Clash

0 0 0
                                    

Malumanay na pinipindot ni Homer ang mouse ng kaniyang computer. Nililibang niya ang sarili sa paborito niyang laro - DOTA 2. Lumagpas na sa sampung minuto ang oras sa laro. Inaatake ng gamit niyang hero na si Axe ang mga troll sa kampo nito sa gubat. Nang mamatay ang mga troll ay umabot na sa 2,200 ang kaniyang ginto. Sa wakas, makakabili na siya ng Blink Dagger.

"need courier... dagger in base..." sabi niya sa chat upang mabasa ng 4 niyang kakampi. Walang ano-ano'y pinagamit sa kaniya ang kabayong may pakpak.

Nagpatuloy siyang maglakbay at pumatay ng mga nilalang sa gubat habang hinihintay na dumating ang bagong bili niyang Dagger at Smoke of Deceit. Samantala ay maigi niyang tinitignan ang mapa kung sino ang una niyang magiging biktima.

"gank mid pls" ang sabi ng kakamping si Invoker. Kanina pa siya namamatay sa kalabang Shadow Fiend. Ang bobo naman nito, sabi ni Homer sa sarili.

Eksaktong dumating ang kabayo dala ang biniling mga gamit. Ginamit niya ang Smoke upang hindi siya makita sa mapa. Mas mataas ang tsansang mapatay ang Shadow Fiend kung isosorpresa.

"let sf attack tower" paglalatag niya ng plano kay Invoker.

Dali-dali syang tumawid ng ilog papunta sa teritoryo ng kalaban. Iniingatan niyang hindi mawala ang epekto ng Smoke kaya naman pinanatili niya ang distansya. Samantala, si Invoker ay nagtago naman sa kapunuan malapit sa kanilang tore.

Ilang segundo lang ay dumating din ang tamang pagkakataon. Umakyat si Shadow Fiend sa kanilang teritoryo at inatake ang tore. Pinatakbo ni Homer ang kaniyang Axe papunta sa kinalalagyan ni Shadow Fiend. Nang matantiya na niyang aabot ang Dagger sa direksyon ng walang kamalay-malay na kalaban, ginamit niya ito.

Biglang sumulpot ang si Homer sa harapan ng Shadow Fiend at ginamit ang Berserker's Call. Inaatake na siya ngayon ng 5 kalaban at nagpaikot-ikot si Axe nang dahil dito. Samantala ay nakatutok naman mismo kay Shadow Fiend ang Sunstrike at Chaos Meteor ni Invoker. Mabilis na nabawasan ang buhay ng kalaban, namumula na ito. Dinakdakan ni Axe ng palakol ang kawawang Shadow Fiend upang tuluyang tapusin ang buhay nito. At sa isang iglap, nalusaw na parang plastik ang kanilang kalaban.

"ty" pasasalamat ni Invoker kay Homer. "np".

At pinagtulungan nilang bawasan ang tore ng kalaban sa gitnang linya.

Iniwan din ni Homer ang kakamping Invoker. Dahil hindi pa handa ang kaniyang mga abilidad, muli siyang pumunta sa gubat upang pumatay ng mga halimaw at mag-ipon ng pera. Wala na rin siyang mana - ang rekisito upang magamit ang mga abilidad. Kaya naman ginamit niya ang Clarity Potion.

Maya-maya'y napansin niya na nagtipon ang mga kalaban sa ibabang linya. Kumpleto silang lima. Nandoon si Shadow Fiend, Tidehunter, Rubik, Phantom Assassin, at Earth Spirit. Agad siyang sumenyales sa kaniyang mga kakampi na maghanda. Malaking labanan ito.

"I bought Smoke of Deceit!" nabasa ni Homer ang pagpapaalam ng kakamping si Crystal Maiden. Papunta na siya sa gubat sa ibabang parte ng mapa. May dala rin itong Sentry Ward upang masigurong walang nakikita ang kalaban sa kanilang tagpuan.

Nakita rin niya na papunta na sina Invoker at Io. Samantala, malapit lang sa kaniyang kinalalagyan si Anti-mage.

Matapos itanim ni Crystal Maiden ang Sentry Ward at matipon ag buong koponan, tinahuban nila ang sarili ng Smoke.

Malapit na ang kalabang koponan sa kanilang tore. Kaya naman iginuhit ni Homer ang kanilang dadaanan sa mapa. Plano niyang dumaan sa likod ng kalaban, malapit sa ilog at surpresahin mula ro'n. Kahit na hindi sumagot ang kaniyang mga kakampi ay sumunod naman ito sa kaniyang plano.

Handa na silang umatake. Katulad ng kanina, unang pumasok si Homer gamit ang kaniyang Dagger at sinundan ng paggamit ng Berserker's Call. Kinonsentra niya ang kaniyang mga abilidad kay Shadow Fiend at agad namatay.

Agad namang kinonekta ni Io ang kaniyang Tether kay Homer. Inilabas din niya ang limang maliliit na bola sa kaniyang paligid.

Pinalipad naman ni Invoker ang mga kalaban sa ere habang bumabagsak ang bulalakaw. Pinalabas din niya ang kuryente na magpapawala ng mana ng kalaban.

Habang nangyayari ang mga ito, bigla na lang tumigil ang lahat. Kahit anong pindot ang gawin ni Homer ay hindi sumusunod si Axe. Nananatiling lumilipad at umiikot ang kaniyang mga kalaban. Sina Crystal Maiden at Anti-mage ay tumatakbo pero hindi umaalis sa kanilang mga puwesto. Maya-maya pa ay kusa siyang inilabas sa laro pabalik sa tala-pilian.

Anong nangyayari? Takang-taka si Homer sa mga nangyayari. Kailangan niyang makabalik dahil mababawasan ang kaniyang ranggo. At ang malala pa nito, posibleng tanggalin ang kaniyang iniingatang account dahil sa pag-abandona ng laro.  Hindi ito maaari.

Nagmamadali niyang tinignan ang lahat ng posibleng dahilan ng problema - ang modem, kable, ang computer mismo. Pinagpapawisan na siya. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Wala namang problema sa mga ito, sabi niya sa sarili.

Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Homer. Sa loob-loob niya'y gusto na niyang magwala. Gusto niyang maiyak. Gusto niya nang sumuko.

Dahil sa pagod ay naisipan niyang uminom ng tubig. Tumayo siya mula sa harap ng computer at pumunta sa kusina. Kumuha siya ng baso at binuksan ang pridyider. Kinuha niya ang isang pitsel at ibinuhos ang laman nito sa baso.

Nang isara niya ang pridyider, napansin niyang may papelitang nakadikit sa pinto nito. Tinignan niya itong mabuti. Inilapit ang kaniyang mukha. Inisa-isa ang detalye ng nilalaman ng papel. At doon lamang niya napagtanto ang lahat. Tila nabura na sa kaniyang isipan. Hindi pa pala siya nagbabayad ng internet.

Random Thoughts (Short Stories)Where stories live. Discover now