Gunita

9 2 0
                                    

𝗚𝘂𝗻𝗶𝘁𝗮
(Date Created: April 13, 2021)

............

"Sa hampas ng alon ng kaalaman, sa lumulubog na liwanag ng pag-asa, sa amoy ng asin na nagkalat sa karagatan, at sa mga huni ng ibon, ay matatagpuan ang tahanan."

...

Humahakbang hila-hila ang lambat na dala ko na may kaunting isdang huli, nakasalubong ko si Mang Goreng na kasalukuyang nakatitig sa lumulubog na araw.

"Kumusta, Mang Goreng." Bati ko rito.

"Aba eh, maayos hijo. Mukhang mahina ang huli ah." Tugon nito sa matandang boses. Napatawa na lamang ako.

"Malakas ang alon, tanda. Mahirap lumayo." Muli kong tugon.

"Ala eh, bumalik ka, at hahatian kita sa lambanog." Huling wika nito. Tumango ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Sa pagbabalik ko ay may apoy na siyang nasindihan. May malaking bote ng lambanog na nakatayo sa buhangin, at nakaupo siya sa tabi nito.

Naupo ako sa tabi nya, kaharap ang lumulubog na araw. Ang hampas ng alon at ihip ng hangin ay lalong nagpasarap sa aming pag-tambay.

"Kumusta, hijo?" Wika nito.

"Ayos lang naman." Tugon ko, at kinuha ang lambanog.

"Sigurado ka ba? Minsan ang bangka ay makulay, subalit dilis lamang ang laman." Napatawa ito nang mahina kasabay ko. Hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi, subalit tila nagpapagaan ito ng aking damdamin.

"Nako, nagbibinata na kayo. Natututo na kayong mangisda." Ang lagaslas ng dahon ang musika naming dalawa kabang nag uusap.

"Mahusay na ako, Tanda. Marahil ay mas magaling pa sa iyo." Pagyayabang ko, dahil ako ang pinakamahusay na mangingisda sa aming isla.

"Mas delikado pa sa dagat ang tatahakin mo bata. Nasa alon ka pa lang. Hindi mo pa nasisilip ang nakakamatay na lalim. Kailangan mo pa ng bangka para itawid ka mula sa pangpang hanggang kalagitnaan." Tila kanta ng mga sirena ang salita ni Mang Goreng, kasabay ng pag-taas-baba ng alon ng dagat.

"Tandaan mo hijo, limitado ang bangka. Kung nais mong makahuli nang malaki, kailangan mong sumisid. Kailangan mong iwan ang palutang mo." Napangiti ito habang nakatitig sa malayo.

"Hay nako, Mang Goreng, ang dami mong sinasabi. Ako ho'y mauna na at magluluto pa ako ng hapunan." Wika ko at lumisan. Sa aking paglalakad, naririnig ko ang kaniyang tinig.

"Bata ka pa, hijo. Marahil ay hindi mo pa naiintindihan. Sa susunod na parte ng iyong paglalayag, sa pagnanais mong makalambat ng dosena, marahil maaalala mo ang mga sinabi ko."

Namatay ang apoy sa ihip ng hangin. Ang ngiti ko ay tila pumawi sa pagod ng aking pangingisda. Talaga ngang misteryoso ang dagat. Malalim, mapusok, delikado. Kailangan mo ng palutang, at ang kahoy kong bangka, ay ang mga pangaral ni Mang Goreng..

"𝙂𝙖𝙖𝙣𝙤 '𝙢𝙖𝙣 𝙠𝙖𝙩𝙖𝙖𝙨 𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙡𝙤𝙣, 𝙜𝙖𝙖𝙣𝙤 𝙠𝙖 '𝙢𝙖𝙣 𝙠𝙖𝙡𝙖𝙮𝙤 𝙨𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙜𝙥𝙖𝙣𝙜, 𝙞𝙥𝙖𝙪𝙗𝙖𝙮𝙖 𝙢𝙤 𝙨𝙖 𝙠𝙖𝙣𝙞𝙮𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙨𝙖𝙜𝙬𝙖𝙣, 𝙖𝙩 𝙢𝙖𝙠𝙖𝙠𝙖𝙧𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙠𝙖 𝙨𝙖 𝙞𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙥𝙖𝙩𝙪𝙩𝙪𝙣𝙜𝙪𝙝𝙖𝙣..." Ang ibinurda ko'ng kasabihan ni Mang Goreng, ang nagsilbing bangka ng aking pagkabata.

-𝘈𝘬𝘶𝘮𝘢 𝘌𝘵𝘴𝘶𝘬𝘰

Panaginip: One Shot CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon