LEIBNIZ’ POV
“W-wala po akong alam kung saan niya dinala si Azi.”
Nanginginig ang aking mga kamay at hindi ako mapakali habang tinatanong ako ng isang pulis.
Matapos ang nangyari kanina sa loob ng detention room ay agad kaming tumawag ng mga pulis. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa ginawa ni crush. Sana talaga mali ang akala ko.
“Kilala mo ba ang lalaking tumangay sa kaibigan mo?” Muling nagtanong ang kaharap kong pulis.
“Ah…” Pilit kong iniisip kung ano nga ba ang pangalan ni crush. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin alam. “Kilala ko po siya pero…hindi ko pa alam ang pangalan niya.”
Napakamot na lang sa ulo ang pulis at yumuko na lang ako dahil sa hiya.
“Boss!”
Sabay kaming napatingin sa isa pang pulis na kadadating lang. May hawak itong envelope at mukhang nagmadaling pumunta dito.
“Nakuha na namin ang plate number ng motorsiklong ginamit ng suspect. Nagawa rin naming subaybayan ang bawat galaw niya dahil sa mga CCTV na nakaparada sa kalyeng dinaanan nila.”
Hindi na sumagot ang pulis na siyang kausap ko at mabilis na hinablot ang envelope. Nang buksan niya ito ay hindi ko napigilan ang sarili na sumulyap.
Napakunot ang noo ko dahil sa aking nakita.
The Golden Dragon Inc.
Hindi ako pwedeng magkamali. Iyon ang kumpanyang pinapatakbo ng aking mga magulang.
AZI’S POV
Napapikit ako bago sumagot.
“Oo.”
Kasabay ng pagsambit ko sa katagang iyon ay isang matalim na tingin ang ipinukol niya sa’kin.
Kinakabahan man at nagtataka, hindi na ako umimik nang bigla niyang higpitan ang pagkakahawak sa aking balikat.
“Siya na ba iyan?”
Automatikong lumingon ako nang magsalita ang pinakamatangkad sa mga kalalakihang tuluyan nang nakalapit sa amin.
Nang bahagyang tumango si River ay sabay-sabay na nagkatinginan ang lahat.
“Naghihintay na si Master sa loob, dalhin na iyan papasok.”
Wala na akong nagawa kundi magsimulang maglakad nang itulak ako ni River.
Sinubukan ko siyang sulyapan ngunit diretso lang ang kanyang tingin. Alam kong sinabi kong may tiwala ako sa kanya, pero…hindi pa rin mawala-wala sa isipan ko ang lahat ng mga nangyari simula kahapon. Baril. Panloloob sa apartment.
Hindi ko na alam kung dapat ba akong kabahan o mas mabuting magtiwala sa kanya.
Nakapasok na kami sa loob at bumungad sa akin ang isang madilim at mahabang pasilyong patungo sa isa pang malaking pinto.
Naunang maglakad ang limang kalalakihan kaya naiwan kami sa likuran habang tahimik na nakasunod sa kanila.
Nang ilang metro na ang layo namin mula sa kanila, saka pa lamang nagsalita si River.
“Huwag kang matakot. Alam kong mahirap magtiwala sa akin pero hindi kita pababayaan. Ipapaliwanag ko ang lahat mamaya. Sa ngayon, sumunod ka lang sa lahat ng sasabihin ko.”
Imbes na sumagot ay tumugon lang ako sa pamamagitan ng pagngiti.
Aaminin kong kinakabahan ako. Ayoko nang mangyari ang bangungot na pinagdaanan ko nung ako’y bata pa.
Sa oras na bumukas ang malaking pinto sa harapan namin ay kaming dalawa na lamang ni River ang pumasok.
Sa kanang bahagi ng silid ay may hagdan na nag-uugnay sa ikalawang palapag at sa kaliwang bahagi ay may mga hanay ng iba’t-ibang uri ng mga baril.
Umakyat kami sa hagdan at umabot pa ng ilang hakbang bago namin narating ang isa pang silid. Sa loob nito ay may isang lalaking nakatalikod habang nakaupo sa isang swivel chair. Kaming tatlo lang ang naririto ngunit ramdam ko ang kakaibang awtoridad na nagmumula sa taong iyon.
“You have proven your loyalty, Loyola. Congratulations.” Nagsalita ang lalaking hanggang ngayon ay nakatalikod pa rin. Sinundan niya ito ng isang malakas na pagtawa.
“Sinusunod ko lang po ang inyong mga utos.” Sagot ni River sabay tingin sa akin.
“Pero hindi pa rin ako sigurado kung nasa akin pa ba ang iyong katapatan. May isang bagay ka pang kailangang gawin.”
Nang humarap na sa’min ang lalaking medyo may katandaan na, bigla akong nakaramdam ng matinding takot.
Parang bumalik ako sa nakaraan.“Dinala mo ba ang hinihingi naming pera?”
Kahit nakapiring ako, dinig na dinig ko ang malalim na boses ng isang lalaki. At tiyak akong kausap na niya ngayon si Mama.
“Nakalagay sa maletang iyan ang halagang hinihingi ninyo. P-pwede ko na bang kunin ang aking anak?”
Bumalot ang katahimikan sa buong paligid. Sinundan ito ng isang nakakatakot na halakhak.
“Itabi na muna ang bata. Kailangan pa nating magpakasaya.”
Pagkatapos niya iyong sabihin ay hindi na tumigil sa pagsigaw at paghagulhol si Mama. Hindi ko pa alam ang nangyayari noon ngunit alam kong matindi ang sinapit ni Mama sa kamay ng lalaking iyon.
Nang kunin nila ang aking piring, nakita ko na lamang si Mama na nakahandusay sa sahig at umiiyak.
Punit-punit ang kanyang damit at puro sugat ang mukha.
Bago pa makaalis ang lahat ng mga lalaking may gawa nito sa kanya, nagkatinginan kami ng isang lalaki. Ngumisi ito sa akin.
Ang lalaking ito ang siyang kaharap ko ngayon.
Napahawak ako sa aking dibdib. Nagsimula na itong manikip at unti-unti na akong hindi makahinga.
Kitang-kita ko ang pag-aalala sa mukha ni River ngunit agad naman itong nawala nang magsalita ang matandang lalaki.
“Patayin mo iyan. Dito mismo sa harapan ko.”
Kahit na nanghihina na ang aking mga tuhod at mas lalong sumisikip ang aking dibdib, dinig na dinig ko ang bawat salitang lumabas sa bibig ng matanda.
Mamamatay ako ngayon.
Iyon ang nasa loob ng isipan ko sa oras na ito. Ngunit, ayokong pagdudahan si River.
Napatingin ako sa kanya. Wala akong makitang awa sa kanyang mga mata, ‘di gaya kahapon.
“Huwag,” mahina kong bulong nang lagyan na niya ng bala ang hawak niyang baril.
Lumalabo na ang aking paningin.
Hindi na ako makahinga, bumibilis na ang aking paghinga. Sa sobrang sikip ay wala na akong nagawa kundi ang mapahawak sa aking dibdib.
Ilang segundo pa ang lumipas bago ko namalayan ang dahan-dahan kong pagbagsak sa sahig kasabay ng pagputok ng baril.
Bago ko ipikit ang aking mga mata, kitang-kita ko ang ngisi sa mga labi ni River.
BINABASA MO ANG
Kill Me Softly
RomanceSa loob ng labing-walong taon, nabuhay si River Loyola na walang kinikilalang pamilya maliban sa grupong kinabibilangan niya-ang Rushifa Empire. Sa mundong kanyang kinamulatan, isa siyang halimaw na handang kitilin ang buhay ng sino mang magiging ba...