakatingin lang ako sa kanya.
"Meron. Late na nga ako actually!" Tuloy pa rin siya sa pagsulat.
"Bakit hindi ka pa napasok?" binitiwan niya ang bolpen at iniabot sa akin ang papel.
"Kasi ang bagal mo kumain!". Asar! Kasalanan ko pa ngayon. Kung sabagay pwede naman niya agad bitbitin yung kape sa klase. Nakakainis! Antipatiko! Pero hindi na ako agad nakapagsalita pa dahil sa ipinaliwanag niya sa akin ang isinulat niya sa tissue paper. Namangha ako sa paraan niya magpaliwanag. Laging may kaakibat na dahilan ang bawat sinulat niya. Kung baga sa isang tourist guide, hindi lang niya napuntahan ang lugar kundi parang dito pa siya lumaki dahil sa sobrang detalyado ng mga binitiwan niyang impormasyon. Nakakamangha.
"Tara na! Ganoon lang kasimple ang computation niyan ha?" Tumayo siya at diretsong tumungo sa pintuan. Sumunod naman ako agad pagkatapos ligpitin ang aking gamit. Nakalabas na siya ng pagsilip ko sa pinto. Nagmadali ako bigla. Bigla kong napuna na may naiwan siya sa mesa. Dali-dali akong lumabas pero nakatawid na pala siya at naglalakad na patungo sa campus. Silip sa relo. Tingin sa kanyang naiwan.
"Garry Ezekias Navarro - Chess Club President". Labinlimang minuto na akong late.