UNATTENDED [Drama]

49 0 0
                                    

Kasabay ng kalabog sa kapit-bahay namin mahilig mag "video oke" palahaw ng nanay ko ang maririnig ko, hudyat na panibagong araw na naman ang masasaksihan ko.

"Clavio! Ano ba ?! Ala sais na ng umaga! Nakahilata ka parin. Baka gusto mong bumangon ng makakain ka na at makaligo!"

Oo, hindi ko na kailangan ng orasan na siyang gigising sa himbing na aking pagkakatulog. Ang palahaw ng aking nanay, tilaok ng mga tandang na panabong, asong ulol na ulol sa pag tahol at kapit bahay naming sintonado ang magiging taga gising ko pagpatak ng ala sais ng umaga.

"Hoyy! Clavio, walang hiya kang bata ka! Puyat ka na naman siguro kakadutdot ng "cellphone" mo.  Kailan ka ba titino. Jusko kang bata ka. Bangon! Bangon! Dali!" nakakarinding sigaw nito sa akin habang hinihila ang mga kamay ko, akmang siya na mismo ang gagawa ng paraan para makabangon ako.

"Nay... Ala syete pa naman ang online class ko eh, limang minuto pa po... Please..." hirit ko sa kanya habang namumungat mungat pa ang aking mata.

"Ang ibig sabihin ng limang minuto sa iyo ay limang oras, tantanan mo ako clavio, bangon at mag almusal..." wika nito sa mataas na boses, habang tinitiklop na ang aking kumot.

"...isa pa ay hindi ako makakapayag na hanggang  sa second semester ay mas mataas parin ang grado ng anak ni Aling Tetay kesa sayo. Mag aral ka!" dagdag pa nito kasama ang mga hindi maipaliwanag na kumpas ng kanyang mga kamay.

Hanggang sa kasagsagan ng pandemya ay ekspektasyon ng mga magulang ko ang iisipin ko.

Wala manlang akong pantanggal umay sa araw-araw na sigaw ng nanay ko.

"Hello Good Morning sir!Sorry I'm late." bati ko sa propesor ko habang hinahawi pakaliwa ang buhok ko.

"Mr.Clavio Dimaculangan... It's your third time na late ka, nag iisip na ako kung ano ang sunod mong idadahilan sa akin." striktong pagkaka sambit nito sa akin habang ibinababa ang salamin nito sa mata.

"Sir, naghugas pa po ako ng pinggan, sasampahan po ng mga pusa, baka mangabasag, wala naman po ang nanay ko para maghugas, dumeretso na po sa palengke sa pagtitinda ng gulay." paliwanag ko sa kaniya na pawang nag papa awa.

Tindera ng gulay ang nanay ko sa palengke, kailangan ay bago mag ala-syete ng umaga ay naroon narin siya sa palengke upang kumita ng sapat para masuportahan ang pangangailangan ko sa online class. 

Isang gabi ay naabutan ko ang aking ina na nagbibilang ng kita  niya sa palengke.Ramdam ko sa mukha niya ang labis na pagkalito kung saang kamay mapupunta ang kaniyang pinag hirapan.

"Eto ay utang para kay Aling Pasing... Eto ay kay Mang Kiko, para sa limang kilong bigas naman eto, at ito ay sa load ni Clavio pang online class, sakto! Salamat naman." wika nito sa sarili,habang nakikita ko ang tagaktak ng pawis nito na umaagos sa kaniyang leeg.

Iskolar ako sa isang Unibersidad sa Maynila, kaya gayun na lamang ang suporta ng aking ina sa aking pag aaral. Wala narin kasi ang aking ama, limang taon na matapos ang kaniyang pag panaw, ang nanay ko na ang nagsilbing ama at ina ng bahay. Wala naman akong kapatid, kaya kahit papaano ay kinakaya niya.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sa cellphone nakatuon ang mata ko, katabi ang isang bote ng tubig, ballpen at papel. Nakakapagod ang online class, doble sa hirap na dinadanas isang simpleng estudyanteng mismong pumapasok sa eskwelahan.

"Good afternoon class, so as of today, dahil karamihan parin sa inyo ay apektado ng mga nagdaang bagyo, we will have academic ease for 3 days.I was hoping na sapat na iyan para makahinga kayo sa mga kalamidad na nangyare..." anunsiyo ng aking propesor, bakas sa mukha ko ang labis na pagkatuwa sa anunsyo.

Dali dali akong tumakbo kay nanay na siyang nangungusina at sinabi ang magandang balita.

"Nay, wala kaming pasok ng tatlong araw, makaka pahinga muna kayo sa pag titinda, wala kayong iisiping load. May stock pa naman tayo ng pagkain eh" nakangisi kong wika sa nanay ko habang hinihimas ang balikat niya.

"Umayos ka nga Clavio, hindi natitigil sa online classes mo ang pangangailangan natin,sa tatlong araw mong pahinga, mag advance reading ka, para matuwa ako sayo..." wika nito sa akin.

Medyo suplada ang nanay ko, pero malambing talaga siya. Isa siyang bayani sa akin. Kinakaya niya ang lahat. Kahit ganiyan siya, mahal na mahal ko yan.

"... isa pa anak, mabubulok ang pinakyaw kong gulay sa dealer, sayang naman kung hindi madidispatiya." pagdaragdag neto.

Makalipas ang tatlong araw balik kalbaryo na naman ang isang mag aaral na katulad ko, load dito ,load doon, charge dito, charge doon at kaliwa't kanang kusot ng mata.

"Hello good morning class..."
"Buenas Tardes, como esta usted..."
"Good evening class, so for today's lecture..."

Nakakapagod,sa totoo lang. Kung walang pangarap ang bata ay talagang tatamarin pumasok sa bagong istratehiya ng gobyerno na ito.

Isang matigas na init ng araw. Sa kalagitnaan ng aking pag oonline class. May isang "unknown number" na pilit tumatawag sa akin.
Nakakabugnot ang ganito, sa totoo lang...

Nakasampong tawag ito sa akin.

Matapos ang klase ko ay agad ko itong tinext

"Sino kayo? Bakit kayo tumatawag" pagkakasabi ko.

Hindi naman ito nag reply. Tinawagan ko ang nanay ko,dahil napansin ko ay alas tres na ay wala pa siya, kadalasan kasi ay pagpatak ng alas dos ay nandito na sa bahay ang nanay ko.

Unattended. Hindi nag riring ang kaniyang telepono. Inisip ko ba abala pa siya at baka marami pang bumibili.

Hindi pa nakakalipas ang limang minuto buhat sa pagtawag ko sa nanay ko. Muling tumawag ang "unknown number"  agad ko naman itong sinagot.

"Hello po? Sino po ito?" agad kong imik.
"Hello Clavio, kanina pa kita tinatawagan" imik naman sa kabilang linya. Pamilyar ang boses.

"Aling Tetay? Bakit po?" Pag tatanong ko sa kaniya.
"Clavio, kumalma ka totoy hah..." marahang pagkakasabi nito sa akin.
"Clavio, ang nanay mo, na hold-up kanina, nanlaban ang nanay mo, kaya sinaksak siya ng ilang ulit, noong nilapitan ko siya, pilit niyang sinasabi na tawagan kita, kaya kanina pa akong tumatawag. Humihingi siya ng pasensiya kasi,nanakaw daw ang regalo niya sayong pambili ng bagong cellphone."

Halo-halong emosiyon ang nararamdaman ko.

"N-n-nasan ang nanay ko? P-p-Pupuntahan ko po...." aligaga kong pagkakasabi habang lito kung ano ang susunod kong gagawin.

"Clavio, wala na ang nanay mo. Dead on arrival. Narito ako ngayon sa ospital. Puntahan mo nalang kami. Clavio, nakikiramay ako." mahinahong pagkakasambit naman nito.

Tumigil ang mundo ko. Literal. Napalupagi ako sa sahig. Humagulhol ako sa iyak, nguni't walang luha ang pumapatak.

Sana pala, nag pause muna ako sa online class. Sana pala, tinawagan ko kaagad siya. Sana pala. Sinagot ko ang tawag. Sana pala....

Kaso...

Hindi.

Lahat ay nanatiling sana.

Hindi ko alam kung para kanino pa ang pag aaral ko. Hindi ko alam. Wala na akong malaman. Sakit.
Sakit nalang ang nararamdaman ko ngayon. Ang lupit ng tadhana. Lahat ng tiis ko sa pag aaral ko...

Eto ang kapalit.

Bigla akong nakaramdam ng isang mahigpit na yakap.

Nagising ako sa lalim ng aking pagkakaidlip.

"Anak, bangon na. Handa na ang agahan. Bilisan mo at baka ma-late ka na naman" a ni  nanay na nakaupo sa gilid ng aking kama.

Humagulhol ako nang sobra.

"Diyos ko. Huwag niyo po akong ilayo sa nag-iisang kayamanan sa buhay ko" mga salitang huling lumabas sa aking bibig.

Lahat ay isang panaginip. Bangungot. Isang madilim na bangungot.

-

MIXED ONE SHOT STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon