CHAPTER 08: Catching Fire

1 0 0
                                    

RIVER’S POV

Napangisi ako nang marinig ang putok ng baril na nanggaling sa labas. Alam kong mga pulis na iyon dahil sinadya kong dumaan sa main road kaysa sa shortcut na tanging mga miyembro lang ng Rushifa ang nakakaalam. Maraming mga CCTV sa kalyeng iyon kaya imposibleng hindi nila malaman kung nasaan kami ngayon.

“Ikaw ba ang nagpadala ng mga pulis dito?!”

Napatingin ako sa galit na galit na si Master. Nakatayo na ito at tiyak akong tatakas ito. At dahil ayokong malaman niya ang pagprotekta ko kay Sakurai, kailangan kong magpanggap.

“Patawad po, Master. Sa sobrang pagmamadali ko, hindi ko na nagawang dumaan sa shortcut.” Yumuko ako na parang pinagsisisihan ko talaga ang aking ginawa.

“Gunggong ka talaga, Loyola!!” Saglit akong tinitigan ni Master bago niya itinuro ang nakahandusay na si Sakurai.

Lumaki ang mga mata ko dahil sa gulat. Nahimatay yata ito sa sobrang takot. Hindi ko siya napansin kanina dahil masyadong akong tutok sa bawat galaw ni Master.

“Ano pang tinitingin-tingin mo sa’kin? Patayin mo na ang batang iyan nang makaalis na tayo dito,” naiinis na pahayag ni Master na ngayon ay nakapwesto na sa tagong exit ng headquarters.

“Mauna na po kayo, sisiguraduhin ko lang na walang matitirang pulis.”

Sinalubong ko ang nagbabagang tingin ni Master bago ito tuluyang makatakas. Alam kong pinagdududahan pa rin niya ako pero wala na akong oras para dito.

Nang masigurong nakaalis na nga ito ay saka ko lamang nilapitan si Sakurai. Wala pa rin itong malay hanggang ngayon at namumutla ito.

“Walang gagalaw!”

Kahit nag-aalala pa rin ako para sa binatang walang malay, tumayo ako at kusang-loob na sumuko sa mga pulis.

***

Makalipas ang ilang oras na pananatili ko sa police station ay nagawa ko na ring makaalis nang walang problema.

Napatawa na lang ako dahil sa alibi na binigay ko.

“Bakit mo iyon ginawa?”

“Yung alin po?” Kunot-noo kong sagot sa pulis na nakaupo sa harapan ko.

“Huwag ka nang magpanggap, bata. Kitang-kita ng CCTV na ikaw ang huling kasama ng biktima. May witness rin na makakapagsabi na bigla mo na lang itong tinutukan ng baril at dinala nang walang pahintulot.”

Tumawa ako.

“Iyon po ba?” Nakangisi kong kinuha ang toy gun na palihim kong itinago sa aking jacket. “Gusto ko lang po talagang takutin ang kaibigan ko kasi ayaw niyang sumama sa’kin. Birthday ko kasi ngayon pero sabi niya, busy siya kaya ko iyon nagawa.”

Napaisip bigla ang pulis na kaharap ko dahil malamang ay nagtataka ito kung bakit naging toy gun ang baril na hawak-hawak ko kanina. Habang inaasikaso kasi nila ang walang malay na si Sakurai ay mabilis kong sinipa palayo ang aking baril. Hahanapin ko na lang iyon kapag maayos na ang lahat.

“Sabihin na nating nagsasabi ka ng totoo. Paano mo naman maipapaliwanag kung bakit nandon kayo sa kuta ng isang kilalang mafia organization?”

Kung inaakala niyong hindi ko ‘to pinaghandaan, diyan kayo nagkakamali. Tsk.

“Iyon lang po kasi ang una kong nakitang gusali na mukhang nakakatakot kaya doon ko na lang siya dinala.” Bahagya akong tumawa para mas magmukhang kapani-paniwala ang mga pinagsasabi ko.

“Ang hindi lang namin alam ay nandoon rin pala nang mga oras na iyon ang mafia na sinasabi niyo. Kaya ayun, binihag kami nila. Buti na lang po talaga dumating kayo.”

Mukhang napaniwala ko naman ang pulis dahil tumango lang ito bilang tugon.

“Kung gusto niyo po, tanungin niyo na lang po ang kaibigan ko kapag nagising na siya. Siya po ang makakapagpatunay na wala po akong ginawang masama.”

Bumalik lamang ako sa wisyo nang makarinig ng isang malakas na busina mula sa aking likuran.

Nang sulyapan ko iyon ay nakaharang pala ako sa isang sasakyan na mukhang aalis na gaya ko.

Imbes na mainis ay pinaandar ko na rin ang aking motor at mabilis itong pinaharurot papunta sa ospital na kinaroroonan ni Sakurai.

AZI’S POV

Nagising ako dahil sa nakasisilaw na liwanag na nanggagaling sa silid na kinaroroonan ko ngayon.

Nang ilibot ko ang aking paningin sa buong paligid, napagtanto kong nasa ospital ako. Kulay puti ang dingding at nakasuot ako ng hospital gown habang balot na balot sa kumot. Sa tabi ko, mahimbing na natutulog si River.

Hindi ko mapigilang mailang nang makita ang dalawang kamay namin na magkahawak.

Inaamin kong akala ko katapusan ko na kanina. Ngunit mali ako. Pinatunayan ni River na hindi niya ako pinabayaan.

Napangiti na lang ako sa kawalan.

“Kanina ka pa ba gising?”

Agad kong binura ang ngiti sa aking mga labi. Ayokong masaksihan niya iyon.

“Anong nangyari?” Pag-iiba ko ng usapan.

At gusto ko rin talagang malaman ang katotohanan. Kung bakit niya ako dinala doon at kung bakit balak nila akong patayin.

“Magpahinga ka na muna, masyado kang nabigla sa lahat ng nangyari.”

“Ayos na ang pakiramdam ko--”

“Sumunod ka na lang sa’kin. Sasabihin ko ang tungkol diyan kapag nakalabas ka na ng ospital.”

“Pero---”

“Hahalikan kita kapag ayaw mo pa ring tumigil.”

Sabay kaming napatingin sa malayo nang sabihin niya iyon.

Tila nawala na ang takot na naramdaman ko kanina at napalitan ito ng mga paru-paro sa aking tiyan. Ramdam ko rin ang pamumula ng aking pisngi na hindi ko mapigilan.

At gaya ng isang pahina ng libro, mabilis na tumakbo sa isipan ko ang kanyang paghalik sa akin.

Tandang-tanda ko pa ang pagdampi ng malambot niyang labi sa aking mga labi.

Masyadong naging mabilis ang pangyayari pero simula nang araw na iyon, aaminin kong hindi na iyon mawala-wala sa aking isipan.

“AZI!!!”

Bumalik lang ako sa wisyo nang marinig ang boses ni Leibniz.

Ngunit imbes na matuwa ay nagtaka ako dahil sa kakaiba kong nararamdaman. Matagal ko nang gusto si Leibniz at sa tuwing tinatawag niya ang pangalan ko, hindi na matigil ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

Pero hindi ko iyon naramdaman ngayon.

Tanging pagkadismaya lang ang naramdaman ko dahil napagtanto kong wala na si River sa tabi ko at lumabas na ng silid para iwan kami ni Leibniz.

Bakit ito ‘yung nararamdaman ko?

A/N

It's good to be back lol. I don't know if may nagbabasa pa nito pero I'm happy kasi nakapag-update na ako. Comments and votes are highly appreciated. Mwahh!

Kill Me SoftlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon