Paghinto pa lang ng sasakyang pag-aari ng network na pinagtatrabahuan ni Jesica ay tumatakbo na siya kasama ang kanyang camera man papasok sa hotel na pinagdausan ng press conference ng kontrobersiyal na aktress na si Merriam Alarcon dahil sa pagkasangkot nito sa sex scandal.
“Dalian mo Mark at baka wala na tayong maabutan.” aniya sa camera man na nakasunod lang sa kanya. Sampung minuto na ang nakaraan ayon sa suot niyang relo mula ng magsimula ang idinaos na press con.
Isang taon na siya sa trabaho ngunit wala pa ring nagbabago sa ugali niya na palaging late sa mga events na pinupuntahan o kina cover niya. Madalas tuloy siyang napapagalitan ng head nila sa news department ng DBC.
Tama nga ang hinala niya, pagdating nila ay nagsimula na ang press con. Tahimik siyang umupo sa likurang bahagi kasama ang ibang reporter. Kinuha niya ang kanyang laptop at nagsimulang lumikom ng gawing balita.
“Late ka naman Jesica?” ani Franz na isang showbiz blogger.
“Oo, traffic eh.” pagdadahilan pa niya, pinukolan lang siya nito ng tingin at halatang hindi kumbinsido sa dahilan niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone sa bulsa ng suot na pantalon at makalipas ang ilang minuto ay abot tenga na ang kanyang ngiti na agad naman napansin ni Franz.
“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” taka nitong tanong
“Ang macho niya talaga.” kinikilig pa niyang bulalas.
“Macho si Merriam?” tukoy nito sa sexy star na nagsalita sa harap nila
“Ofcourse not!” mabilis niyang kontra, alam niyang inaasar lang siya nito.
“Eh sino?”
“Si Carlo ko!” buong pagmamalaki niyang wika. “Tingnan mo,” aniya at ipinakita dito ang picture ni Carlo sa account nito sa Instagram.
“Kakapost niya lang niyan, at ako ang unang nag like. Oh my god, im so lucky!” napailing-iling nalang si Franz habang nakinig dito.
“Tingin mo may magawa kang balita niyan, kung puro post ni Carlo ang inaatupag mo diyan?”
“Inspiration lang to Franz. Inspiration.” Idiniin pa niya ang huling sinabi at ipinagpatuloy pa rin ang ginagawa. Tumahimik na lang si Franz at itinuon ang atensiyon sa nangyaring pagtatanong ng mga kasamang press sa sexy star.
“Franz, maganda ba?” nagulat pa ito ng ipakita niya ang bagong palit na wallpaper ng kanyang cellphone. Umiling-iling na naman ito bago pa humarap sa kanya.
“Hindi ka ba nagsasawa sa mukha ni Carlo?” anito sa iritadong tinig na sinagot naman niya ng matamis na ngiti.
“Never!” mabilis niyang sagot.
Wala na ata siyang narinig mula sa kanyang mga kaibigan pati na sa ate niya kundi puro pagrereklamo at paninita sa sobrang kabaliwan niya sa aktor na si Carlo. Ang kwarto niya ay wala ng pagsidlan ng mga larawan nito pati camera album niya sa cellphone ay puro mukha ni Carlo ang naroon. Madalas nga siyang tawagin ng mga kaibigan na obsessed fan. Akala din niya ay maglaho rin lahat ng paghanga niya sa aktor pagkalipas ng panahon pero nagkamali siya dahil lalo lang tumindi ang kanyang nararamdaman ng matupad na niya ang kanyang pangarap na maging isang reporter. Dahil madalas na niya itong nakikita sa mga showbiz events at sa kabila ng katotohanang kabi-kabila ang babae nito ay hindi nagbago ang tingin niya dito kahit na katiting.
“Wala ka bang balak na makinig?” puna sa kanya ni Franz, kahit kailan talaga ito ang kanyang kasangga.
“Nakakaumay na yan si Merriam, pang-ilang beses na niya ba tong scandal?”