Dirediretso kang pumasok sa loob ng bar at umakyat sa stage. Naririnig mo ang kanta ng Eraserheads na tumutugtog. Inagaw mo ang mikropono sa lalaking kumakanta at pinahinto ang buong banda. Napatigil ang lahat sa kanilang mga ginagawa at napatingin sa iyo. Ang lahat ay nagaabang sa gagawin mo maliban sa kanya na patuloy pa ring nakatingin sa cellphone na parang wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid na medyo totoo naman. Pinapatay mo ang ilaw at pinatutok ang spotlight sa lalaking may dahilan kung bakit ka nasa stage ngayon, kung bakit ka napuyat ng ilang araw, kung bakit sobrang pinagpapawisan ka sa kabila ng malakas na aircon ng bar. Tumingin na siya sa iyo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo, mas mabilis pa noong una mo siyang nakita sa bar na ito. Akala mo magcocollapse ka na pero kailangan mong ituloy ito kahit pa nanginginig ang mga kamay mo. Ngumiti ka at kinalimutan ang lahat ng pagaalinlangan at kabang nararamdaman mo.
Alas singko medya na at malapit nang matatapos na ang shift mo. Makakapagpahinga ka na matapos ang halos labindalawang oras na trabaho na dapat ay anim lang. Kung hindi nagkasakit ang katrabaho mo ay malamang nakahilata ka na sa kama ngayon at nanonood ng Mockingjay part 1 na kakadownload mo lang. Habang iniisip mo kung anong kakainin habang pinapanood yung pelikula ay biglang may nanggulat sa’yo at muntik nang mahulog ang hawak mong tray. Sinigawan ka ng boss mo dahil nakatulala ka na naman sa kawalan na madalas mong ginagawa sa trabaho mabuti na lang at ‘di ka pa tinatanggal. Agad mong inilapag ang tray sa may lamesa at inumpisahan na ulit ang paglilinis. Ligpit dito, ligpit doon, punas dito, punas doon tapos wiwisikan ng spray at pupunasan ulit. Matapos ang isang lamesa yung kabila naman. Araw-araw paulit-ulit na lang pero wala ka rin namang mairereklamo dahil pinapasuweldo ka naman ng tama at kailangan mo ng pera. Biglang tumunog ang wind chime na nagsasabing may bagong customer ulit o kaya dumating na ang kapalit mo at makakauwi ka na’t makakahiga sa malambot mong kama. Tumingin ka sa pinto at nakita ang lalaking pumasok. Napahinto ka sa ginagawa mo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo.
Wala ka namang sakit sa puso pero sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso mo. Ang kaninang ‘di mo pinapansin na pagkanta ng banda sa stage ay dinig na dinig mo na at parang mas lumakas pa ngayon. Siguro ni Yeng Constantino ang kinakanta nila at para kang nasa isang music video. Saktong pagdating sa chorus ay dumaan sa harap mo ang lalaking may dahilan kung bakit maaari kang mamatay ng maaga. Umupo siya sa may gawing kaliwa ng stage at inumpisahang basahin ang menu. Nakita mo ang boss mong lumabas sa kanyang opisina kaya bumalik ka ulit sa paglilinis ng lamesa. Kung kanina ay gustong gusto mo nang umuwi at magpahinga ngayon ay parang papayag ka nang magtrabaho ng anim na oras pa makita at makanakaw lang ng tingin sa lalaking pumukaw ng atensiyon mo at malamang magkaroon ng puwang sa puso mo.
Hindi mo alam kung matutuwa ka o hindi dahil malapit ng mag alas siyete at wala pa rin yung kapalit mo. Kung sa normal na araw siguro ay inis na inis na ka na sa katrabaho mo pero sa sitwasyon ngayon ay malaki ang pasasalamat mo sa kanya. Sa halos isang oras na pamamalagi ng lalaki dito sa bar niyo ay ‘di mo man lamang siya nakitang ngumiti. Nagbabasa siya ng libro habang kumakain, paminsan minsan naman ay tumitingin siya sa cellphone niya at magtetext. Patuloy ka pa ring naglilinis ng mga lamesa kahit na sinabi na ng boss mo na pwede ka ng magpahinga habang wala pa ang kapalit mo. Sinabi mo na ayos lang at hindi ka pa naman napapagod kahit lagpas labindalawang oras ka nang nagtatrabaho. Pasado alas siyete na at dumating pa yung katrabaho mo at agad siyang lumapit sayo at nagsorry, sorry daw dahil hindi tumunog yung alarm niya, sorry dahil traffic sa EDSA, sorry dahil naginuman pa daw sila ng mga kaibigan niya kagabi at kung ano-ano pang dahilan na mukhang inimbento lang niya. Imbis na kuwestiyunin mo siya ay tinanong mo pa siya kung bakit andoon na agad siya at sana ‘di muna siya dumating. Nagtaka yung katrabaho mo pero ‘di ka na niya pinansin at kinuha na sa kamay mo ang hawak mong tray kahit na hindi pa siya nagbibihis ng uniporme. Sinundan mo na siya sa loob at nagpalit ka na ng damit at inayos ang gamit mo. Bago ka lumabas ng bar ay sumulyap ka muna sa lalaking kanina mo pa tinitingnan at ngumiti. Tapos na siyang kumain at nagbabasa na lang siya ng libro na nakakunot ang noo. Hinihiling mo na sana ay bumalik siya bukas at kapag nangyari iyon ay magkaroon ka na sana ng lakas ng loob na lapitan siya.
BINABASA MO ANG
Signs
Short StoryMinsan hindi iyon tungkol sa pagkanta ng tamang awitin kung hindi sa pagkanta sa tamang tao. Sa tao na parang bingi sa lahat ng naririnig niya. (inspired by the short film Kismet Diner by Cornetto UK)