Beach

1 0 0
                                    

Isang araw, pumunta kami ni Mama sa beach. Ang saya-saya ko kasi dalawa lang kami. Hindi namin kasama yung mga kapatid ko. Hindi rin namin kasama si Papa dahil busy siya sa trabaho. Napakaganda ng panahon para mag-beach. Sa wakas, makakapag-enjoy na rin ako.

Pagdating namin sa beach, naglaro kami nang naglaro. Naghabulan kami ni Mama. Hindi niya ako mahabol dahil tumakbo ako ng sobrang bilis. At kung natataya naman ako, nahahabol ko rin siya kaagad. Pagkatapos ay gumawa kami ng sand castles. Wala kaming dalang timba at pala kaya kaunting ihip lang ng hangin ay natutumba ang mga ginawa namin. Nilibing rin ako ni Mama sa buhangin. Tawang-tawa siya n'ung ulo ko na lang ang nakikita.

Nang mapagod, umupo kami at kinuha ang baon naming pagkain. May dala kaming pritong manok, cassava cake, softdrinks, ube halaya, at isang balot ng tag-pisong Sweet Corn. Hindi rin nakalimutan ni Mama ang paborito kong Spaghetti. Malutong ang balat at malinamnam ang laman ng manok. Hindi na kailangang isawsaw sa ketchup. Manamis-namis at malalaki ang hiwa ng hotdog sa sauce ng spaghetti. Marami ring kesong nilagay para magkaroon ng kaunting alat. Sarap na sarap ako sa pagkain, lalo na't luto ito ni Mama.

Naligo kami sa dagat pagkatapos n'un. Damang dama sa balat ang lamig ng tubig, halos manginig ako. Nakainom ako ng tubig sa dagat dahil sa malaking alon. Ang alat! Pinilit kong dumura nang paulit-ulit para mawala ang lasa. Maya-maya'y nagdilim na ang paligid. Nagsikalat ang makakapal at maiitim na ulap sa langit. Hinanap ko kaagad si Mama.

Tinignan ko ang lugar kung saan nakalagay ang mga gamit namin. Pero wala r'on si Mama. Tumingin ako sa kaliwa, sa kanan, wala rin siya. Saan kaya siya pumunta? Lumingon ako sa lahat ng direksyon at walang ni isang anino niya. Sa mura kong edad, hindi ko na alam ang gagawin ko kun'di humagulgol at tawagin siya. Iyak ako nang iyak habang sumisigaw ng Mama.

May tumatawag sa isip ko. Para akong kinakalabit. Pagmulat ko'y nakita ko si Mama. Ginigising na pala niya ako dahil binabangungot ako. Pinunasan niya ang mukha ko, pinasinga ang sipon na naipon sa ilong, at binuhat upang tumahan. Paalis na siya papunta sa trabaho. "Anong gusto mong pasalubong, anak?", tanong niya sa'kin. "Piattos na malaki", sagot ko. At umalis na siya.

Naghintay ako maghapon. Maya't maya'y nakatingin ako sa bintana at pinto para salubungin si Mama. Naktulog na lang ako sa sala, hindi pa rin siya dumarating. Ilang araw ang lumipas, wala pa rin si Mama. Pagkauwi ko galing sa eskwelahan, pinagbihis ako ni Papa. Pupuntahan daw namin si Mama. Tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay makukuha ko na rin ang pinangako niyang Piattos. Iinggitin ko ang mga kapatid ko.

Sumakay na kami sa sasakyan. Hindi nagtagal ay nasa simbahan na kami. Ba't kami huminto sa simbahan? Takang-taka ako. Akala ko sa mall kami pupunta o kaya'y sa Jollibee. Pero nandoon din ang mga kamag-anak namin, pati mga kapatid ko. Ano'ng nangyayari? Pagpasok namin sa kwarto ay may kabaong. May kamag-anak kaming namatay? Bawat isang kamag-anak na nakakasalubong ko, tinatanong kung okay lang ba ako. Hindi naman ako nagkasakit. Nadagdagan nang nadagdagan ang pagtataka ko. Hanggang sa sinamahan ako ni Papa na sumilip sa kabaong. Si Mama, si Mama pala yung laman ng kabaong.

Random Thoughts (Short Stories)Where stories live. Discover now