“Ay nako, Belinda. Dagdag ka pa sa gulo.” Pailing-iling na sabi ni Itang nang makarating sa school. Recess pa rin naman at may dala itong pagkain para sa ‘kin.
“Siya naman po kasi ang nauna. At tsaka mas mabuti nang nalaman ang tungkol d’yan sa kalokohan ni Rodora. Ang panget na nga niya, mas panget pa ang ugali.” Nakangusong sabi ko habang binubuksan ang dala ni Itang.
“Belinda, anak. Hindi ba’t sabi ko sayo na hindi magandang ugali ang pang-iinsulto sa ibang tao?” paalala niya.
Simula nang maging bully ako sa school ay palagi niyang sinasabi sa ‘kin na masama ‘yon at hindi ko dapat gawin. Kaso nakasanayan ko na at naililigtas ako sa masasakit na tukso, kinakatakutan din ng lahat. Hindi naman siguro masama ang ginagawa ko dahil pagliligtas ko ‘yon sa sarili.
“Opo. Itang. Pero, paano naman kung ang ibang taong ‘yon ay masama? Hindi naman nila deserve na matrato ng mabuti. Lalo na ang Rodorang ‘yon.” Nakabusangot ang mukha ko nang sabihin ko ‘yon.
“Sinabi ko rin sayo na kahit anong sama ng tao sayo ay hindi mo dapat suklian ng kasamaan din. Sa halip, bigyan mo ng kabutihan.” Aniya. “Kaya gusto kong lumaki ka ng matapang pero isang mabuting anak.”
“Ginagawa ko naman po, e. Nagiging matapang ako sa paraan na paglaban sa kanila at mabuti sa paraang pagtatanggol sa mga kaibigan ko. Wala pong masama sa ginagawa ko.”
Tinapik ni Itang ang ulo ko bago ngumiti. “Pero masama ang pananakit. Belinda, hindi ka naman dapat maging bully para maging matapang. Harapin mo lang ang mga nang-aasar sayo pero h’wag mong gantihan at saktan.”
Dahil sa sinabi ni Itang, bumuhos ang luha ko. Sa tuwing siya ang kausap ko, hindi ko naiiwasang maiyak. Lagi niya akong tinuturuan ng kabutihan kahit na matigas ang ulo ko.
“Mahal kita, Itang! Salamat dahil nand’yan ka.” Yakap ko sa kan’ya.
Bumalik na ako sa klase dahil tumunog na ang bell hudyat na kailangan ng bumalik ng mga silid. Umuwi si Itang matapos niyang magbigay sa ‘kin ng sampung piso para raw sa pag-uwi ko ay may mabili ako.
“Bebang! Nako, ayos ka lang ba?” sulpot ni Carding bago tinignan ang itsura ko. “Ang astig mo kanina! Nakita ko kung paano sumubsob si Rodora, kawawa!”
“Dapat lang sa kan’ya ‘yon. Masama siya. Pero sa susunod, ayoko na siyang makaaway.” Aking pinaglaruan ang daliri sa kamay. Nagtaka ang mukha ni Carding sa tono at kilos ko.
“Nahipan ka ba ng mabuting hangin? Bakit naman ayaw mo na siyang makaaway, e parang dati lang ay gustong-gusto mong nasasaktan mo siya?” tanong niya habang sumusunod sa ‘kin sa upuan.
Umupo ako at tumingin sa mga kaklase ko. Ang iba sa kanila ay walang pake. Ang iba ay nakikibagbangayan. Ang iba naman ay tahimik lang.
“Hindi naman kasi tama na manakit ako. Nang dahil lang kailangan kong ipagtanggol ang iba, mananakit na ako.”
Ramdam ko ang pag-akbay ni Carding sa ‘kin. Tumawa ito at tinapik pa ang balikat ko.
“Bebang, ganito kasi ‘yan.” Sambit niya kaya napatingin ako sa kan’ya. “Hindi masama maging matapang. Hindi rin naman gano’n kasama ang makapanakit. Pero kahit na gano’n, dapat alam natin ang hangganan.”
Kumunot ang noo ko. Tumayo siya at sa mismong mesa umupo.
“At sa ginagawa mo, wala naman akong nakikitang mali. Hindi alam ng Itang mo ang buong nangyari kaya sabihin mo sa kan’ya ‘yon. Maiintindihan ka niya. Hindi ka naman laging nananakit kung alam mong mababaw lang ang dahilan.” Malawak pa rin ang ngiti niya.
Laging nand’yan si Carding para sa ‘kin. Alam kong nakakainis siya minsan pero ‘di ko naman maitatangging kailangan ko rin siya. Sobrang masaya ako dahil mayro’n akong kaibigan na katulad niya.
Hindi ko inakalang natapos ang buong taon at grade 4 na kami. Kaklase ko ulit si Carding at ang iba naman ay hindi na. Bumaba ang section namin at nasa Violet na kami. Kasama namin si Penny na nasa Section Violet din.
“Belinda!” tawag ni Wilma na nasa labas ng bahay namin ngayon. “Tara, laro tayo ng chinese garter!”
Tinignan ko si Inang na nagsusulat ng mga bibilhin niya sa palengke. Tumango na lang siya dahil narinig din niya ang pag-aya ni Wilma sa ‘kin.
“Magdala ka ng tuwalya at tubig na inumin. Masyadong mainit sa labas kaya kailangan mong magpunas ng pawis at uminom ng tubig. H’wag magpapagabi!” paalala ni Inang kaya natuwa ako.
“Opo!”
Summer vacation ngayon at panahon para magsaya ang mga bata. Nang mailagay ko sa bag ko ang dalawang tuwalya at dalawang bote ng tubig, lumabas na ako at sumama kay Wilma.
“Daanan natin si Carl. Baka payagan din siya.” Ani Wilma kaya tumango ako.
Habang padaan kami sa bahay nila Carding, narinig naming nagtatalo ang magulang niya at nagsisigawan. Agad kong nakitang nasa labas si Carding, nakaupo at nakayakap sa tuhod. Nilingon ko si Wilma kaya tumango siya.
“Kita na lang tayo sa isla.” Kumaway siya bago tumakbo papunta sa mismong pwesto namin sa paglalaro.
Hindi alam ni Carding na nando’n ako kaya nagulat siya nang hilahin ko siya palayo sa bahay nila. Hinatak ko siya doon sa park kung saan kami madalas na tumambay. Rinig ko pa rin ang hikbi niya habang naglalakad kami na magkahawak ng kamay.
Nang makarating kami ay hinarap ko agad siya at niyakap. Halata sa kan’ya ang malaking gulat pero niyakap din niya ako pabalik. Malakas ang hikbi niya kaya alam kong nasasaktan siya.
“Sabihin mo, anong nangyari?” tanong ko.
“Sina Nanay at Tatay, laging nag-aaway. Palaging tungkol sa pera at paghahati ng bahay. Sa tingin ko, maghihiwalay na sila, Bebang.” Aniya. “Ayokong masira pamilya ko.”
Hindi ko alam ang dapat na sabihin para mapagaan ang loob niya. Wala naman kasi akong amor sa pagbibigay ng mga salita sa tao dahil ang alam ko lang ay magtanggol sa kanila. Puro ako kilos at hindi salita. At tsaka, hindi ako marunong magsinungaling kaya naman hindi ko kayang ipreno ang bibig ko.
“Tahan na, magiging ayos din sila.” ‘yan lang ang tangi kong nasabi sa kan’ya. “Hindi ako marunong magbigay ng magandang salita kaya tumahan ka na. Alam ko namang magiging ayos din ang pamilya mo.”
Kumalas siya sa yakap bago nagpunas ng luha. Ngumiti siya kahit na maga pa ang mata at mapula ang ilong. Sa ginawa niyang ‘yon, para bang naging masaya rin ako.
“Salamat, Bebang. Na kahit nakakainis ako ay nagawa mo pa ring mag-alala sa ‘kin. Pangako ko, na hanggang sa pagtanda natin ay hindi kita iiwan.”
BINABASA MO ANG
White Dust (Elementary Series #2)
Non-Fiction(COMPLETED) Have you ever experienced being shot by a chalk? With the Board Eraser? Belinda (Bebang) Venice Fernandez is an Elementary Bully. Everyone see her like a boss and everyone is afraid of her. On the other hand, Bebang have many friends de...