Umuubong nagluluto si Susan ng adobong sitaw para sa kanilang hapunan. Mausok ang kahoy na panggatong dahil hindi ito masyadong naibilad sa araw. Dinurog niya ang bawang gamit ang paboritong tasa ni Edgar na wala nang hawakan. Makikita ang naglalakihang ugat sa kaniyang kamay habang binabalatan at hinihiwa ang mga sangkap. Halos mamaos si Susan sa pagtawag sa kaniyang anak na si Celso na buong araw nang naglalaro sa labas. Piningot niya ang tainga ng bata nang makita niya ang alikabok at lupang kumapit sa damit nito. Nang makapagpalit ng kamiseta si Celso, agad itong tumulong sa kaniyang ina upang mabilis maluto ang pagkain.
Ilang minuto lang ay naluto na rin ang hapunan. Sandaling lumabas si Susan upang makahinga ng sariwang hangin. Natanaw niya si Mikay na iika-ikang naglalakad pauwi ng kanilang bahay. Hinubad ni Mikay ang kaniyang pudpod at butas-butas na tsinelas sa pintuan. Inilaglag niya ang kaniyang bag at sumalampak sa sahig na gawa sa kawayan. Ni hindi man lamang siya nakapagpalit ng damit at suot-suot pa rin ang naninilaw na uniporme. Pinabayaan na lang ni Susan ang dalagita nang marinig ang paghihilik nito. Tutal, wala pa naman si Edgar.Madilim na ang paligid at tapos nang kumain ang mag-anak pero hindi pa rin nakakabalik si Edgar. Dapat ay kanina pa siya nakauwi. Hindi rin naman niya ugaling magpagabi sa sakahan lalo na't wala siyang dalang gasera. Nagsisimula nang maglaro ang isip ni Susan kaya minabuti niyang mag-imbestiga sa mga tao. Sinindihan ni Susan ang gasera at tahimik na lumabas ng bahay.
Una siyang nagtungo sa bahay nina Mang Benny. Parehas ang daanan papunta sa kanilang mga sakahan kaya marahil ay nakita niya si Edgar. Naikuwento ni Mang Benny na nagsabay kaninang umaga. Pero hindi rin alam ni Benny kung bakit wala pa si Edgar. Tanghali pa lang daw kasi ay umuwi na siya at natanaw pa niya si Edgar na nag-aani ng palay. Matapos magkwento ni Mang Benny ay nagpasalamat na si Susan at umalis.
Naisip naman ni Susan na magtanong kay Jetro. Palaging isinasama ni Edgar sa sabungan ang binata. Nang tanungin ni Susan kung may nalalaman siya hinggil sa kaniyang asawa, sinabi nitong buong araw lang siyang nasa bahay dahil mayroon siyang trangkaso. Dinagdag rin niyang hindi nagkaroon ng sabong ngayong araw dahil walang dumayo mula sa ibang baryo. Nang matapos ang kanilang pagkukwentuhan ay nagpaalam na rin si Susan.
Sumunod namang pumunta si Susan kay Manolo. Siya ang pinakamatalik na kaibigan ni Edgar. Inisip niyang ito na ang makakapagbigay ng impormasyon kung nasaan ang kaniyang asawa. Sa kanilang pag-uusap ay nabanggit ni Manolo na nakita niya si Edgar sa sakahan bandang hapon. Inaya pa nga niya itong sumabay na lang sa pag-uwi upang mag-inom ng paborito nilang tuba. Pero sinabi ni Edgar na kailangan pa niyang tapusin ang inaaning palay dahil malapit na itong mabulok. Kaya naman iniwan niya na lang ito at umuwi.
Maghahating gabi na pero hindi pa rin alam ni Susan kung nasaan si Edgar. Unti-unti na siyang nawawalan ng pasensya. Sa desperasyon niya ay naisip niyang pumunta sa kanilang sakahan upang tignan para sa kaniyang sarili kung nandoon ang kaniyang asawa. Habang nanginginig ang kaniyang kalamnan sa galit ay dahan-dahan siyang naglakad. Halos mangapa na lang siya sa daan dahil sa dilim at hindi rin masyadong nakakatulong ang gasera sa malabo niyang mata. Minsan ay nabubunggo nalang siya sa mga puno at makailang beses napatid. Nakadagdag rin sa kaniyang inis ang tagos-sa-butong lamig dahil sa pag-ihip ng hangin. Sa kabila nito'y nagpatuloy lang siya sa paglalakad.
Nang malapit na siya sa sakahan ay narinig ni Susan ang nakakabagabag na pagtahol ng kanilang asong si Totoy. Umaalingawngaw ang tinig ni Totoy sa buong sakahan na tila ba'y may naaamoy na hindi nito kilala. Naaaninag na ni Susan ang barong-barong sa gilid ng kanilang sakahan. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang makita niyang naiwang nakabukas ang pintuan. Nang marating sa barong-barong ay bigla siyang napatigil. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Parang yelo ang lamig ng pawis na lumabas sa kaniyang katawan. Sa gulat niya'y nabitawan ang bitbit na gasera. Hindi na niya namalayang umaagos na ang luha at uhog sa kaniyang mukha nang tumambad sa kaniya ang lahat.

YOU ARE READING
Random Thoughts (Short Stories)
Short StoryThis is where I will put all of my short stories so I can see my progress as a writer. I will try to put a story everyday here.